Pangunahing Pahina
 Pagsubaybay




Translations:

Català
中文 / Zhōngwén
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
हिन्दी / Hindī
Italiano
Português
Română
اردو / Urdu

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Susing Pananalita

Ipagbigay-alam

Mga Dokumento

Mga Magagamit na Link


PAGSUSUBAYBAY, PAGPAPLANO AT PAG-IIMPLEMENTA

Pagsasabuo ng Pagsusubaybay sa lahat ng Yugto

ni Phil Bartle, PhD

Isinalin ni Joyce Zaide


Handawt para sa Pagsasanay

Ang pagsusubaybay ay mahalagang bahagi ng bawat proyekto, mula sa simula hanggang sa katapusan.

Ang proyekto ay naglalaman ng sunud-sunod na mga gawain (mga puhunan) na naglalayong mabigayan ng solusyon ang mga problema, sa loob ng isang takdang panahon at sa isang partikular na lokasyon. Kasama sa mga puhunan ang oras, salapi at pinagkukunang-yaman (tao at materyal). Bago makamit ang mga layunin, ang isang proyekto ay dumadaan sa madaming yugto. Ang pagsusubaybay ay dapat maisagawa at maisama sa lahat ng yugto ng siklo ng proyekto.

Ang tatlong yugto ay ang sumusunod:
  • Pagpaplano ng proyekto (pagsusuri ng sitwasyon, pagtutukoy ng suliranin, pagtutukoy ng layunin, pagsasabuo ng stratehiya, pagdidisenyo ng plano, at pagbabadyet)
  • Pagpapatupad o pag-iimplementa ng proyekto (pagsasakilos, paggamit at pagkokontrol ng pinagkukunang-yaman at pagpapatakbo ng proyekto); at
  • Ebalwasyon ng proyekto.

Ang pagsusubaybay ay dapat isagawa ng lahat ng indibidwal at institusyon na may interes (stakeholders) sa proyekto. Para maayos na maipatupad ang proyekto, ang mga tagapag-plano at ang mga nag-iimplementa nito ay dapat magsagawa ng plano para sa lahat ng yugto ng proyekto, mula sa simula.

Sa "Handbook para sa mga Tagapagkilos," nababanggit na ang mga pangunahing katanungan ng pagpaplano at pangangasiwa ay: (1) Ano ang ating gusto? (2) Ano ang meron tayo? (3) Papaano natin gagamitin kung ano ang meron tayo para makamit ang ating gusto? at (4) Ano ang mangyayari kapag nakamit natin? Ang mga katanungang ito ay maaaring baguhin kapag ginamit ang "saan" sa halip na "ano", habang ang prinsipyo ay nananatiling magkatulad.

Ang katanungan ay magiging:

Nasaan tayo?
Saan natin gustong pumunta?
Papapano tayo makararating doon? at
Ano ang mangyayari kapag narating ito?

Pagsusuri ng Sitwasyon at Pagtutukoy ng Problema

Tinatanong nito kung "Nasaan tayo?" (Ano ang meron tayo?)

Ang pagsusuri ng sitwasyon ay isang proseso kung saan ang pangmalawakang katangian at problema ng pamayanan ay tinutukoy. Kasama dito ang pagtutukoy at pagbibigay kahulugan sa mga katangian at problemang espesipiko sa mga partikular na kategorya ng tao sa pamayanan. Nabibilang dito ang mga taong may kapansanan, mga kababaihan, kabataan, pesante, mangangalakal at artisano.

Ang pagsusuri ng sitwasyon ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagkolekta ng kinakailangang impormasyong magagamit sa pag-unawa ng buong pamayanan, pati na rin ng mga indibidwal na bumubuo nito. Nararapat na makolekta ang mga impormasyon ukol sa mga kaganapan sa nakalipas, kasalukuyan at hinaharap, base sa karanasan ng pamayanan.

Kabilang sa mga impormasyong kailangan upang maunawaan ang pamayanan ay ang mga sumusunod:
  • Katangian ng populasyon (halimbawa kasarian, edad, tribo, relihiyon at sukat ng pamilya);
  • Strukturang politikal at pang-administratibo (halimbawa komite sa pamayanan at lokal na konseho);
  • Gawaing pang-ekonomiko (kasama ang pagsasaka, pangangalakal at pangingisda);
  • Mga tradisyong pangkultura (halimbawa ang pagmamana at ang clan system), mga pagbabago (halimbawa kasal, pagbuburol), at "rites of passage" (halimbawa pagtutuli);
  • Mga proyektong kasalukuyang nagaganap sa sub-county, distrito, sentral na pamahalaan, non Governmental organizations (NGOs), at community based organizations (CBOs);
  • Sosyo-ekonomikong imprastraktura o pampublikong pasilidad (halimbawa paaralan, klinika, kalsada); at
  • Mga samahan o organisasyon sa pamayanan (hal. grupong nag-iimpok at nagpapa-utang, samahan ng mga kababaihan, grupong sariling-sikap, at grupo ng mga tagapag-libing), kasama ang kanilang mga tungkulin at mga gawain

