Pangunahing Pahina
 Pagkukunang Yaman




Mga Salin:

Català
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
हिन्दी / Hindī
Italiano
Português
Română
Türkçe

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Susing Pananalita

Ipagbigay-alam

Mga Dokumento

Mga Magagamit na Link

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:


MGA PANUKALA PARA SA PANGANGALAP NG PONDO

ni Phil Bartle, PhD

Isinalin ni Lina G. Cosico


Batayang Dokumento

Paano Makakuha ng Pondo mula sa Donor na Organisasyon

1. Panimula:

Ang panukala o proposal ay isang paghiling o paghingi ng tulong na pinansiyal para maisagawa ang isang proyekto. Para sa isang proyekto sa komunidad, maaari itong gamitin para humingi ng pagpapatibay mula sa mga mamamayan (dahil sa ang komunidad ang pinakamahalagang donor). Maaari mong gamitin ang mga patnubay dito para humingi ng pondo maski kaninong donor. Inererekomenda namin na maghanap ka ng maraming panggagalingan ng pondo. Kung iisa lamang ang pagmumulan ng iyong pondo, baka lagi ka na lang umasa sa donor na iyon.

Ang panukala ay hindi lang isang listahan ng mga bagay na gusto mo. Ang panukala ay dapat na magbigay ng dahilan kung bakit kinakailangan ang bawat bagay sa listahan para madesisyunan ng donor kung gusto nitong ibigay ang ilan o lahat ng nakalista. Dapat na alam ninyo ( at maibahagi ang kaalamang ito) kung ano talaga ang gusto ninyong gawin sa mga bagay na ito, kaya kailangan ninyong magdisenyo ng proyekto para maisagawa ninyo ang inyong minimithi.

Mahalaga na maging maingat sa pagplano at pagdisenyo ng inyong proyekto. Mahalaga din ang pagsulat ng panukala na makakaakit ng kinakailangang pondo. Ang pagsulat ng panukala ay isang kakayahang nangangailangan ng kaalaman at pag-eensayo.

Ang panukala ng proyekto ay dapat na maging tapat na dokumento ng "pagbebenta". Kailangan nitong magbigay ng kaalaman at magkumbinsi. Walang lugar dito para sa pagsesermon, pagyayabang o paglilinlang. Kung kayo ay kumbinsido na mabuting ideya ito at dapat na suportahan, matapat ninyong isaad ito sa inyong panukala para magamit ito ng mga donor sa paghahambing sa iba pang mga panukalang kailangang tustusan. Kailangang malinaw na nakasulat kung paano at kailan matatapos ang proyekto, o kung kailan kakayanin ng komunidad na palakarin ang proyekto ng walang tulong mula sa labas. Ang mga panukala ay dapat na maayos at malinis, mas mabuti kung naka-type at walang mga kung anu-anong impormasyon na walang kinalaman sa proyekto.

Ang pagkadetalyado ng inyong panukala ay depende sa dami ng inyong hinihiling at sa laki ng inyong proyekto. Baguhin ninyo ang patnubay para maging akma sa proyekto at sa donor.

Ang panukala ng proyekto ay dapat magbigay ng mga impormasyong nakalap ninyo tungkol sa proyekto at dapat itong isaad ng maayos. Hindi sapat na gumawa kayo ng sulat at sabihin dito ang inyong kahilingan. Kailangan ninyong ipakita ang pangangailangan ng komunidad at patunayan na ang proyekto ay karapat-dapat na tustusan. Tandaan ninyo na marami pang ibang organisasyon at indibiduwal na kakumpitensiya ninyo sa pondo.

Gumamit kayo ng maiksi at simpleng salita na tiyak ang kahulugan. Kung kinakailangan, gumamit kayo ng mga "diagram o chart" para mailarawan ang mga susing punto. Gumamit ng mga kalakip (appendix) para maiwasan ang paghaba ng katawan ng panukala at maging maayos ang takbo ng ulat. Iakma ang inyong presentasyon sa ahensiyang inyong nilalapitan. Ipaliwanag ninyong interesado kayong makapanayam na personal ng ahensiya pagkatapos nilang matanggap at mabasa ang inyong panukala.

At, napakahalaga....
Huwag kayong masisiraan ng loob kung hindi tanggapin ang inyong panukala. Alamin kung bakit ito hindi tinanggap, at sumubok sa ibang ahensiya.

2. Planuhin ang Proyekto (Praktikal na Pananaw):

Maaaring ikaw at ang iyong mga kasamahan ay maraming ideya tungkol sa mg agusto ninyong gawin; nakikita ninyo ang pangangailan na bawasan ang kamangmangan, bawasan ang kahirapan, magbigay ng ligtas na inuming tubig, pabutihin ang antas ng kalusugan, magbibigay ng pagsasanay para sa mga may kapansanan, at marami pang iba. Subalit dapat kayong pumili ng isang proyekto lamang, limitahan ninyo ang inyong layunin sa isang minimithing solusyon sa problemang may pinakamataas na prayoridad.

