Pangunahing Pahina
 Literasiya




Pagsasalinwika:

Català
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
Italiano
Polszczyzna
Português
Română

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Mga Keyword

Ipagbigay-alam

Ginagamit na mga Dokumento

Mga Magagamit na Link


ni Phil Bartle, PhD

isinalin ni Myla Burke


4. Ang mga Huwaran ng Pagtuturo ay Hindi Dapat Manggaling sa mga Paaralang Pambata:

Kapag tayo ay nagsasagawa ng bagay-bagay, katulad ng pagtuturo, kadalasan ay gumagamit tayo ng mga huwaran ng pag-uugali. Minsan kusa nating kinukuha ang mga huwarang ito mula sa 'role models,' sa nakakatanda o ibang mga taong ating nirerespeto at malinaw na gustong gayahin. Paminsan naman ni hindi natin naiisip na ginagamit pala natin ang mga huwaran, at basta na lamang ginagawa ang mga bagay na wari ay "tama" sa atin. Base ito sa ating haka at sa haka ng iba kung ano ang karapat-dapat na gawin.

Kaya may panganib kapag ang karanasan sa pag-aaral, lalo na sa pag-aaral magbasa at magsulat, ay nanggaling lamang sa paaralan. Ang panganib ay baka magamit ang paaralan bilang tanging pagmumulan ng huwaran sa pagtuturo ng literasiya.

Pagsikapan nating maalaala kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay sa paaralan, at maingat nating itapon ang mga bagay na hindi angkop sa matatanda, at ang mga bagay na hadlang sa pag-aaral ng literasiya. Kabilang dito ang: pagpilit ng disiplina, pag-utos sa mga estudyante, ang pag-akala na palaging tama ang guro, pag-arte na wari ay bukal ng dunong at kaalaman.

Sa karamihan, ngunit hindi sa lahat ng mga paaralan, ang guro ay nang-iinsulto ng estudyante sa harap ng mga kaklase, nagbibigay-parusa sa salita at gawa, nagyayabang at umaarte na parang mas higit ang katayuan nila, nagbibigay-puna, at minamaliit ang mga estudyante. Bagama't ngayon, karamihan sa ganitong asal mula sa mga guro at opisyal ay tinatanggal na sa mga paaralan sa lahat ng dako, kailangan pa ring iwasang maigi ito sa pagtuturo ng kaalaman sa matatanda.

Mag-isip ng iba pang pamamaraan sa pakikitungo sa mga kasapi ng literasiya. Huwag magdaos ng klase; sa halip ay magdaos ng mga pagsasanay upang talakayin ang mga panukala at mag-plano ng mga gawain, at magtatag ng mga lakad at proyekto upang maisagawa ang mga ito. Ang halimbawang iminumungkahi dito ay ang pagkakaroon ng dalawang klase ng pulong.

Ang unang klase ng pulong ay paris ng miting. Huwag tawagin itong klase, bagama't ginagamit ang silid-aralan para dito. Gamitin ang "miting" upang matanto ang pangangailangan, upang kilalanin ang sari-saring baytang ng kaalaman na naabot ng mga kasapi, upang lumikha at mag-plano ng mga proyekto sa pag-aaral, at upang magtustos ng iba pang gawain pagkatapos ng mga lakad para sa mga proyektong ito.

Ang pangalawang klase ng pulong ay ang "lakad" o "proyekto" na pinag-isipan ng grupo ng mga kasapi sa unang klase ng pulong. Ito ay maaaring isang lakad sa tabing-dagat para isulat ang mga pangalan at presyo ng isda. Maaari rin itong gawin sa palengke naman o kaya naman sa kural para kilalanin ang pangalan ng kawan ng baka. Maaaring pumunta sa bukid para kilalanin ang iba't ibang ani. Maaaring pumunta sa kusina at kilalanin ang pangalan ng kasangkapan o 'recipes.' Puede rin ang lakad sa planta para kilalanin ang mga kagamitan, manggagawa o paraan ng paggawa.

Hikayatin ang mga kasapi na mamulaklak ang isipan, at tandaan na ang laman ay dapat akma sa kanilang katayuan.

Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng mataas na antas ng pakikisali ng mga kasapi. Ang kanilang "paggawa" ng mga bagay-bagay - pagpaplano, pagsasagawa, at pagsusubaybay ng isang gawain (lakad, proyekto) - ay ang pagsisikap (na kailangang isagawa) upang sila ay mapalakas. Huwag magpasiya para sa kanila; kapag sila ang magpapasiya, lalakas lalo ang kanilang loob at magbibigay ito ng kapangyarihan.

Ang mga kasapi ay hindi mga estudyante at hindi na musmos; sila ay katapat at kaanib natin sa isang marangal at mahirap na pagsubok. Huwag itong kalilimutan, at laging umasal nang ganito sa harap nila.

Komentaryo tungkol sa lahat ng prinsipyong nasa itaas (mahabang dokumento)

Balik sa listahan ng mga prinsipyo

Balik sa listahan ng mga prinsipyo - handout

––»«––

© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 08.05.2011


 Pangunahing Pahina

 Kaalaman sa Pagbasa at Pagsulat