Ang impormasyon na gagamitin para sa pagsusuri ng sitwasyon at pagtutukoy ng suliranin ay dapat matipon, gamit ang iba't ibang pamamaraan, kasama ang partisipasyon ng mga miyembro ng pamayanan. Ito ay para masiguro na tama, maaasahan at komprehensibo ang impormasyon ukol sa pamayanan at ng mga problema nito.

Ang iba sa mga kapamaraanan na maaaring gamitin ay ang sumusunod

  • Pagsusuri ng dokumento
  • Survey
  • Pakikipag-usap sa mga indibidwal, partikular na grupo at sa buong pamayanan.
  • Pagkikipanayam (Interview)
  • Pag-oobserba
  • Pakikinig sa mga tao
  • Pakikipag-palitan ng mga ideya
  • Impormal na usapan
  • Pagtatala ng imbentaryo ng panglipunang pinagkukunang-yaman ng pamayanan, serbisyo at oportunidad;
  • Pagbibisita sa lugar habang nag-oobserba (transect walk), mapa; at
  • Problem tree.

Mahalagang gawin ang pagsusuri ng sitwasyon bago pa man subukang lutasin ang suliranin sapagkat

  • Nagbibigay ito ng oportunidad na maintindihan kung ano ang mga dinamikong nagpapatakbo sa pamayanan.
  • Nililinaw nito ang mga sosyal, ekonomiko, kultural at politikal na kalagayan
  • Nagbibigay ito ng panimulang oportunidad para makilahok ang mga tao sa lahat ng aktibidades ng proyekto
  • Nakakatulong ito na matukoy ang mga suliranin ng pamayanan at ang mga solusyon; at
  • Nagbibigay ito ng impormasyong kailangan upang matukoy ang mga layunin, plano at kung paano ito ipapatupad

Ang pagsusuri ng sitwasyon at dapat tuluy-tuloy, upang magbigay ng karadagang impormasyon habang isinasagawa ang pagsusubaybay ng proyekto at ang muling pagpaplano. Ang pagsusuri ng sitwasyon at ang pagtutukoy ng problema ay dapat masubaybayan upang masiguro na ang mga tama at bagong mga impormasyon ukol sa pamayanan at mga suliranin nito ay laging handa at makukuha.

Dahil ang pagsusubaybay ay dapat maisama at maisabuo sa lahat ng aspeto ng proseso, ating tignan ang bawat aspeto at ang mga suliraning kaagapay nito.

Pagtutukoy ng layunin at gustong makamit (o goal):

Tinatanong sa aspetong ito kung, "Saan gusto nating makarating." (Ano ang ating kagustuhan?).

Bago pa man isagawa ang proyekto, dapat tukuyin ng mga tagapagplano at ng mga makikinabang sa proyekto kung ano ang kanilang gustong maabot at ano ang kanilang mga layunin. Tignan ang Brainstorm o pakikipag-palitan ng ideya upang maisagawa ito nang may pakikilahok ng mga tao.

Ang goal ay isang pangmalawakang pangungusap na nagsasabi kung ano ang dapat isagawa upang malutas ang suliranin. Tinutukoy nito, sa malawakang paraan, kung ano ang inaasahang makukuha sa proyekto. Ang goal ay matutukoy mula sa problema o suliranin na kailangang malutas. Pinapahiwatig nito ang huling destinasyon ng proyekto. Sa loob ng goal ay ang mga layunin. Ang mga layunin ay dapat espesipiko upang maging kaabot-abot ang mga ito.

"Ang mga layunin at dapat SMART."Ang mga ito ay dapat:

Specific (Espesipiko) Malinaw kung ano, saan, kailan at papaano ang sitwasyon ay mababago;
Measurable (Masusukat) Masusukat o mabibilang nang tiyak
Achievable (Maaabot) Makakamit ang mga layunin:
     alam ang hangganan ng pinagkukunang-yaman at kapasidad ng pamayanan
Realistic (Makatotohanan) Mararating ang antas ng pagbabago na tinukoy sa layunin; at
Time bound (Tiyak ang hangganan) Nakatakda ang espesipikong oras o panahong dapat marating ang mga natukoy na mga layunin:

Upang makamit ang mga layunin ng proyekto, kinakailangang matukoy ang mga pinagkukunang-yaman na matatagpuan sa loob ng pamayanan, pati na rin ang mga makukuha mula sa labas. Tignan ang Pagpapalitaw ng mga Natatagong Pinagkukunang-Yaman.