Isali ang buong komunidad. Sa pagpili ng proyekto, tumawag ng miting at huwag kalimutang isama ang mga taong madalas na nakakaligtaan, ang mga kababaihan, may kapansanan, mga mahihirap, mga taong walang tinig sa pagdedesisyon sa komunidad. Siguraduhin na ang mga taong inaasahang makikinabang sa proyekto ay nararamdamang proyekto nila ito, para sa kanilang benepisyo, at maaari silang umambag sa proyekto dahil proyekto nila ito.

Subalit hindi sapat na piliin lamang ang layunin. Kailangan din ang maayos na pagplaplano, pagkilala sa mga pagkukunang yaman (mayroon na o potensiyal), pag-iisip ng ilang istratehiya at pagpili sa pinakamagaling, pagdesisyon kung paano susubaybayan ang proyekto para masigurong hindi ito malilihis sa plano, paniniguro na ang pagtutuos ng mga pondo ay bukas sa lahat at wasto, at paggawa ng talatakdaan para malaman kung kailan gagawin ang mga bagay-bagay. Kailangan din na magsaliksik tungkol sa lokasyon, mga katangian ng populasyon, situwasyon, mga nakatayong pasilidad para mailarawan ng maayos ang background ng proyekto. Ang pagsali ng komunidad at ng mga makikinabang sa proyekto sa pagsasaliksik ang pinakamagaling na paraan para masiguro na ito ay tumpak.

Para sa komunidad o grupong tinatarget, gamitin ang Mga Prinsipyo at Pamamaraan ng Brainstorming (Brainstorming Principles and Procedures) para magbalangkas ng Plano o Disenyo ng Proyekto. Sabihan ang mga miyembro ng grupo na mag-ambag sa bawat hakbang ng proseso ng brainstorming (pero paalalahanan sila na ang mga kritisismo ay hindi tinatanggap): ano ang prayoridad na suliranin (ilista lahat, maski na ang mga walang katuturan; at pagkatapos ay ayusin base sa ranggo ng prayoridad), tulungan ninyo ang grupo na maunawaan na ang layunin ay ang solusyon sa kinilalang suliranin. Tulungan sila na makabuo ng mga tiyak na layunin (objective) ( may katapusan, mapapatunayan at tiyak) na tutungo sa pangkalahatang layunin (goal). Kilalanin ang mga pagkukunang yaman at mga blakid, pagkatapos ay magbuo ng ilang alternatibong solusyon, at pumili ng pinakamagaling. May ilan pang dokumentong magagamit para ipaliwanag ang proseso ng brainstorming nang mas detalyado, ang narito ay maikling balangkas lamang.

Ngayong nakalap ninyo na ang mga impormasyong kailangan ninyo, maaari nang simulan ang pagsulat ng inyong panukala. Inirerekomenda namin na humingi kayo ng pondo mula sa ilang donor. Huwag hayaang umasa ang inyong organisasyon o grupo sa isang donor lamang.

Bago sulatin ang inyong panukala, tandaan ang mga sumusunod na punto:
  • Mahalaga na malaman (bago magsulat) kung saan kayo makakahingi ng pondo, mula sa mga gobyerno, mga ahensiya ng UN, mga internasyonal na NGO o pribadong foundation.
  • Karamihan ng mga donor ay tinitignan ang antas ng partisipasyon ng mga mamamayan sa panukala ng proyekto, ang paggamit ng mga pagkukunang yaman na nasa lugar ng panukala mismo at ang mga plano para maipagpatuloy ng komunidad ang proyekto kapag naubos na ang pondong ibinigay ng donor.
  • Dapat ay praktikal ang iyong proyekto, hindi masyadong magastos, at may potensyal na maulit o magamit sa iba pang siyuwasyon.
  • Dumadami na rin ang mga ahensiyang nagbibigay ng pondo na naghahanap ng mga "integrated approach" sa mga proyektong nagsusulong sa komunidad. Ang ibig sabihin nito, kailangan na ang proyekto ay sumusuporta o nakakaragdag sa mga kasalukuyang aktibidad at ang proyekto ay nakatakdang malunasan ang mga nakilalalang problema.
  • Halos lahat ng mga ahensiya ng UN at mga gobyerno, mga foundation, at pribado at boluntaryong ahensiya ay may kanya-kanyang pormularyo ng panukala na gusto nilang gamitin ninyo. Kung wala kayong makokontak na lokal o rehiyonal na kinatawan, magpadala ng sulat na humihiling ng impormasyon tungkol sa nga wastong paraan, format ng aplikasyon at mga pangangailangan sa pagpondo. Maaaring magkakaiba ang format, subalit parepareho lamang ang mga impormasyong hinihingi ng lahat ng ahensiya at foundation.
  • Alamin ang siklo ng badyet ng ahensiya, kung ito ay taunan, apat na beses kada taon o tuluy-tuloy. Alamin mo kung may huling araw ng pagtanggap ng aplikasyon.

