Pangunahing Pahina
 Literasiya




Pagsasalinwika:

Català
中文 / Zhōngwén
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
Italiano
Polszczyzna
Português
Română

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Mga Keyword

Ipagbigay-alam

Ginagamit na mga Dokumento

Mga Magagamit na Link


MGA PRINSIPYO NG KAALAMAN SA PAGBASA AT PAGSULAT

Mag-disenyo ng Sariling Punsiyunal na Programa

ni Phil Bartle, PhD

isinalin ni Myla Burke


Handog sa alaala ni Peter Gzowski*


Sangguniang Dokumento

Huwag kopyahin ang mga pamamaraan o laman na galing sa paaralan; na hindi umubra sa mga di-nag-aral; mag-balak buhat sa mga basikong prinsipyo; mag-disenyo ng tumpak na programa

1. Huwag Kopyahin ang Pangkaraniwan at Tradisyonal na Pamamaraan at Laman

Ikaw ay magiging mas mabisang tagapagsanay kung tatalikuran mo ang akala na may iisang tamang paraan lamang sa paggawa ng bagay-bagay, at ang paraang iyon ay matatagpuan sa mga pang-aralang aklat. Kung maglilikha ka ng sariling pamamaraan at laman, base sa pangangailangang pampook, mga interes, mga katangian at kondisyon, (ie punsiyunal) ang iyong plano ay mas makabuluhan sa iyo at sa mga mag-aaral. Panatiliin ang mga prinsipyong nakalista dito imbis na gayahin ang ginawa ng iba: kapwa sa laman at paraan.

Ang prinsipyong niluluhog ng kaugalian na "Ito ang kinagawiang paraan ng paggawa," o "Ito ang 'tamang' paraan ng paggawa," ay base lamang sa tradisyon at hindi base sa katungkulan. Sa iyong paghahanap ng mga pananalitang kaagad na magagamit, dapat ay talikuran mo ang mga pangkaraniwang babasahing pampaaralan na naglilista ng pananalita na maaaring may kabuluhan sa ibang pamayanan.

Ang bawat pamayanan ay may kaibahan, kaya kailangang naiiba rin ang laman ng iyong pagtuturo.

Para sa kinaugaliang pamamaraan ng pag-aaral, karamihan nito ay hinubog para sa estudyante ng paaralan. Ang iyong mga parokyano ay hindi marunong bumasa at sumulat o hindi gaanong may alam.

Marami sa mga kasapi ay maaaring nakaranas ng kaunting pag-aaral sa eskuwela, pero hindi nagpatuloy dahil hindi nakapalagayang-loob o walang kabuluhan ito sa kanila. Kaya kung gagayahin mo ang pamamaraan ng eskuwela, malamang ay walang silbi sa kanila ang iyong pagtuturo. Para sa mga taong hindi nakatuntong sa eskuwela, hindi sila ma-eenganyong pumasok sa "mala-eskuwelang" kalagayan.

Tingnan ang modulo tungkol sa pamamaraan ng pagsasanay. It ay sadya para sa pagsasanay ng mga tagapagpakilos. Karamihan ng mga prinsipyong nakalista doon ay akma din dito. Iwasan ang pagtakda ng imitasyong paaralan. Bigyang diin mo na mas importanteng matuto sa pamamagitan ng "paggawa" kaysa pamamagitan ng "pakikinig." Himukin ang pagkatuklas kaysa pag-aalinsunod. Himukin ang pagsisiyasat kaysa disiplina.

Hayaan ang mga kasaping magbuno nang kaunti; mas maitatanim sa utak ang kanilang natutunan. Huwag silang hayaang magbuno nang sobra-sobra na susuko sila sa pag-aaral; ngunit maghanap ng paraan upang sila mismo ang magsabing, "Nagawa ko ito sa sarili kong pagsisikap." (Tingnan ang "Pumunta.") Pagsasakapangyarihan.

2. Bumuo ng Sariling Pamamaraan at Laman Base sa mga Prinsipyo ng Pagsasakapangyarihan:

Ang dalawang pangunahing tanong na dapat sagutin kapag nagpaplano, kumakatha o nag-di-disenyo ng kurso sa literasiya, ay "Ano ang ituturo (laman)?" at "Paano ito ituturo (paraan)?"

Ang nararapat na nilalaman ng iyong pagsasanay ay mga salita, parirala at talata na may kabuluhan sa katayuan ng mga kasapi. Ang pagkaka-alam kung paano isulat ang mga pangalan at presyo ng iba't ibang isda ay maaaring importante sa mga tao ng pamayanang tabing-dagat na umaasa sa pangingisda, ngunit hindi ito gaanong makakatulong sa pamayanang pagalagala na umaasa sa pag-aalaga ng mga hayop. Ang pamayanang ito ay mas interesado sa pangalan ng iba't ibang klase ng mga kamelyo o baka, depende sa kung anong hayop ang nasa kanilang kawan. Ang mga naninirahan sa maralitang dako ng lungsod ay mas interesado sa mga pamilihang lokal, presyo ng pagsakay ng bus, o murang libangan, imbis na sa balita tungkol sa pangingisda o pag-aalaga ng hayop.