Dapat ding tukuyin ng mga tagapagplano, taga-implementa, at miyembro ng pamayanan ang mga balakid na maaaring harapin sa pagsasagawa ng proyekto at kung paano mabibigyang tugon ang mga ito. Base sa laki o dami ng balakid at ng mga nakikitang lunas, maaaring pagdesisyunan ng mga taga-implementa kung itutuloy nila ang proyekto o hindi.

Ang mga goal at layunin ay nagbibigay ng batayan para sa pagsusubaybay at ebalwasyon ng isang proyekto. Ang mga ito ang basehan kung saan sinusukat ang tagumpay o pagkabigo ng proyekto.

Paglilikha ng Istruktura at Istratehiya:

Tinatanong ng aspetong ito ang ikatlong pangunahing katanungan, "Papaano tayo makararating doon?" (Papaano natin makukuha ng gusto natin, base sa kung anong meron tayo?).

Dapat mapagdesisyunan ng mga tagapagplano at ng mga taga-implementa (ang pamayanan at ang kanilang mga tagapagpakilos) kung paano nila ipapatupad ang proyekto. Ito ang tinatawag na istratehiya. Ang pagsasang-ayon sa istratehiya ay nangangailangan ng pagtutukoy ng lahat ng bagay (mga input) na gagamitin upang maisagawa ng proyekto, pati na rin ang pagtutukoy kung sino ang iba't-ibang grupo at indibidwal na kalahok at ano ang kanilang mga gagampanan. Ang mga grupo at taong kasama sa pagsasagawa ng partikular na tungkulin sa proyekto ay tinatawag na mga "aktor".

Kasama sa paglilikha ng istruktura at istratehiya ang:

  • Pag-uusap at pagsasang-ayon ukol sa mga aktibidades na isasagawa sa pag-iimplementa ng proyekto;
  • Pagtutukoy ng mga iba't-ibang aktor sa loob at labas ng pamayanan, kasama ng kanilang mga tungkulin; at
  • Pagtutukoy at pamamahagi ng gastusin at materyales na kailangan sa pag-iimplementa ng proyekto.

Matapos mapagtibay na karapat-dapat ang desisyong napagkasunduan, dapat talakayin ng ehekutibo, at mapagkasunduan kasama ng mga aktor, kung paano iimplementahin ang proyekto. Ito ang tinatawag na pagdidisenyo ng work plan o plano. (Papaano natin makukuha ang ating kagustuhan?). Inilalarawan ng work plan ang mga aktibidades at ang pagkakasunud-sunod ng mga gawain, kasama ang pagtatantiya kung kailan ang mga ito gagawin.

Upang makagawa ng magandang plano o work plan, dapat gawin ng mga taga-implementa ang sumusunod:

  • Ilista ng lahat ng gawain na kailangang implementahin sa proyekto;
  • Ayusin ang mga gawain ayon sa tamang pagkakasunud-sunod;
  • Ipakita ang nakatakdang tungkulin ng mga aktor; at
  • Ibigay ang tiyempo o iskedyul ng bawat aktibidades.

Ang work plan o plano ay gabay sa pag-iimplementa ng proyekto at batayan para sa pagsusubaybay ng proyekto. Samakatwid, ito ay nakakatulong na:

  • Matapos ang proyekto sa takdang oras;
  • Maisagawa ang mga bagay sa tamang pagkakasunud-sunod;
  • Matukoy kung sino ang responsable sa kung anong aktibidades; at
  • Matukoy kung kailan sisimulan ang pag-iimplementa ng proyekto.

Dapat magpagkasunduan ng mga taga-implementa at tagapagplano kung ano ang mga indicator o panukoy na gagamitin sa pagsususbaybay. Ang mga indicator o panukoy sa pagsusubaybay ay ang mga kwantiteytib at kwaliteytib na palatandaan (mga batayan) upang masukat o mataya kung nakamit ang mga aktibidades at layunin ng proyekto. Ang mga indicator ay makapagtutukoy kung gaano nakamit ang mga layunin ng bawat aktibidades. Ang mga indicator o panukoy ng pagsusubaybay ay dapat malinaw, may kauganayan at mapatutunayan.