3. Istruktura ng Proyekto ( Balangkas ng iyong Panukala)

Ang mga patnubay na ito ay hindi para sabihin sa inyo kung ano ang inyong isusulat, kundi paano isusulat ang panukala. Kung kayo ang responsable sa pagsulat ng panukala, ito ay dahil sa kayo ang eksperto. Kung kayo ay responsable, alam ninyo kung ano ang gusto ninyong makamit at ang pinakamagaling na paraan para makamit ito. Huwag mabahala sa pag-iisip nito at huwag mawalan ng gana dahil sa mga teknikal na salita na sa kasamaang palad ay madalas na ginagamit.

Huwag mong atuhang mag-isang sulatin ang panukala. Humingi ka ng tulong mula sa iyong mga kaibigan at kasamahan sa trabaho na makakatulong sa konsepto o estilo ng pagsusulat. Isipin mo na ang ang paghahanda ng panukala ay parang isang nakasulat na "dayalogo" na kung saan ang bawat magkasunod na panukalang isinulat o draft ay pagpapatuloy ng proseso.

Ang mga kapitulo ng inyong panukala ay hindi kailangang isulat ayon sa sa pagkakasunud-sunod dito, subalit ang nakasulat sa bawat kapitulo ay dapat na may tiyak na koneksyon sa nakasulat sa ibang kapitulo. Siguraduhin na tama ang nilalaman ng bawat kapitulo. Siguraduhin na ang bawat paksa ay may koneksyon sa ibang paksa at sa kabuuan ng panukala.

4. Pahina ng Pamagat (Panakip)

Isang pahina lang ito; ang pangunahing takip na panukala. Dapat ay kasama dito ang:
  • Petsa;
  • Pamagat ng Proyekto;
  • Mga Lokasyon ng Proyekto;
  • Pangalan ng organisasyon; at
  • Kung ano pang mahalagang impromasyon na maisusulat sa isang linya lamang.

Ang abstrak o "executive summary" ang sumusunod sa pahina ng pamagat, subalit huwag ninyo munang isipin ito, basahin ninyo muna ang iba pang bahagi ng panukala.

5. Background ( Mga Dahilan Ng Problema):

Ang bahaging ito ang dapat sumagot kung bakit kailagan ang proyekto. Dito ay magbibigay kayo ng deskripsyon ng situwasyon at bigyang pansin ang mga dahilan na nagbunsod sa inyo na mag-isip ng ipinapanukalang proyekto. Isaad kung paano napagtanto ang pangangailangan sa proyekto at kung sinu-sino ang kasama sa pagbubuo ng proyekto. Ipaliwanag ang simula o istorya ng iyong proyekto.

Makabubuti na isali ang buong komunidad sa pagkilala ng mga prayoridad na problema; ito ang tinatawag na "participatory research" o pagsasaliksik na kasali ang mga mamamayan.

Ang unang ginagawa sa background ay ang pagkilala sa problema. Ibig sabihin nito ay dapat pangalanan ang problema at isaad kung nasaan ang problema. Sinasaad dito ang pakay na grupo (mga makikinabang), ang sektor, ang lawak o laki, at iba pang mga kasama sa paglunas sa problema. Isinasaad din dito kung ano na ang ginawa ninyo at ng iba pang grupo para malunasan ang problema.

Habang sinusuri ang mga problemang gustong lunasan, may ilang katanungang lalabas. Ano ang kondisyon ng pakay na grupo para maging makabuluhan sa donor na magbigay ng pondo o makakatulong na empleyado ng donor? Hindi kinakailangan ang buong kasaysayan ng komunidad o grupo o ng proyekto, ngunit makakatulong ang isang maikling balangkas. Ang mas mahalaga ay kung anu-anong kondisyon o anu-anong pagbabago sa kondisyon ang nakikita sa hinaharap na makakapagtulak sa donor na magbigay ng pondo?

Maaari mong isama ang mga sumusunod:
  • Sakop ng proyekto ( Mga isyu at problema, hindi mga deskripsyon ):
  • Mga dahilan sa paggawa ng panukala;
  • Mga pangyayaring nagbunsod sa proyekto; at
  • Mga mas malawak na plano o istratehiya na kung saan ang proyekto ay isang bahagi.

Kung ang iyong proyekto ay hindi na bago, isaad rin sa background ang mga pagbabago sa proyekto mula ng ito ay sinimulan.

Tandaan na ang kapitulo ng background ay naglalarawan ng mga pangyayari na tututmbok sa problemang gustong lunasan ng inyong proyekto. Lahat ng nakasulat dito ay magpapatunay sa pangangailangan ng tulong o pondong inyong hinihingi. Hindi makakatulong ang mahahabang kasaysayan o pagsusuri.

6. Mga Pangkalahatan at Tiyak na Layunin ( Solusyon= Produkto):

Dapat na ang pangkalahatang layunin ng inyong proyekto ay lunasan ang problema o mga problema na isinaad sa background. Ang mga pangkalahatan at tiyak na layunin ay dapat na may koneksyon sa mga nakaraang kapitulo, sa pamamagitan ng pagsasaad kung ano ang solusyon sa mga nasabing problema. Kailangan mo ang isang set ng pangkalahatang layunin (goals), at isang set ng mga tiyak na layunin (objectives).