Dahil tayong lahat ay mas madaling matuto sa paggawa kaysa pakikinig, humanap ng mga paraan upang makisali ang mga kasapi sa pagtukoy ng mga salitang may kaugnayan sa kanilang buhay at katayuan.

Sa pamayanang mangingisda, halimbawa na lang, ang magandang insayo, kasama ang apat hanggang walong miyembro, ay maaaring isang lakad sa tabing-dagat kung saan dinadala at binibili ang mga isda, at ihanda ang listahan ng iba't ibang pangalan, sukat, at presyo ng isda. Ang kaalamang ito ay maaaring gawing isang patalastas o 'booklet' ng grupo, at maaaring may praktikal na layon ito. Gamitin ang iyong imahinasyon.

Para naman sa grupong galing lungsod, ang lakad ay naiiba naman, ang pagtutukoy ng iba't ibang mga karatula o babala: karatula sa harap ng tindahan, babala tungkol sa trapiko, paunawa tungkol sa paliko-liko ng daan, karatula ng mga pangalan ng kalye.

Bigyang-pansin na ang paraang ito ay isang anyo ng "pagkilos," kung saan ang mga kasapi ay nakikisali sa gawain ng isang bagay na praktikal o kapaki-pakinabang, kaysa pakikinig sa isang panayam o panonood ng isang palabas. Katulad sa 'gym,' ang ehersisyo (pagkilos) ay magbubunga ng lakas.

3. Ang Mga Nasa Edad ay Hindi Mga Bata - Kinakailangan ang Naiibang Paraan:

Madaling isipin na tayo, kapag nagtuturo sa iba, ay ang nakatatanda, habang ang tinuturuan ay ang mga bata. Ganyan naman ang makikita sa isang paaralan, hindi ba?

Ngunit tayo ay magkakamali sa akalang ito. Kapag nagtuturo ng literasiya, ang mga tinuturuan ay may edad na rin, hindi na musmos. Kahit hindi nila alam kung paano magbasa at magsulat, hindi ibig sabihin na mas mababa ang kanilang estado kaysa atin.

Siguraduhin natin na hindi tayo nagbibigay ng maling akala na tayo ay mas mahusay (mahigit, mas mataas, mas malakas) kaysa kanila sa pamamagitan ng ating kilos, tono ng boses, o pananalita. "Mawawalan sila ng gana" (hihina ang kanilang kalooban) at baka talikuran nila ang pag-aaral. Kung mangyayari iyon, hindi tayo magtatagumpay sa pagtuturo ng kaalaman.

Sa pagtuturo sa mga may edad na, kailangan ay tandaan palagi na hindi sila mga batang musmos at iwasan ang madaling isipan na ito. Pare-pareho tayong may gulang na at karapat-dapat lamang na patas ang trato natin sa isa't isa.

Mas maraming natututuhan ang mga bata kaysa matatanda; natututo sila tungkol sa kapangyarihan, kung paano makihalubilo sa kamunduhan, tungkol sa kapisanan, at kung paano ma-disiplina ang kanilang kapritso. Ang mga miyembro ng literasiya na may edad na ay hindi mga bata, at dapat nating iwasan ang agad-agad at pabayang asal na nagpapahiwatig na sila ay mga bata. Maraming oras, sikap at pag-iisip ang binubuhos ng isang guro sa paaralan para tiyakin na ang mga bata ay disiplinado at nakikinig sa guro. Hindi mo dapat pag-aksayahan ng oras ito. Kapag matuklasan nila ito, hindi na tutugunin ang pag-aaral na ating iniaalay.

Kapag naipakita natin sa mga kasapi na kinikilala natin sila na may gulang at kapantay natin, mas tutugunin nila ang pamamatnubay patungo sa kaalaman ng pagbasa at pagsulat.

4. Ang mga Huwaran ng Pagtuturo ay Hindi Dapat Manggaling sa mga Paaralang Pambata:

Kapag tayo ay nagsasagawa ng bagay-bagay, katulad ng pagtuturo, kadalasan ay gumagamit tayo ng mga huwaran ng pag-uugali. Minsan kusa nating kinukuha ang mga huwarang ito mula sa 'role models,' sa nakakatanda o ibang mga taong ating nirerespeto at malinaw na gustong gayahin. Paminsan naman ni hindi natin naiisip na ginagamit pala natin ang mga huwaran, at basta na lamang ginagawa ang mga bagay na wari ay "tama" sa atin. Base ito sa ating haka at sa haka ng iba kung ano ang karapat-dapat na gawin.

Kaya may panganib kapag ang karanasan sa pag-aaral, lalo na sa pag-aaral magbasa at magsulat, ay nanggaling lamang sa paaralan. Ang panganib ay baka magamit ang paaralan bilang tanging pagmumulan ng huwaran sa pagtuturo ng literasiya.

Pagsikapan nating maalaala kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay sa paaralan, at maingat nating itapon ang mga bagay na hindi angkop sa matatanda, at ang mga bagay na hadlang sa pag-aaral ng literasiya. Kabilang dito ang: pagpilit ng disiplina, pag-utos sa mga estudyante, ang pag-akala na palaging tama ang guro, pag-arte na wari ay bukal ng dunong at kaalaman.