May apat na klase ng indicator o panukoy ng pagsusubaybay. Ang mga ito ay:

  • Input indicators nilalarawan nito kung ano ang naipasok sa proyekto (hal. bilang ng laryo o hollow blocks na nadala sa lugar ng proyekto at dami ng perang nagastos);
  • Output indicators nilalarawan ang aktibidades ng proyekto (hal. bilang ng silid paaralan na naitayo)
  • Outcome indicators nilalarawan ang produkto ng aktibidades (hal. bilang ng mag-aaral na pumapasok sa paaralan); at
  • Impact indicators sinusukat ang mga pagbabago sa kalagayan ng pamayanan (hal. pagbaba ng bilang ng mga hindi nakakabasa).

Ang pagsusulat ng mga istruktura at istratehiya ay nakakatulong sa pagsusubaybay ng proyekto sapagkat tinutukoy nito kung ano ang gagawin sa pag-iimplementa ng proyekto. Dapat isaad sa pagpaplano kung ano ang dapat subaybayan, sino ang dapat magsubaybay, at paano dapat isagawa ang pagsusubaybay.

Pag-iimplementa:

Sa pagsusubaybay ng implementasyon ng proyekto, itinatanong ang ika-apat na pangunahing katanungang "Ano ang mangyayari kapag ginawa natin ang mga ito"

Ang implementasyon ay ang yugto kung saan lahat ng naiplanong aktibidades ay ipinatutupad. Bago ipatupad ang proyekto, dapat tukuyin ng mga taga-implementa (sa pamumuno ng komite o ehekutibo ng proyekto ) ang kanilang mga kalakasan at kahinaan (panloob na mga pwersa), mga oportunidad at banta (panlabas na mga pwersa)

Ang mga kalakasan at oportunidad ay mga positibong pwersa na dapat magamit nang husto upang mahusay na maipatupad ang proyekto. Ang mga kahinaan at mga banta ay mga balakid na maaaring makapagpabagal ng pagpapatupad ng proyekto. Dapat siguruhin ng mga taga-implementa o tagapagpatupad na may mga pamamaraan silang gagamitin upang matugunan ang mga kahinaan at banta.

Ang pagsusubaybay ay mahalaga sa implementasyon ng proyekto upang masigurong maipapatupad ang proyekto batay sa tinakdang oras. Ang tuluy-tuloy na prosesong ito ay dapat maisaayos bago pa man simulan ang implementasyon ng proyekto.

Kaya naman, nararapat mailagay sa work plan ang mga aktibidades kaugnay ng pagsusubaybay at dapat may partisipasyon ng lahat ng stakeholders. Kung ang mga aktibidades ay hindi tumatakbo nang maayos, nararapat na matukoy ang mga suliranin o balakid upang mabigyan ang mga ito ng lunas.

Mahalaga rin ang pagsusubaybay upang masiguro na ang mga aktibidades ay naipapatupad batay sa naiplano. Nakakatulong ito sa mga taga-implementa o tagapag-patupad na masukat kung gaano naaabot ang kanilang mga target. Ito ay batay sa kaalaman na ang proseso na ginamit sa pagpapatutupad ng proyekto ay may epekto sa paggamit, pagpapatakbo at pagpapanatili ng proyekto.

Samakatwid, kung ang implementasyon o pagpapatupad ng proyekto ay hindi kanais-nais, kailangang sagutin ng mga taga-implementa o tagapag-patupad ang katanungang, "Gaano kahusay nating nararating ang ating target?" (Ano ang mangyayari kapag narating natin?)

Buod ng Ugnayan:

Ipinakikita ng mga naitalakay ang malapit na kaugnayan ng pagsubaybay, pagpaplano at pagiimplementa.
Ipinapakita nito na:
  • Inilalarawan ng pagpaplano ang mga paraan kung paano isasagawa ang pag-iimplementa at pagsusubaybay;
  • Ang pag-iimplementa o pagpapatupad at pagsubaybay ay ginagabayan ng work plan; at
  • Nagbibigay ang pagsusubaybay ng impormasyong magagamit sa pagpaplano at pag-iimplementa ng proyekto.

Mayroong malapit na kaugnayan o relasyon ang pagpaplano, implementasyon at pagsusubaybay. Inaalalayan ng mga ito ang bawat isa. Hindi maisasagawa ang isa sa kanila nang hiwalay sa dalawa. At kapag isinasagawa ang isa, kailangang isa-isip ng mga tagapag-plano at taga-implementa ang dalawa.

––»«––

Pagsusubaybay ng Pagsasakilos (o Pagmomobilisa) at ng Pag-oorganisa


Pagsusubaybay ng Pagsasakilos (o Pagmomobilisa) at ng Pag-oorganisa

© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 11.05.2011


 Pangunahing pahina

 Pagsubaybay