Pangunahing Pahina
 Pagsusulat Ng Ulat




Pagsasalinwika:

Català
中文 / Zhōngwén
Deutsch
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
Italiano
Português
Română
اردو / Urdu

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Susing Pananalita

Ipagbigay-alam

Mga Dokumento

Mga Magagamit na Link

Kalamanan:

Kalamanan:

Kalamanan:

Kalamanan:


PAGHAHANDA NG MABUTING ULAT

sinulat ni Phil Bartle, PhD

isinalin ni Ernie Villasper


Isang Gabay

Ikaapat na Bahagi: Paghahanda ng Mabuting Ulat:

Ang ulat na sinalansan lamang at hindi nabasa, o itinapon sa basura, o ginamit lamang upang balutin ang giniling na pili ay walang pakinabang. Ang ulat na binabasa ay isang magaling na ulat. Kaya ang ating tanong ay, “Paano tayo makakahikayat na basahin ang ulat?”

Ang pag-aaral ng pagsulat ng mabuting ulat ay isang kasayahan. Ang pagsusulat ng ulat ay hindi kailangan na maging walang kasiglahan, nakakapagod at hindi maginhawang gawain na inyong kapopootan tuwing ang ulat ay nakatakdang darating. Kapag natuto kayo ng ilang kahusayan at maikling paraan, ang pagsusulat ng ulat ay isang nakakawiling hamon, at nagdudulot ng kasayahan.

Maaari ninyong ituring ang pagsusulat ng ulat na isang pangunahing sangkap ng pagka-propesyonal ng inyong tungkulin, at isang kasangkapan para sa pagsusubaybay ng inyong mga aktibidad. Walang kababalaghan o hiwaga sa paggawa nito; ang dokumentong ito ay magtuturo sa inyo nang mga kahusayan at maikling paraan na madalin ninyong mauunawaan at magagamit.

Sulatin ang ulat upang ito ay mababasa, at hindi isasalansan lamang. Para mangyari ito, dapat ay isulat ninyo ang ulat para iyon ay madaling maintindihan, at nag-aanyaya sa tagabasa na basahin ang buong ulat hanggang sa katapusan. Dapat din ninyong alamin kung sino ang inyong mga mambabasa (mga taga-pakinig na tinutudla), kung bakit nila gugustuhin na basahin ang ulat, ano ang kanilang pangangailangan at nais na malaman mula sa ulat.

Maraming paraan para alamin kung ano ang gustong malaman ng inyong mga taga-pakinig (samakatuwid para basahin ang ulat), at maaaring alam na ninyo ang walumpung bahagdan (porsiyento) nito. Kapag natapos ninyo ang unang dibuho ng inyong ulat, ito ay padaanin ninyo sa pagsubok. Sa bawa’t pangungusap na inyong sinulat, tanungin ang inyong sarili, “Ito ba ay makakaakit sa mga mambabasa?”

Sinuman ay hindi dapat na magsulat ng ulat nang sa sarili lang niya lamang. Ang dapat na gawin ng tagapagpakilos ay ituring itong pulutong na kilusan ng mga kinatawan ng sambayanan, alang-alang sa buong komunidad, para sa pagpapatibay muna ng sambayanan.

Hikayatin ang mga kasapi na humingi ng tulong sa kanilang mga kaibigan at kasama, tagagawa ng palatuntunan o programa, tagapangasiwa, mga tauhan at sinuman na maaaring tumulong alin man sa diwa o sa moda ng pagsusulat ng ulat. Isaisip lagi na ang pagsusulat ng ulat ay parang isang salitaan ng dalawang tao, kaya lamang ito ay nakasulat, at bawa’t sumusunod na dibuho ay karugtong ng buong paraan.

Ano ang Magaling na Ulat?

Ang ulat ay magaling kapag iyon ay binasa at ang pagkilos ay naging bunga noon (sa halip na isalansan lamang at di-pansinin). Paano ninyo magagawa na ang pagbabasa ng inyong ulat ay maaring mangyari? Ang sumusunod ay mga payo kung paano makakagawa ng lalong mabuting ulat. Ang mabisang ulat ay nababasa; at lumilikha ng ilang pagkilos dahil sa pagkakabasa noon.

Mahalaga na ang inyong ulat ay “maikli lamang nguni't ganap”. Ang mga ulat na maikli ay higit na maaring mangyari na babasahin kaysa kung mahaba. Subali’t ang mga ulat na walang mahalagang pabatid ay nakakabigo. Isang paraan upang mapaikli ang inyong mga ulat ay huwag isama ang mga di-kailangan na pananalita (kagaya ng “Sa panahon ng pag-uulat …”) at pag-uulit ng mga bagay-bagay na kasama na sa ibang dako ng bawa’t ulat.