Sa karamihan, ngunit hindi sa lahat ng mga paaralan, ang guro ay nang-iinsulto ng estudyante sa harap ng mga kaklase, nagbibigay-parusa sa salita at gawa, nagyayabang at umaarte na parang mas higit ang katayuan nila, nagbibigay-puna, at minamaliit ang mga estudyante. Bagama't ngayon, karamihan sa ganitong asal mula sa mga guro at opisyal ay tinatanggal na sa mga paaralan sa lahat ng dako, kailangan pa ring iwasang maigi ito sa pagtuturo ng kaalaman sa matatanda.

Mag-isip ng iba pang pamamaraan sa pakikitungo sa mga kasapi ng literasiya. Huwag magdaos ng klase; sa halip ay magdaos ng mga pagsasanay upang talakayin ang mga panukala at mag-plano ng mga gawain, at magtatag ng mga lakad at proyekto upang maisagawa ang mga ito. Ang halimbawang iminumungkahi dito ay ang pagkakaroon ng dalawang klase ng pulong.

Ang unang klase ng pulong ay paris ng miting. Huwag tawagin itong klase, bagama't ginagamit ang silid-aralan para dito. Gamitin ang "miting" upang matanto ang pangangailangan, upang kilalanin ang sari-saring baytang ng kaalaman na naabot ng mga kasapi, upang lumikha at mag-plano ng mga proyekto sa pag-aaral, at upang magtustos ng iba pang gawain pagkatapos ng mga lakad para sa mga proyektong ito.

Ang pangalawang klase ng pulong ay ang "lakad" o "proyekto" na pinag-isipan ng grupo ng mga kasapi sa unang klase ng pulong. Ito ay maaaring isang lakad sa tabing-dagat para isulat ang mga pangalan at presyo ng isda. Maaari rin itong gawin sa palengke naman o kaya naman sa kural para kilalanin ang pangalan ng kawan ng baka. Maaaring pumunta sa bukid para kilalanin ang iba't ibang ani. Maaaring pumunta sa kusina at kilalanin ang pangalan ng kasangkapan o 'recipes.' Puede rin ang lakad sa planta para kilalanin ang mga kagamitan, manggagawa o paraan ng paggawa.

Hikayatin ang mga kasapi na mamulaklak ang isipan, at tandaan na ang laman ay dapat akma sa kanilang katayuan.

Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng mataas na antas ng pakikisali ng mga kasapi. Ang kanilang "paggawa" ng mga bagay-bagay - pagpaplano, pagsasagawa, at pagsusubaybay ng isang gawain (lakad, proyekto) - ay ang pagsisikap (na kailangang isagawa) upang sila ay mapalakas. Huwag magpasiya para sa kanila; kapag sila ang magpapasiya, lalakas lalo ang kanilang loob at magbibigay ito ng kapangyarihan.

Ang mga kasapi ay hindi mga estudyante at hindi na musmos; sila ay katapat at kaanib natin sa isang marangal at mahirap na pagsubok. Huwag itong kalilimutan, at laging umasal nang ganito sa harap nila.

5. Ang Respeto ay Napaka-halaga:

Pag-isipan ang mga karanasan sa buhay ng isang taong hindi nakakabasa at nakakasulat.

Ang taong iyon ay maaaring tinukso at/o ininsulto dahil hindi marunong magbasa o magsulat. Maaaring itinatago niya ang kanyang pagka-mangmang. Sa pagdalo niya sa mga pagsasanay at mga lakad, kinikilala niya ang katotohanan na siya ay hindi nakakapagbasa o nakakapagsulat. Kapag hindi siya nakahanap ng gantimpala o pakinabang, at kung hindi siya nirerespeto habang nasa pulong, hindi na niya itutuloy ang pagpasok. Kailangan ay ang lakas ng loob sa parte ng mga kasapi, sa pagdalo sa iyong mga pulong, at makabubuti kung kikilalanin mo at magbibigay-papuri ka sa kagitingang ito.

Muling isipin na kailangan mong iwasan ang mga asal eskuwela na ginagawa sa pakikitungo sa mga estudyante, at magbigay respeto sa iyong mga kasapi. Idiin din ang respeto sa kapwa kasapi at sa sarili. Itaguyod ang respeto sa sariling kapakanan.

Huwag magbigay ng titulo (Mr. Ms. Dr. Mrs. Miss, Rev.) sa iyong sarili maliban kung magbibigay ka ng titulo sa lahat ng mga kasapi. Kung gamit ay ang unang pangalan o kung gamit ay titulo at apelyido, dapat ay pare-pareho ang pagtawag sa lahat, kasama ka na roon. (Tawagin akong Dr. Phil).

Hindi lang dapat irespeto ang lahat ng mga kasapi, kundi dapat ay siguraduhin nang husto na alam nilang nirerespeto mo ang bawa't isa sa kanila.