Unahin ang mga "goals" na pangkalahatan, pangmahabang panahon at malawak na adhikain. Mula dito, bumuo ka ng mga tiyak na layunin o "objectives" na mapapatunayan, masusukat, may katapusan at may tiyak na petsa ng pagkakamit. Halimbawa: " Upang bawasan ang kamangmangan, " ay isang pangkalahatang layunin; habang ang " Upang magturo ng mga pangunahing kakayahan sa pagbasa at pagsulat sa 20 kliyente bago matapos ang Marso 2," ay isang tiyak na layunin.

Kailangang tiyak ang mga "objective" ng inyong proyekto. Kailangang isulat ito batay sa mga inaasahang resulta ng proyekto, hindi batay sa kung paano makakamit ang mga resultang ito. Kailangang mapapatunayan ang mga resultang ito ( madali maipapakita na nagawa ito, at mapapatunayan ito ng mga tagalabas na tagamasid).

Sa pagpili ng mga pangkalahatan at tiyak na layunin ng proyekto, alalahanin kung sino ang inyong donor; anong klase ng solusyon ang kanilang hinahanap? Ang mga donor ay ayaw na palagi silang inaasahan kaya hindi sila interesado sa pagbibigay sa mga serbisyong kawanggawa na obligasyon ng mga awtoridad na dapat na mangalaga sa karapatan ng mga mamamayan. Karamihan ng mga donor ay hindi interesado sa pagsasagawa ng mga paulit-ulit na "operation." Interesado sila sa pagsuporta sa mga akitibidad na sasagot sa mga pangangailangan ng mga pinakamahirap at mahihinang mamamayan, sa pagtataguyod ng pag-asa sa sarili at hindi sa iba, pagkakasundo ng iba't -ibang grupo o lipi at pagsulong ng komunidad.

7. Mga Makikinabang ( Pakay na Grupo):

Sa kapitulong ito, ilarawan ng mas detalyado ang mga makikinabang o pakay na grupo. Maari ring idagdag ang mga hindi direktong makikinabang (gaya ng mga taong sinanay para tulungan ang mga pangunahin o direktong makikinabang). Maaari itong idagdag sa bahagi ng background; isaad ang kanilang bilang, mga katangian, dahilan ng kahinaan, tirahan, at iba pa.

Karamihan ng mga donor na ahensiya ay mas kikiling sa inyong proyekto kung maipapakita ninyo na ang mga makikinabang ay kasali sa pagpili at pagdisenyo ng proyekto. ( Maaari ilista sa kalakip ang mga pagpupulong ng mga makikinabang pati na ang detalye ng petsa, lugar, oras, paksang pinag-usapan, mga tagapagsalita at mga taong makikinabang na dumalo. Banggitin ang kalakip sa kapitulong ito; huwag isama dito; ilagay ito sa dulo ng panukala).

8. Mga Target at Aktibidad ( Mga Input):

Sa kapitulong ito, isinasaad ang mga input ng inyong proyekto, gaya nang ano ang mga pagkukunang yaman ( pera, tauhan, mga aksiyon) na gagamitin sa inyong proyekto.

Una, magsimula sa pagsusuri ng mga posibleng istratehiya para maabot ang mga tiyak na layunin (objective) na nabanggit sa itaas. Ang bawat kaso ay dapat na i-ugnay sa nakaraang kapitulo. Ang pinakamagaling na panukala ay naglilista ng dalawa, tatlo o apat na iba't-ibang istratehiya, pagkatapos ay pumipili ng isa pagkatapos ipaliwanag kung bakit hindi magagamit ang mga hindi napiling istratehiya. Susundan ito ng katanungang, " kung mayroon tayong ganitong mga tiyak na layunin at istratehiya, anu-anong mga aktibidad ang dapat nating gawin o umpisahan para magamit ang napiling istratehiya at maabot ang layunin?"

Ang kahulugan ng target ay, "Gaano kalaki, para kanino, saan at sino?"- Sa madaling salita, "Sino ang gagawa ng ano?" Halimbawa, anong klase ng training ang inyong gagawin, gaano katagal, at ilang tao ang kasali? Anong mga tiyak na kakayahan ang ituturo at anu-ano ang gagawin para masubaybayan ang progreso ng mga sinanay?

Isaad kung anu-anong klase ng mga trabaho ang gagawin sa proyekto. Banggitin sa kalakip ang mga mahahalagang deskripsyon ng trabaho (job description). Laging i-ugnay ang aktibidad sa tiyak na layuning nabanggit. Kahit na ang mga aktibidad ng mga tagasuportang tauhan (sekretarya, driver, atbp) ay mabuting ipaliwanag na mahalaga para makapagtrabaho ng maayos ang mga "operational staff" ( inhinyero, doktor, atbp).

9. Ang Talatakdaan ( Bawat Aksiyon Kailan):

Sa bahaging ito, ilarawan ang pagkakasunud-sunod ng mga plano ninyong aktibidad para maabot ang inyong mga tiyak na layunin.