Ang ulat ay mas madaling basahin kapag ito ay isinulat sa pang-karaniwan at tuwiran na pananalita, tamang balarila at mga salita na madaling kilalanin. Huwag subukin na magyabang sa sinuman sa pamamagitan ng mabulaklak na pananalita, nakakalitong bokabularyo na may kahulugan lamang sa ilang tao, o kaya ay mga mahabang pangungusap na pilipit o wala sa tamang porma o anyo. Sumulat ng mga maikli at pang-karaniwang pangungusap. Gumamit ng mga pangalawang pamagat upang ihiwalay ang ibang panig (katulad nitong dokumento). Gumamit din kayo ng mga maikling pukto. Iwasan ang pagsusulat sa walang-tiyak na tinig.

Laging tandaan na ang karamihan ng inyong mambabasa ay nakakaintindi rin ng salitang Ingles, at malamang ay alam ang kasabihan sa Ingles na tungkol sa prinsipyo ng “KISS" ("Keep It Simple, Sweetheart..."). Ang ibig sabihin nito sa ating wika ay sumulat ng ulat sa pang-karaniwan na pananalita upang ito ay madaling maintindihan.

Dapat ay Madaling Basahin ang Ulat:

Minsan uli, sa mga pagsasanay ng mga tagapagpakilos sa larangan, tinanong ko ang mga kalahok kung ano ang makakatulong para ang ulat ay maaring mangyari na maging babasahin. Halimbawa na kayo ay isang tagapangasiwa at may dumating na ulat sa inyong mesa. Itatapon ba ninyo iyon? Ang ulat ba ay isa-salansan ninyo nang hindi man lang binasa? Ito ba ay babasahin ninyo nang dalas-dalas lamang at hindi sa kabuuan?

Maingat ba ninyong babasahin ang ulat at pag-aaralan nang husto upang makagawa kayo ng mga tamang kapasiyahan? Anong mga katangian ng ulat ang maaring mangyari na makakaakit sa inyo para maingat na basahin iyon?

Ang mga kalahok ay nagbigay nitong mga sumusunod na mungkahi. Ang ulat ay dapat na:

  • Maikli nguni’t ganap;
  • Nagtataglay lamang ng mga kailangang bagay;
  • Sinulat sa pang-karaniwan at mahusay na pananalita;
  • Walang pag-uulit at hindi rin maligoy;
  • Hindi nangangaral o nananayam;
  • May nakakawili at mahalagang patalastas;
  • Magaling ang kaanyuan at kaayusan;
  • Malinis at maayos (ginawa sa makinilya o kaya ay malinaw ang pagkasulat o pagkalimbag).

Ito rin ay magaling na listahan ng pagsusuri (a) para sa inyo tuwing gumagawa ng ulat o kaya (b) sa pagsasanay ng mga namumuno ng sambayanan tungkol sa paggawa ng ulat.

Mga Payo para sa Pagsusulat ng Mabuting Ulat:

Minsan ay may isang bantog na manunugtog sa bansa ng West Africa na hiningan ng payo ng mga ibang manunugtog kung paano silang magiging bihasa rin. – Ang sagot sa kanila ay “Ako ay makakapagbigay ng tatlong payo. Ang una ay: Magsanay. Ang pangalawa ay: Magsanay. At ang pangatlo ay: Magsanay.”

Ang gayon ding payo ay masasabi tungkol sa pagsusulat ng alin mang ulat. Sumulat ng mga ilang dibuho muna. Repasuhin ang bawa’t isa. Humiling sa isang kaibigan na repasuhin din ang inyong ulat at magbigay ng mga panukala. Maging isang tagapagturo kayo sa inyong sarili. Ang tatlong payo ay: “Isulat uli! Isulat uli, at Isulat uli!”

Maaaring isipin ninyo na ang pagsusulat uli ng ulat ay isang aksaya ng panahon at pagpupunyagi. Ito ay malayo sa katotohanan. Ang mga propesyonal na manunulat ay maaaring sumulat muna nang mga pitong dibuho bago ipahintulot na manindigan ang dokumento na taglay ang kanilang pangalan. Kailangan ay sumulat kayo nang kahit na tatlong dibuho muna: isang magaspang na unang dibuho, isang pangalawang dibuho, at pangatlo ay ang kahuli-hulihang dibuho.