6. Ang Pagsasanay sa Pamamagitan ng Paggawa ay Mas Mabisa kaysa sa Panunood o Pakikinig:

Natututo tayo ng mga kasanayan sa maraming paraan, pakikinig sa lektura, pakikinig sa plaka, panonood ng programa o sine, panonood ng mga tanghalan o palabas dulaan, at sa paggawa. Tingnan ang mga pamamaraan ng pagsasanay na modulo. Marami sa mga paraan na mabisa para sa mga tagapagpakilos ay mabisa din para sa pagsasanay sa kaalaman ng pagbasa at pagsulat.

Pansinin na malawak ang nasasaklaw na kilusan ng "paggawa", mula sa ensayo at pagpapanggap ng dula sa silid aralan, hanggang sa mga gawain sa lakaran.

Ito ang isang halimbawa. Ikaw ay hindi nagtuturo sa silid-aralan. Ikaw ay namamahala ng mga pagpaplano at mga lakad. Sa mga pulong ninyo, nakilala na ninyo ang mga pangangailangan ng grupo. Ito ay isang barangay ng mga mangingisda. Bilang isang grupo, napagkaisahan ninyong gumawa ng listahan ng iba't ibang klase ng isda, ang bawa't sukat at presyo nito, na dinadala sa barangay. Nagbukod ka ng dalawang oras para sa isang lakad, at sama-sama kayong pumunta sa tabing-dagat kung saan dinadala ang mga huli, upang isulat ang pangalan at presyo ng isda. Ibinalik mo ang listahan sa silid-aralan, at buhat dito, ay gumawa ka ng isang booklet na naglilista ng mga presyo. Binigyan mo ng pagkakataon ang mga miyembro na isulat ang pangalan at presyo ng isda, kaya nagkaroon sila ng praktikal na karanasan sa pagsulat, at nabigyan ng makahulugang layon ito. Ginamit mo ang booklet sa pagbasa ng listahan kasama ang bawa't kasapi.

Sa bawa't hakbang ng proyekto, kilalanin mo kung paano natutulungan ng pagsulat at pagbasa ang paglilista at pag-uulat, at kung paano ito naisasagawa ng mga kasapi, hindi ikaw.

7. Huwag Asintahin ang Mataas na Baytang ng Kaalaman o Literasiya:

Ang pagkakaroon ng mataas na kaalaman, kakayahang sumuri ng magulong balarila at tiyak na baybayin, kakayahang magmahal ng tula at sulat tuluyan, ay maaring magandang hantungan. Kapag may kasaping nagnanais makamtan ang antas na ito, dapat lang na himukin mo siyang gumawa ng paraan upang maabot ito. Ngunit ang iyong programa ng kaalaman ay hindi dapat balakin ang ganitong mga layunin.

Hindi ka nagtuturo ng literasiya upang maging edukado ang mga miyembro. Ikaw ay tumutulong sa pamayanan maging mas malakas sa pamamagitan ng paghihintulot sa mga miyembro na gumawa ng praktikal na mga bagay-bagay tungkol sa at sa pamamagitan ng pagbasa at pagsulat.

Hindi mahalaga ang tamang baybayin o balarila. Ang kakayahang kilalanin ang pangkaraniwang gamit na mga salita na isinusulat, at ang kakayahang gumawa ng mga simbolo sa papel na naiintindihan ng iba - iyon ang antas ng kaalaman na iyong pinagsisikapan.

Huwag na huwag mong pipintasan ang maling baybayin o balarila. Kahit kailanman ay huwag gawin ito.

Itakda ang mga paksa sa kung ano ang pang-kasalukuyan, may kaugnayan at lokal sa iyong tinutulungan. Hindi mahalaga para sa isang barangay ng mga mangingisda ang mabatid si Shakespeare o si Proust. Hindi mahalaga para sa taga-alaga ng kawan ng baka ang banggitin ang sinalita ni Wordsworth o ni Browning. Hindi kinakailangang malaman ng dukha kung paano sumuri ng pangungusap o magbaybay ng pangwatas na pandiwa. Hindi kinakailangang matuto ang mga maghahalaman kung paano lumikha ng bagong tula o liriko. Maaaring matuklasan ito (himukin mo sila) sa ibang pagkakataon, ngunit hindi sakop ito sa iyong programa ng kaalaman.

Huwag kang mag-alaala kung mali ang pagbaybay o mali ang gramatika ng mga kasapi. Kapag naiintindihan mo ang ibig sabihin ng salitang kanilang isinulat, sila ay nagtagumpay. Purihin mo sila.

Hayaan mo silang humanap ng kaganapan sa ibang dako. "Huwag humingi sa baka ng itlog; huwag humingi sa manok ng gatas."

8. Humanap ng Praktikal na Paraan ng Pagbibigay-alam - Huwag Ipagpilitan ang Kaganapan:

Ang dalawang praktikal na pangunahing layunin ng pagsulat ay (1) ang paglilista at (2) ang pag-uulat. Pareho itong naisasagawa sa pamamagitan ng pagsasalita, ngunit maaari mong ipakita kung paano mas eksakto at madali para sa mga kasapi kapag ginamit ang nakasulat na salita. Tingnan ang modulo tungkol sa pagsubaybay. Marami ang pakinabang ng nakasulat na paglilista at pag-uulat.