Mas mabuti kung kaya ninyong tiyakin ang petsa, kung hindi, maski hindi tiyak na araw ay linggo o buwan. Maaari kayong gumamit ng "diagram o bar chart" o kalendaryo para markahan ang pagdaraos ng mga aktibidad.

Isama ninyo sa plano ng trabaho (work plan) ang mga bahagi o "phase" ng proyekto; paano nagpapatuloy ang proyekto mula sa isang bahagi patungo sa susunod.

Gaano katagal kakailanganin ang suporta?
(Kailan matatapos ang proyekto, o kailan kakayanin ng komunidad na itaguyod ang proyekto ng walang tulong mula sa labas?)

10. Ang Organisasyon ( "Profile"):

Sa bahaging ito, isinasaad ang ( maaaring nagbabagong) istruktura ng organisasyon at pamamahala na kailangan para maisagawa ang mga nabanggit na aktibidad. Ito ang "O" sa "CBO- Community Based Organization" o mga organisasyong base sa komunidad. Nakakatulong dito ang paglalarawan o diagram.

Maikli ninyong isiwalat ang mga pangkalahatan at tiyak na layunin ng inyong organisasyon. Maging tiyak sa pagsasaad ng mga karanasan ng organisasyon sa paglunas ng mga katulad na problema, anu-ano ang mga kakayahan nito at mga pagkukunang yaman para maisagawa ang nasabing proyekto.

Maaaring ang pinakamahalagang katangian ng inyong organisasyon ay ang mga abilidad at karanasan ng mga tauhan nito. Isulat ninyo rin ang mga tulong na inaasahan ng inyong organisasyon mula sa iba pang ahensiya. Ilakip ang iba pang karagdagang impormasyon, gaya ng taunang ulat ("annual report"), kung mayroon.

Ipaliwanag:
  • Paano ito gagawin?
  • Sino ang responsable sa proyekto?
  • Sino ang magsasagawa nito (sino ang gagawa)? at
  • Sino ang mamamahala sa pagsasagawa ng proyekto?

Sino ang magpapatakbo sa proyekto? Sino ang may responsibilidad sa pangkalahatang organisasyon? Sino ang responsable sa pangkalahatang pagsasagawa ( hindi ito katulad ng responsibilidad sa disenyo at pagsubaybay ng proyekto, at iba rin ito sa hiwalay na tauhan, ahensiya at lokasyon)? Magbabago ba ito? Maaaring isaad ang lahat ng ito sa panukala. Tingnan Pag-oorganisa sa Pamamagitan ng Training ng mga pamamaraang may partisipasyon para sa pagsulong ng organisasyon.

Huwag mong kalilimutan ang mga aktibidad ng mga taong nagboboluntaryo sa proyekto. Kahit hindi sila binabayaran, nag-aambag pa rin sila sa proyekto.

11. Mga Gastos at Benepisyo (Pagsusuri):

Sa isang panukala, ang kapitulo tungkol sa mga gastos at benepisyo ay hindi katulad ng mga linya sa badyet na may mga numerong nagsasaad ng halaga ng pera na gagastusin. ( Ang detalye ng badyet ay dapat na isama sa kalakip sa dulo ng dokumento, hindi sa teksto).

Sa teksto ng panukala, ang kapitulo tungkol sa mga gastusin at benepisyo ay kailangang mapanuri at direkto at kaugnay sa mga naunang kapitulo. Dapat ipaliwanag ang mga linya ng badyet, gaya ng mga gastusin o pangangailangan na hindi malinaw o agarang mababatid kung bakit kailangan sa proyekto.

Pagsikapang gumawa ng tinatawag na "cost benefit analysis", na kung saan ay kakalkulahin mo ang gastos kada benepisyaryo ( halimbawa, ang gastos kada batang nagbenepisyo sa proyekto laban sa kamangmangan ay katumbas ng pangkalahatang gastos sa proyekto na hinati ng bilang ng kabataang natutong magbasa at magsulat).

Ang mga buod o kabuuan ng mga sumusunod na impormasyon ay maaaring makatulong sa pagdedesisyon ng mga donor:
  • mga gastusing lokal;
  • mga gastusing panlabas;
  • mga paraan ng pagpopondo;
  • mga kailangang palitan ng pananalapi -lokal vs. banyaga;
  • mga kontribusyong hindi pera ng lokal na komunidad ( ang bawat isa ay bigyan ng katumbas na halaga sa lokal na pananalapi);
  • mga paraan ng pagkuha ng mga gagamitin sa proyekto ( saan at paano bibilihin); at
  • proporsiyon ng kabuuang gastos na hinihiling sa panukala.

Bukod sa mga gastusin ( pati na ang pondong hinihingi sa panukala), dapat na magsagawa ng pagkukumpara ng mga gastos (mga input) at ng halaga ng mga benepisyo ( mga output o resulta). Maaaring sagutin ang mga sumusunod:
  • Sino ang mga makikinabang?
  • Paano sila makikinabang?
  • Mga dahilan para suportahan ang proyekto?
  • Ano ang mga tiyak na ibubunga ng proyekto?
  • Ano ang gastos kada taong makikinabang?
  • Ang halaga ba ng benepisyo ay lamang sa mga gastos (o ang kabaligtaran nito)? Gaano ang lamang?