Maging handa kayo na ulitin maski na ang kahuli-hulihang dibuho. Ang pagsusulat uli ng ulat ay magbibigay sa inyo ng panahon upang suriin ang dokumento sa mapunahing pamamaraan subali’t walang kinikilingan, alisin ang anumang mga halatang kamalian, at iwasan ang pagsulat ng anuman na inyong pagsisisihan balang araw.

Ang isa pang payo ay ang pagsulat muna ng isang balangkas. Bago kayo magsimula ng inyong unang pangungusap, isulat muna ang balangkas ng mga paksa na balak ninyong talakayin. Gawin itong isang maikling listahan ng tatlong salitang pagunita. Gumamit lang kayo ng kapirasong papel; ito ay para sa inyong pagbabasa lamang.

Maaari din na naisin ninyong ibahin ang ayos ng mga paksa matapos na isulat iyon sa papel. Gamitin ninyo ang balangkas bilang isang pansariling patnubay habang sinusulat ang unang dibuho ng ulat.

Ilan pang kaunting salita tungkol sa paggamit ng walang-tiyak na tinig. Ito ay sakit ng mga tauhan sa kawanihan. Iyon ay isang paraan lamang upang manlito – ibig sabihin ay gumamit ng mga salita na kunwari ay nagbibigay-kabatiran, nguni’t sa katotohanan ay nagtatago ng mga mahalagang pabatid. Ang mga mambabasa na may karanasan ay makikilala agad ang inyong paggamit ng walang-tiyak na tinig.

Ang paggamit ng walang-tiyak na tinig, kagaya ng mga estatistiko, ay kung minsan nahahambing sa napakaliit na damit-panligo sa tabing-dagat (Ang ipinapakita niyon ay nakakawili subali’t ang ikinukubli ay napakahalaga).

Ano ang Nagpapagaling sa Ulat?

Ano ang Nagpapagaling sa Ulat? Tinanong ko uli ang mga kalahok sa pagsasanay kung anong mga bagay ang nagpapagaling sa ulat. Ibinigay nila ang mga sumusunod na mungkahi:

  • Nakahahalina
  • Tuwiran, tapat, walang halong pandaraya (walang kasinungalingan)
  • Mayroong nakakawiling paglalarawan at disenyo (kung maaari ay may kulay)
  • Maikli
  • Malinis at madaling basahin (mahusay ang pagkaka-sulat-kamay)
  • Matuwid sa diwa
  • Pang-karaniwan ang mga salitang Tagalog
  • Mahusay ang pagitan ng mga salita
  • Mayroong pamuno at mga pangalawang pamagat
  • Magaling ang kaanyuan at kaayusan.

Katulad ng dalawang listahan na binanggit sa simula, itong huling listahan ay maaaring ipagsama doon upang magkaroon ng kalahatang listahan na magagamit sa pagsusulat ng anumang ulat, at sa pagdaos nang pagsasanay ng mga kasaping kalahok ng sambayanan. Tingnan ang seksiyon ng Mga Kamalian para makita ang mga karaniwang kamalian sa pagsusulat na maaari ninyong ituwid.

Konklusyon:

Tandaan na ang pagsusulat ng ulat ay hindi kailangan na maging walang kasiglahan. Ituring na parang hamon ang pagsusulat ng Ulat.

Bigyan ng kabuluhan ang kinalabsan kaysa sa mga aktibidad. Huwag hanggahan ang ulat sa paglalarawan lamang ng mga aktibidad; maging masuriin upang makapagsulat ng mga mahalagang bagay sa ulat. Dapat ninyong kilalanin ang mga taga-pakinig at alamin ang kanilang pangangailangan. Sumulat sa pang-karaniwang salita lamang at iwasan ang paggamit ng walang-tiyak na tinig. Maging maikli nguni’t lubos para madaling unawain. Gumamit din kayo ng balangkas at mga pangalawang pamagat sa inyong ulat. At ang pinakahuling payo, sumulat muna kayo ng maraming dibuho bago tapusin ang pang-wakas na salin.

Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga gabay at payo na nabanggit nitong dokumento, matuturuan ninyo ang inyong sarili at ang iba pang kliyente ng sambayanan kung paano mapapaigi ang pagsusulat ng ulat. Tandaan lamang na hindi kailangang maging masama muna bago maging mabuti.

––»«––

Pagdalaw Sa Pook Ng Proyekto Sa Sambayanan:


Pagdalaw Sa Pook Ng Proyekto Sa Sambayanan

© Copyright 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 29.05.2011


 Pangunahing Pahina

 Pagsusulat Ng Ulat