Kung ikaw at ang iyong mga kasapi ay gumawa ng lakad sa palengke at isinulat ang mga pangalan ng iba't ibang klase ng isda at ang bawa't presyo, ikaw ay gumawa ng tala. Pagkatapos ng isang buwan, kapag tinignan mo ulit ang mga presyo ng isda, may wastong tala ka ng mga presyo katulad noong panahon na iyong isinulat ito. Mas maaasahan ito kaysa sa iyong alaala. Kapag ibinigay mo ang booklet o listahang ito sa ibang tao na hindi nakasama sa inyong lakad, ikaw ay nakagawa ng isang nakasulat na ulat.

Tulad ng iyong tala, ang nakasulat na ulat ay mas maaasahan kaysa sa alaala. Ang katatagang ito ay isang praktikal at kapaki-pakinabang na resulta ng pagsulat at pagbasa.

Iyon ang dahilan kung bakit ang lakad ay mas may kabuluhan sa isang pamayanan ng mangingisda, kung ito'y makakaipon ng mga pangalan at presyo ng isda, kaysa sa isang pamayanan ng tagapag-alaga ng kawan ng baka. Para maging praktikal, kailangan mo muna (at pinakamabuti kung maisasagawa bilang isang grupo) na magpasiya kung anu-anong paksa ang pinaka-mahalaga sa buhay ng mga kasapi.

Sa ganitong paraan, mas may pag-asang makita nila ang kahalagahan ng pag-aaral magsulat at magbasa, at mas may posibilidad na maitanim sa isip ang natutunan.

9. Bigyang Diin ang mga Wika at Baybaying Karaniwang Ginagamit:

Sa pag-aaral ng basikong literasiya, hindi dapat makabuluhan kung anong wika o alpabeto ang gamit sa iyong programa ng kaalaman. Walang isang wika ang pinakamahusay kaysa sa iba. Ang pagpili ay base sa kung ano ang karaniwang naiiintindihan at alam sa pamayanan. Sa muling banggit, ang kahulugan at kagamitan ang nararapat na batasan mo. Kailangan mong malaman ang pamayanang iyong tutulungan.

Minsan, mayroong mahigit sa isang alpabeto para sa isang wika. Ang Hindi at Urdu, halimbawa na lang, ay likas na parehong wika, ang Hinduismo ay nag-impluwensiya sa Hindi at ang Islam ay nag-impluwensiya sa Urdu. Ang alpabeto ng Hindi ay galing sa Sanskrit na nagmula sa sinaunang kabihasnan ng Persia, habang ang alpabetong Urdu (sinusulat mula kanan patungong kaliwa) ay galing sa Arabiko, ngunit nagmula sa impluwensiya ng Persia. (Ang wikang ito ay hango sa Persia). Ang makabagong alpabeto ng Japan (may tatlong alpabeto ang Japan, isa nito ay Intsik) ay isang kaayusan kung saan ang bawa't simbolo ay ang pagsasama ng isang katinig na sinusundan ng isang patinig. Katulad din ito sa 240 na simbolo ng wikang Amharic ng Ethiopia. Ang pagkakaiba talaga ng katinig at patinig ay isang katangian ng mga wikang taga-Europa, karaniwang base sa alpabetong Romano.

Maaaring gamitin ang iilang alpabeto sa iyong gawain, na nagpapakita kung paano ang isang salita ay maaaring masulat sa iba't ibang paraan kapag gamit ang bawa't alpabeto. Ang tanging kailangan lamang ay ang mga alpabeto na iyong gagamitin ay dapat karaniwang maiintindihan saan man sa pamayanan.

Kadalasan sa Afrika, iisang alpabeto ang gamit, base sa wikang taga-Europa at madalas ay pakilala ng mga misyonaryong Kristiano. Dahil gamit mo ito, hindi ibig sabihin na kailangan kang umasal na parang mahigpit na pinuno na nagpipilit sa "tamang" baybayin at balarilang taga-Europa. Ang nararapat na patnubay mo ay kung ano ang praktikal, naiintindihan, at magagamit (hindi kinakailangang "tama").

10. Pagsamahin ang Nakasulat na Salita at ang Simpleng Larawan:

Natuto ka nang kumilala ng mga larawan, malamang ay hindi sadya, na saklaw sa iyong pag-aaral magbasa. Kung ikaw ay marunong - at kung binabasa mo ito, malamang na ikaw ay marunong - maaaring magulat ka kapag nalaman mong karamihan sa mga taong walang alam ay hindi nakaka-kilala ng mga larawang-guhit na katulad ng mga ginagamit sa iba't ibang lugar sa web site na ito.

Ang taong walang kaalam-alam ay hindi makakapag-hambing; ang mga larawan ay itim at puti, hindi tulad ng totoong buhay; ito ay mga simbolo, ito ay pakunwari lamang. Ngunit ang mga ito ay medyo madaling matutunan, at mas madali kaysa sa makapritsong simbolo ng karamihan sa alpabeto (maliban siguro sa Intsik, na base sa mga larawan). Kapag natutong kumilala ng simpleng itim at puting larawang-guhit ang mga kasapi, maaari ka nang magsali ng mga larawan sa iyong programa.