Kapag ang mga tiyak na layunin ay nagkakaiba ang kalidad ( halimbawa, bilang ng mga nabuong bagong komite ng mga magulang at bilang ng mga batang natutong magbasa at magsulat), kailangang magkaroon ng risonableng pagkalkula ng gastos kada benepisyaryo.

Ang kabuuang badyet ay dapat nakasaad sa bahaging ito, banggitin na ang detalye ng badyet ay nasa kalakip. Dapat ding isaad ang ibang pinanggalingan ng pondo ( mga donor at kanilang kontribusyon). Ang kabuuang halaga na hiniling ay dapat isama sa teksto.

12. Pagsubaybay (Pagmamasid):

Ang pagsubaybay ay dapat gawin ng:

  • naapektong komunidad, sa pamamagitan ng lokal na komite;
  • ng inyong ahensiya o organisasyon (isaad kung sino dito); at
  • mga donor.

Paano masusukat ang inyong mga nagawa?
Sino ang magpapatunay?

Ang pagsubaybay ay dapat kasama sa mga aktibidad ng proyekto. Dapat na bahagi nito ang tuluy-tuloy na "self-evaluation" o pagsusuri sa sariling gawain ng inyong ahensiya.

Ang pagsubaybay at pagtanggap ng mga ulat mula sa proyekto patungo sa mga donor ay dapat na planuhin at isama sa panukala. Ang mga buwanang report o ulat ay dapat na gawin sa paraang makakatulong sa donor sa pagplaplano ng kanilang mga programa sa bansa.

Isang bagay ang sigurado; dapat na bigyang diin sa pag-uulat ang mga resulta o output ng proyekto - ang mga epekto ng proyekto sa pakay na grupo o mga benepisyaryo. Wala ding masama kung isusulat mo ang mga aktibidad, kung ito ay maikli. Ang pag-uulat ng mga resulta at pagkukumpara nito sa mga tiyak na layunin na nakasaad sa panukala ng proyekto ay napakahalaga.

Tingnan Pagsubaybay

13. Pag-uulat (Pagbibigay- alam ng mga Obserbasyon):

Sa anumang proyekto na pinondohan ng isang ahensiya, napakahalaga ng pagtutuos ng pondo at ng pagkakaroon ng pananagutan. Totoo ito para sa karamihan ng mga donor na ahensiya, UN, pampamahalaan o NGO.

Sa inyong panukala, ang pamamaraan mo sa pag-uulat ay dapat na sumagot sa : " gaano kadalas, kanino ipapadala, ano ang kasama sa ulat?" Maaari itong itanong sa mga lalapitang ahensiya dahil maaaring magkakaiba ang hinihingi sa pag-uulat, at maaari ring depende sa klase ng proyekto.

Makakatulong din sa proyekto at sa donor ang ebaluwasyon ng proyekto habang ito ay isinasagawa dahil makikita ninyo ang progreso at mga resulta, pati na ang mga posibleng aksiyon sa hinaharap. Ang maingat na pag-uulat ng isinasagawang proyekto ay makakatulong sa iba na maaaring magsagawa ng katulad na proyekto.

Isaad sa panukala kung anu-anong ulat ay ibibigay ninyo. Kasama dito ang regular ng ulat habang isinasagawa ang proyekto at ang pinal na ulat. Ang mga maikli at madalas na ipadalang ulat ( gaya ng lingguhang ulat) ay maaaring magsaad ng mga pagdaraos at aktibidad lamang. Ang mga mas mahabang ulat ay nagsasaad ng mga resulta ng aktibidad (hindi lang aktibidad), pagsusuri kung gaano na ang naabot ng proyekto sa layunin nito, mga dahilan kung bakit hindi pa naaabot ito, at ang epekto sa mga benepisyaryo.

Pinakamabuti na gumawa at magsumite ng ulat kada buwan. Sa panukala, isaad kung anu-anong ulat ang isusumite, kung gaano kadalas at anu-ano ang nilalaman. Ang bawat proyekto ( kung ang grupo ninyo ay may iba pang proyekto) ay nangangailangan ng hiwalay na ulat ( dalawa o tatlong pahina ng teksto at mga kalakip).

Ang detalyadong buwanang ulat ay dapat magsaad kung gaano na ang naabot ng proyekto sa layunin nito, mga dahilan kung bakit hindi pa naaabot, mga suhestiyon at dahilan sa pagpapalit sa mga layunin kung kinakailangan. Maaari ding isama ang impormasyon tungkol sa mga pagdaraos at mga input ( anu-anong mga aksiyon ang ginawa, tingnan sa ibaba), subalit dapat ding bigyang diin ang mga output (ang mga resulta ng mga aksiyon at paano nito naaabot ang mga layunin). Bigyang pansin ang bilang at lokasyon ng mga benepisyaryo. Ang buwanang ulat ay aayusin katulad ng mga bahagin ng panukala.