Isang proyekto, halimbawa na lang, ay ang paghanda ng isang booklet, o isang grupo ng karatula, kung saan isang bagay na karaniwang gamit at alam ng lahat, ay ginuhit ng mga kasapi sa isang eksena, at ang nakasulat na salita, na kumikilala sa bagay na iyon, ay nakasulat sa ibaba nito.

Miting:


Meeting for planning and review

11. Isali Kaagad ang Basikong Pagbilang sa Iyong Sistema ng Pagtuturo:

Ang salitang "numeracy" ay hindi madalas natatagpuan sa mga diksiyonario. Ang kahulugan nito ay ang pagkakaroon ng basikong kasanayan sa pagkilala ng mga numero, ang pagsulat nito, at ang paggamit nito para sa pagbilang at pagsukat.

May mga taong hindi nakapag-aral magbasa at magsulat ng sulat tuluyan, ngunit kahit papaano ay natuto ng basikong pagbibilang, at gamit ito sa paghahawak ng pera. Ito ay mabuti, at dapat ay gamitin na batayan upang matuto ng pagbasa at pagsulat. Ang iba naman ay walang karanasan dito. Ang laman ng iyong programa ay dapat saklawin ang "numeracy." Isali ang mga numero sa iyong programa. Huwag mong ituro ang aritmetika; ituro ang pagkilala ng mga numero, at kung paano ito isulat.

12. Dapat ay Praktikal, Madalian at Kapaki-pakinabang ang Matututuhan:

May hawig (sa pag-aaral ng literasiya) ang paraan ng pag-aaral ng isang wikang salita sa pamamagitan ng pakikinig sa tunog, na naka-larawan sa isa pang dokumento sa web site na ito: Dakong Pakinigan.

Ang isang malaking bahagi ng mga pamamaraang ito ay ang paniniwala na kung ano ang natututuhan ay hindi sa pamamagitan ng pagmememorya o pagtuto na walang kaugnayan sa pang-araw-araw na gawain.

Tunay na pagdagdag ng lakas.

Ang pag-aaral ay dapat may kaugnayan sa pagkabuhay. Kaya ikaw, bilang isang tagapagpakilos, ay dapat magkaroon ng malaking kaalaman tungkol sa pamayanan, at kung anu-anong mga bagay ang mahalaga sa mga miyembro nito. Ang mga bagay na ito ang basehan upang lumikha ng laman para sa mga proyektong iyong itataguyod.

13.Pag-aralan at Gamitin Kung Ano ang Kapaki-pakinabang at May Saysay sa Bawat Pamayanan:

Una, pag-aralan mong mabuti ang tungkol sa pamayanan, at ang mga bagay-bagay at gawaing pinaka-mahalaga dito. Tapos, himukin mo ang mga kasapi na pag-isipan at gawin din ito, maging maramdamin tungkol sa lahat ng nangyayari sa paligid nila.

Sa pag-aaral nila ng basikong kaalaman, hindi dapat sila pasanan ng malaking bokabularyo, o ang pag-aaral ng mga hugis ng maraming bilang ng mga simbolo sa baybaying iyong ginagamit. Kaya dapat ay mapili ka, at piliin lamang ang mga salitang nagpapangalan sa mga bagay na karaniwan nilang gamit.

Ang bokabularyo, ang laman ng iyong programa ng literasiya, ay kailangang maging punsiyunal. Ibig sabihin ay dapat maging praktikal at angkop sa iyong tinuturuan. Iba-iba ito para sa bawa't pamayanan. Ito ang dahilan kung bakit ikaw, bilang isang tagapagpakilos, ay kailangang alamin ang mga detalye ng pang-araw-araw na buhay upang makapagplano ng programa ng literasiya. Hindi ikaw ang gagawa nito; kailangang bunutin galing sa mga kasapi -- ngunit kailangan ay alam mo kung anong kaalaman ang kukunin galing sa kanila.

14. Iwasan ang Kurso (Laman) na Galing sa Nakaugaliang Pag-aaral ─ Mag-imbento ng Sariling Kurso:

Nakatutukso, lalo na kapag nag-uumpisa pa lamang magpatakbo ng programa sa kaalaman, na humiram ng aklat tungkol sa basikong pagbabasa buhat sa isang paaralan, at mag-umpisang magturo ng mga salita galing dito.

Maging matatag; iwasan ang paraang ito.

Suriin mabuti ang ganitong aklat. Anu-ano ang mga salitang nakapaloob dito? Ilan dito ang may kaugnayan sa kung ano ang mahalaga sa iyong mga kasapi?

Bagama't marami ang nagsisikap upang gawing mas makabuluhan ang mga pambansang silid aklat sa pambansang gunita at opinyon, walang iisang silid aklat na makakatustos sa kalawakan ng iba't ibang uri ng gawain, bagay-bagay at kuru-kuro ng buong lipunan; may kanya-kanyang kaibahan ang bawa't pamayanan. Bukod pa doon, ang paggawa ng iyong sariling listahan ng bokabularyo, bilang isang gawaing pang-grupo, ay makakatulong magpalakas sa mga kasapi, at makakatulong patungo sa mas maiging pagkilala ng mga napiling salita (ie na kanilang pinili).

Ang patakaran para sa iyong pamamaraan at laman ay hindi dapat kung ang mga ito ay pangkaraniwan o hindi, ngunit kung ang mga ito ay tunay na magpapadami sa bilang ng mga taong marunong magbasa at magsulat sa pamayanan.

15. Iwasan ang Tradisyonal at Walang Silbing Mga Paksa (eg Abakada, Tulain, Banyagang Drama):

Sa kalakaran ng paaralan, karaniwan ang pagtuturo ng buong alpabeto sa mga estudyante. Ngunit ano nga ba ang alpabeto o baybayin? Ito ay isang grupo ng mga simbolo, ang bawa't isa ay may kakaibang anyo, at kung saan ang bawa't isa ay kumakatawan ng sariling tunog o pangkat ng tunog.

Ang alpabeto at ang mga titik nito ay hindi nagbibigay pakinabang o gamit sa buhay ng mga kasapi. Ito ay alanganin isaulo, at walang tiyak na kaugnayan sa pang-araw-araw na buhay nila.

Huwag ituro ang alpabeto. Ituro lamang ang mga titik na matatagpuan sa mga salitang napili at natunton na praktikal at kapaki-pakinabang na pag-aralan (mag-iiba ito para sa bawa't pamayanan, at mag-iiba din para sa sarisaring grupo ng isang pamayanan). Pagtagal, maaaring matutunan ng mga kasapi ang buong alpabeto, o ang iilan lamang na kanilang gagamitin.

At ano nga ba ang panunula? Ang panunulang tinuturo sa mga paaralan ay sinala na at "sinang-ayunan na maganda" para sa mga estudyante. Madalas ito ay may kalaliman, at palaging hindi angkop. Ano ang halaga ng tula sa mga taong nag-aaral ng basikong literasiya? Paano naman ang ibang uri ng literatura? Oo, maaaring masarap basahin ang mga ito - para sa ibang tao. Kung hindi ito angkop sa kasalukuyang pangangailangan, kung hindi ito may kaugnayan at hindi magagamit ng iyong mga kasapi, huwag isali sa iyong programa.

Kung ang isa sa mga kasapi ay magpapakita ng interes, magbigay sigla at tulong, at imungkahi na siya ay mag-aral ng tulain, drama, sulat tuluyan o iba pang sining ng kaalaman, sa ibang kapaligiran.

16. Huwag Mamintas - Kailanman; Purihin - Madalas:

Tingnan ang modulo tungkol sa pamamalakad na pinahihintulutan ang pakikilahok: Positibong Disposisyon. Ipinapaliwanag dito na, kapag tayo ay namimintas sa kapwa tao, hindi nila madalian o kaagad winawasto ang kamalian; kundi mas ipipilit nilang ipagtanggol ito, at mas hindi papayag na sundin ang iyong patnubay. Ang prinsipyong ito, na ginagamit sa pamamahala ng mga manggagawa at boluntaryo, ay ginagamit din dito sa pag-akay sa mga kasapi patungo sa literasiya.

Asahan mong magkakamali ang mga kasapi; ito ay isang mahalagang katangian ng pagkatao (at nagpapatunay ng kaibahan sa Diyos). Kung paano ka tutugon sa kanilang kamalian ang malaking pagkakaiba na tutulong sa kanilang pag-aaral ng literasiya buhat sa iyo. Mamalagi kang payapa, maging mapagbata, bigyang-pansin ang mga tagumpay.

Tingnan natin ang halimbawang ito. Sabihin mo nang ang isa sa iyong mga kasapi ay sumusubok isulat ito: "The cat sat." Maaaring ito ang lumabas: "The kat sot." Punahin ang pag-unlad na nagawa ng kasapi; talaga namang napakahirap sumulong nang ganitong kalayo. Ipaalam mo sa kasapi na mas marami ang makakaintindi ng salitang sat sa pangungusap kapag ang isusulat niya ay: "sat." (Huwag mong banggitin yung "k" sa "kat").

Karaniwan, ang tunog ng iyong pagsagot ay dapat ganito: "Magaling, at mas magaling pa kung ..." (ang tuldok, tuldok, tuldok, ay mag-iiba depende sa kung anong pagpabuti ang imumungkahi mo). Maaari kang magpahiwatig ng kaunlaran na hindi gagamitan ng pagpintas.

Bihira ang kaso kung saan ang sinasanay ay biglang magtatanong, "Mali ba ang 'sot'?" Sa pagsasanay ng basikong literasiya, walang maling sagot. Sabihin ito sa kanya. Kaya lang, mas marami ang makakaintindi sa kanya kung ang isusulat ay "sat" imbis na "sot."