Ang buwanang ulat tungkol sa pananalapi ay kailangang detalyado at nagsasaad kung anu-anong pondo ang tinanggap at kung saan-saan ito nanggaling, anong pondo na ang nagamit - ilista ayon sa mga linya ng badyet sa panukala, mga dahilan ng mga labis o kakulangan sa paggastos, at pagsusuri kung paano nakatulong ang mga paggastos sa pag-abot sa mga nasabing layunin ng proyekto.

Ang pinal na ulat ay may mga paksang tulad ng buwanang ulat at may karagdagang bahaging tinatawag na "Mga Natutunang Aral" at isang bahaging nagsasaad ng epekto ng proyekto sa pakay na komunidad at sa kanyang kapaligiran. Dapat na maiksi ngunit kompleto ang ulat.

Ang mga ulat ay dapat na matapat sa pagkritisismo at pagsusuri sa sariling proyekto. Tingnan ang modulo tungkol sa Pagsulat ng Ulat.

Ang mga prinsipyo at patnubay sa paggawa ng mga salaysay na ulat ay dapat gamitin sa paggawa ng mga pananalaping ulat (financial reports). Ang buwanang resulta ng badyet ng proyekto ay mahalaga para sa paggawa ng programa (ng organisasyon), ganun din ang mga tala sa pagtutuos ng badyet. Dapat na kasama dito ang mga paliwanag sa anumang pagkakaiba sa mga planong gastusin.

14. Mga Kalakip:

Ang teksto ng panukala ay dapat na isang maiksi ngunit kumpletong argumento mula sa simula hanggang sa katapusan, at madaling basahin. Kung maraming mahahalgang detalye ang isasama sa teksto, magiging magulo at mahirap basahin ito kaya makabubuti na ilagay ang mga ito sa mga kalakip sa dulo ng panukala.

Ang mga dokumentong kadalasang inilalagay sa kalakip ay:
  • mga listahan;
  • mga diagram o larawan;
  • detalyadong badyet;
  • deskripsyon ng mga trabaho; at
  • iba pang kailangang detalyadong dokumento.

Kapag natapos na ang unang draft ng panukala, basahing mabuti ito at tingnan kung may mga detalye sa teksto na makakaagaw ng pansin ng nagbabasa sa maayos na takbo ng argumento. Ilipat ang mga ito sa kalakip, at sa lugar nito, maglagay ng maiksing nota tungkol dito at isaad na tingnan ang mga detalye sa kalakip.

Basahing muli ang dokumento. Ngayong nakalagay na sa kalakip ang mga detalye, mas maayos ba ang takbo ng argumento, subalit hindi naman humina ang argumento sa pagkawala ng detalye sa teksto? Oo? Mabuti! Nakita ninyo ang isa pang paraan ng paggamit ng mga kalakip.

Ang mga kalakip ay maaring paglagyan ng anumang dokumentong makakatulong sa donor na ahensiya na makapagdesisyon kung magbibigay o hindi ito ng pondo.Ginagamit ang mga kalakip para makapagsama ng mga kailangan at mahalagang detalye ( na susuriin ng isang metikulosong magbabasa), na hindi isinasama sa teksto dahil makakasagabal sa maayos na takbo ng maiksing argumento. Sa kalakip, maaaring basahin ito kung kailan gustong basahin.

15. Detalyadong Badyet:

Ang bawat linya ng detalyadong badyet ay dapat ilagay sa kalakip. Ang bawat linya ng badyet ay dapat magsaad ng kabuuang gastos sa bawat kategorya ng badyet. Ang mga linya ay dapat ding i-grupo batay sa klase ng gastos ( halimbawa - mga suweldo, sasakyan, gasolina, atbp).

Hanggat maari, paghiwalayin ang mga "non-expendable" na gamit ( mga kagamitang magagamit muli) sa mga "expendable" ( mga gamit na nauubos).

Ang badyet ay dapat na makatotohanang estimasyon ng lahat ng gastos sa pagsasagawa at pagpapalakad ng proyekto. Kung maaari, ipakita ang potensyal ng komunidad na itaguyod sa sariling pagsisikap ang proyekto, o suporta mula sa iba pang ahensiya. Ang mga estimasyon ng gastos ay dapat ilagay sa mga makabuluhang kategorya ("line item") gaya ng: mga suweldo; mga materyal; mga kagamitan; mga paglalakbay at per diem; renta, telepono.

Ang mga boluntaryong kontribusyon sa proyekto ng inyong organisasyon ay dapat na ilista at bigyan ng perang halaga o isaad na "no charge" o hindi kinukuwenta. Ilahad ang mga pisikal na pasilidad ng inyong organisasyon na gagamitin sa proyekto. Isaad din ang mga kagamitan at materyales ng inyong organisasyon na gagamitin sa proyekto. Isama din ang anupamang gamit sa proyekto na magmumula sa gobyerno o iba pang organisasyon.