Purihin ang pag-unlad. Huwag gumamit ng mababaw at hindi taos-pusong pagbati. Kilalaning tapat ang mga tagumpay. Hindi madaling bagay ang pagkilala ng isang simbolo, at ang kakayahang maisulat ito para makilala din ng ibang tao. Ito ay isang malaking tagumpay.

Kaya imbis na punahing mali, mahinay mong imungkahi kung paano ito pauunlarin. Tingnan ang Sandwich: i-sandwich (isingit) mo ang mungkahi (hindi pintas) sa gitna ng mga papuri (ang tinapay).

Ang mahalagang hiyaw sa pagsasanay ng mga tagapamahala ay, "Hindi ka kinakailangang maging masama para umunlad." Tandaan na ang mga nagsasanay ay magkakamali; huwag ipakita ang pagkakamali, ipakita na sila ay hindi masama at may pagkakataon pang maging mas mabuti.

17. Magbigay ng Pagkakataon sa mga Kasapi na Magturo ng Kanilang Natutuhan:

Maaaring napansin mo ito. Kapag tayo ay natuto ng isang bagay, at kapag naituro ito sa iba, mas naiintindihan natin itong mabuti. Mas naitatanim natin sa isip nang matagal. Sa pagsikap maituro ito sa ibang tao, tinutulungan natin ang ating sarili sa taimtim na pag-unawa ng isang kaalaman.

Ilagay itong karanasang ito sa pamamalakad ng iyong programa ng kaalaman. Maghanap ng pagkakataon upang ang mga kasapi mismo ang magturo, magpakita at maglarawan ng natutunan. Maaaring magpanggap na kliyente ang ibang mga kasapi. Halimbawa ay ang paglarawan kung paano isulat ang hubog ng titik "P." Maaaring may kaugnayan sa isang lakad o proyekto, katulad ng paggawa ng pamphlet na naglilista ng mga pangalan, sukat at presyo ng isda.

Kung ginagamit mo ang mga dokumentong ito sa pagsasanay ng mga tagapagpakilos na magtataguyod ng programa sa literasiya, bigyan sila ng mga gawaing magtuturo sa kani-kanilang sarili ng mga prinsipyo ng praktikal at punsiyunal na literasiya. Tingnan ang Mga Pamamaraan ng Pagsasanay.

Kung ang mga kasapi ay nag-aaral ng literasiya o nag-aaral magpakilos, ang prinsipyo ng "karunungan sa pamamagitan ng paggawa" ay maaaring (at dapat) paabutin upang humanap ng mga paraan na sila ay magturo sa iba ng mga kasanayan at prinsipyong kanilang natutunan. Kapag ginawa nila ito, mas huhusay ang pinag-aralan nila.

18. Akayin ang mga Kasapi Patungo sa Paghanga at Kasiyahan sa Pagkatuklas:

Ang iyong mga kasapi ay hindi aasa sa iyong pagtuturo habang-buhay. Kaya mas mabuti kung ihahanda mo silang tuloy-tuloy na magturo sa kani-kanilang sarili, at matagpuan ang saya sa pagtuklas ng kaalaman.

Walang hangganan sa punsiyunal na literasiya. Ang tao ay maaaring dumunong nang dumunong, o maaaring tumigil sa kahit anong baytang. Pinag-umpisa mo sila sa pinakamababang baytang. Iyon dapat ang maging batayan para sila ay patuloy na matuto (katulad ng baybayin o gramatika na hindi dapat saklaw ng iyong programa).

Ang isang ideya na naging matagumpay sa ibang lugar ay ang pagdiskubre kung gusto ng mga kasaping bumuo ng isang klub o samahan tungkol sa pagbabasa. Sa isang klub, sila ay magkakaroon ng sariling pangulo, magpapasiya ng mga gawain, at magpapasiya kung paano mamamahala sa grupo. Maaari silang mag-imbita ng mga boluntaryo, katulad ng mga taong may kalinangan ngunit hindi na nagta-trabaho, mga dalubhasang lokal, at iba pa, na bisitahin sila at magtanghal ng kaalaman tungkol sa iilang paksa. Ito ay maaaring lumago at maging isang klub na nagsusuri ng mga babasahin, o isang klub na nagbabasa ng pahayagan, depende kung gaano kabuti ang pagbasa, at sa kung anong baytang ang naabot.

Kapag pinakita mo sa unang pagkakataon kung paano ang mga guhit ng pluma sa papel ay nagpapahayag ng kahulugan, marahil ay sasaya at magbibigay-hanga sila na maaari palang magawa ito. Ito rin ang tamang panahon na banggitin ang walang-katapusang pag-aaral ng mga bagay-bagay, hanggang sa kamatayan - kung kanilang nanaisin.

Kapag nag-udyok at hinimok mong makaramdam sila ng paghanga at kasiyahan sa pagtuklas ng kaalaman, nagbigay kabutihan ka sa kasapi - at sa pamayanan dahil ang pamayanan ay lalong lalakas kapag ang mga miyembro nito ay mas marunong.

Balik sa Kaalaman sa Pagbasa at Pagsulat at ang Pagsasakapangyarihan

––»«––

© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 08.05.2011


 Pangunahing Pahina

 Kaalaman sa Pagbasa at Pagsulat