Kadalasan, mas gusto ng mga donor na tapatan ang pondo o magbigay ng bahagi ng kabuuang gastos kaysa sa magbigay ng kabuuang gastos. Dahil dito, makabubuti na ipakita mo ang kabuuang gastos sa iyong aplikasyon at isaad kung may inaasahan kang iba pang donor.

16. Abstrak ("Executive Summary"):

Huling isulat ang bahaging ito. Ito ang bahaging binabasa ng potensyal na donor na maaaring pagbasihan ng napakahalagang panimulang desisyon: kung seryoso bang pag-iisipan ang pagtulong sa proyekto.

Hindi ito dapat isulat o pag-isipan hanggat hindi pa naisusulat ang mga nabanggit nang bahagi. Iwasang sulatin ito bilang introduksiyon. Isaisip mong ito ay isang maikling buod o konklusyon.

Ang pinakamabuting haba nito ay kalahating pahina; hindi ito dapat lumampas sa isang pahina. Pag mahaba ito ay baka hindi na ito basahin o ikonsidera. Dapat lamang isaad ang mga susing rekomendasyon; tandaan na ang magbabasa ng panukala ay mga abalang opisyal na kailangang magbasa ng hanggang limampung panukala kung kaya't kadalasan ay ang "executive summary" ng bawat panukala ang una nilang binabasa.

Kahit huli mong isusulat ang abstrak, ilalagay ito sa unahan pagkatapos ng pamagat.

at pag natapos na ang pagsulat nito: . . .

Ipasa ang kopya ng panukala sa mga kasamahan para manghingi ng mga komento at suhestiyon. Maging kritikal sa pagtingin sa panukala at maging handa kung kinakailangang baguhin at isulat muli ito.

17. Ilang Huling Patnubay:

Ang mga proyektong mas malamang na mabigyan ng pondo ay ang mga proyektong madaling matapos, maitataguyod ng komunidad, hindi kalakihan ang sakop, at may mababang badyet na gagamitin para malunasan ang mga pinakamahalagang pangangailangan na kinilala ng mga komunidad.

Kadalasan, ang mga panukala ay titignan kung paano ito makakadagdag sa mas malawak at masusustinang kabuuang pagsulong ng nasabing lugar.

Ang aktibong partisipasyon ng kababaihan sa pagkilala, pagpapatupad o pagsasagawa at pagsubaybay ng panukalang proyekto ay dapat itaguyod. Kailangang malinaw na isaad kung ilan ang kababaihang kasali sa pagdisenyo at pagpapatupad, at ilan ang benepisyaryo.

Ang alin mang proyekto na bahagi ng mas malaki o mas mahabang plano ay dapat na magsaad ng iba pang pagmumulan ng pondo ( mas mabuti kung mayroon nang natanggap) na magpapatunay na tuluy-tuloy ang pagpapalakad ng proyekto.

Ang mga proyektong magsusulong sa komunidad, magtataguyod ng pag-asa sa sariling sikap at maitataguyod ng komunidad ang mas malamang na makatanggap ng pondo. Ang estimasyon kung kailan kakayanin ng komunidad na palakaring mag-isa ang proyekto ay dapat isaad sa panukala.

Ang pagtatagumpay ng proyekto ay nangangailangan ng kooperasyon ng lahat ng seksiyon ng tinatarget na komunidad. Dapat ay nadarama ng komunidad na "pag-aari" nila ang proyekto (pati na ang mga apektadong lokal na residente at mga taong lumikas). Ibig sabihin, dapat ay may mga naunang aktibidad ng " pagmomobilisa sa komunidad para sa pagsulong" (community development mobilization), "pagbibigay sigla sa lipunan" (social animation) o iba pang pagtataguyod ng partisipasyon ng komunidad sa pagdedesisyon tungkol sa panukalang proyekto. Ang aktibong partisipasyon ng buong komunidad (lahat ng miyembro) sa pagkilala, pagtasa at pagsasagawa ng proyekto ang kadalasang pangunahing hinahanap ng donor.

Ang mabuting proyekto ay dapat na maaaring ulitin o tularan. Kailangang maaari din itong ipatupad sa ibang komunidad.

Napakahalaga ng pagtutuos ng pananalapi at pagkakaroon ng pananagutan.

Maaaring dahil sa ating pag-aalala sa kalagayan ng komunidad ay malimutan nating isaalang-alang ang kanilang mga natatagong pagkukunang yaman. Kasama rito ang kanilang mga kakayahan at kaalaman, mga materyal na bagay, gaya ng kapital at mga gamit. Ang layunin ninyo bilang tagamobilisa at tagapagsanay ay itaguyod ang proseso ng paglalabas ng mga natatatagong yamang ito at palakasin ang kanilang tiwala sa sarili para hindi sila umasa sa iba.

Huwag kang paghihinaan ng loob! Good Luck!

––»«––
Kung ikaw ay kumopya sa site na ito, mangyari lamang na kilalanin ang mga sumulat
at i-link pabalik sa cec.vcn.bc.ca/cmp/

© Copyright 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 30.05.2011


 Pangunahing Pahina

 Mga Pagkukunang Yaman ng proyekto