Pangunahing Pahina
 Pagkukunang Yaman




Mga salin:

Català
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
हिन्दी / Hindī
Italiano
Português
Română
Türkçe

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Susing Pananalita

Ipagbigay-alam

Mga Dokumento

Mga Magagamit na Link

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman

Mga Nilalaman

Mga Nilalaman

Mga Nilalaman


Pagkakamit ng mga Pagkukunang Yaman ng Komunidad

ni Phil Bartle, PhD

at Joshua Ogwang

isinalin ni Lina G. Cosico


Mga Patnubay

Abstrak:

Isinasaad sa dokumentong ito ang malawak na pinanggagalingan ng mga pinagmumulang yaman (resources) na maaaring makamtan ng mga komunidad at ng mga organisasyong base sa komunidad (CBO). Kasama rito ang ilang mungkahi kung paano makakakalap ng pera at iba pang kontribusyon na hindi pera para sa mga proyekto ng komunidad.

Ang lahat ng pagkukunang yaman (pera at hindi pera) ay dapat na itala para makapagkalkula ng mga wastong panloob at panlabas na gastos.

Hindi kasama sa dokumentong ito ang mga pinaggagalingan ng mga boluntaryo at walang kakabit na kontribusyon; ang mga ito ay nakasaad sa kapatid na dokumentong, Pangangalap ng Pondo. Dito ay nakalista ang mga panggagalingan ng pondo gaya ng mga awtoridad sa komunidad, distrito, lunsod, probinsiya at bansa; mga donor na ahensiya - NGO, binubuo ng dalawang organisasyon (bilateral), binubuo ng maraming organisasyon (multilateral) at mga nakapangakong pondo na kung saan ang pondo ay nakatalaga na para sa mga naplanong paggagamitan.

1. Introduksyon sa Pagkakamit ng Pagkukunan ng Yaman

Ang mga pagkukunang yaman ay maaaring pinansiyal o hindi ngunit ang mga input na hindi pinansiyal ay maaaring sukatin bilang pera kung wasto ang pagpresyo upang ang suma ay maisaad bilang pera.

Maaaring tingnan ang dokumentong ito bilang mahalagang bahagi ng isang set ng mga patnubay para sa pagpapalakas ng mga komunidad na may mababang kita. Ang mga teknik ng pangangalap ng pondo ay maaaring gamitin para dagdagan ang kapasidad ng mga CBO at lokal na NGO. Ang malakas na pagkilos ng mga NGO/CBO; at mga pinalakas at may aktibong partisipasyon na mga komunidad - ay nag-aambag sa proseso ng demokratisasyon ng anumang lipunan.

Ang mga komunidad at ang kanilang mga organisasyon o samahan ay nangangailangan ng mga pagkukunang yaman (lalo na ng pera) para makapagpatupad ng kanilang mga aktibidad. Dahil dito, napakahalaga ng pagkuha ng pagkukunang yaman para sa minimithing paglakas ng komunidad. Kapag ang isang aktibidad ay makabuluhan, at ang mga tao ay tunay na susuporta dito, makakakuha ng suportang pinansiyal para dito.

1.1 Pagbibigay-buhay (Animation) at Training para sa Pamamahala ng Komunidad:

Ang "animation" o pagbibigay buhay ay ang pagkakaisa at pagmomobilisa ng komunidad na gawin (bilang isang grupo) ang gusto nitong gawin. Para isagawa ang kanilang hangarin, kailangang gumamit ang komunidad ng mga pagkukunang yaman (o input).

Ang Training para sa Pamamahala ng Komunidad ay gumagamit ng mga pamamaraan sa pagsasanay sa pamamahala na lalong magpapagaling sa animation o mobilisasyon para lalong madagdagan ang kapasidad ng komunidad o ng CBO sa pagdesisyon, pagplano at pangangasiwa ng sariling pag-unlad. Ang pagkakamit ng mga pagkukunang yaman at pagbawi ng gastos ay bahagi ng training.

Ang mga pagkukunang yaman o resources ay maaaring pinansiyal o hindi ngunit ang mga input na hindi pinansiyal ay maaaring sukatin bilang pera kung wasto ang pagpresyo upang ang suma ng mga resources ay maisaad bilang pera. Tutuklasin sa dokumentong ito ang ilang pagmumulan ng pondo para sa mga proyekto sa komunidad.

1.2 Ang Pakay ng Dokumentong Ito:

Ang dokumentong ito ay para sa inyo at sa amin. Ang mga mungkahi at patnubay ay mga payo kung ano ang dapat nating gawin.

Hindi ito mga istriktong patakaran o regulasyon. Maging sensitibo sa paggamit nito at ibagay sa situwasyon. Dapat ninyong alamin ang mga kakaibang kultural at sosyal na katangian ng komunidad at maging sensitibo sa mga pinahahalagahan at kaugalian sa mga komunidad na inyong pinagtratrabahuhan. Kaya ang mga patnubay ay dapat na baguhin agad sa kada komunidad para maiakma ito sa mga nagkakaibang situwasyon ng bawat komunidad.

1.3 Ang Pananalapi ay Pinagkukunang Yaman:

Kapag pinag-uusapan natin ang pagpopondo ng mga proyekto sa komunidad, tinutukoy natin ang perang kailangan para maipatupad ang proyekto. Kung ang mga tiyak na layunin o hinahangad na resulta ay tinatawag na output ( gaya ng pagtatayo ng silid-aralan, pagkumpuni ng balon), ang mga ipinapasok o ginagamit sa proyekto (gaya ng lupa, trabaho, pera, materyales sa konstruksyon, mga kagamitan) ang tinatawag na input. Ang komunidad o CBO ang dapat na kumilala, tumukoy ng pagkukunan at magmobilisa ng mga input.

Ang ilan sa mga input na ito ay donasyong pera. Ang iba ay iniambag na trabaho, pagkain para sa mga boluntaryong trabahador, kagamitan, payo at training, lupain, materyales gaya ng buhangin at marami pang iba.

Kahit na ang mga donasyong hindi pera ay walang kaakibat na gastos, mahalagang himukin natin ang komunidad na bigyang ng halagang pera ang mga donasyong ito.

Sa pagkalkula ng mga gastos (input) ng proyekto sa komunidad, ang halaga sa pera ng lahat ng mga donasyong hindi pera (resources) ay dapat kalkulahin para maitala ng wasto ang panloob laban sa panlabas na pinagkukunang yaman.

2. Ang Layunin ng Pagbawi ng Gastos ng Komunidad:

Mahalagang aktibidad ang pangangalap ng pagkukunang yaman. Ang mga taong nagsasagawa nito ay malaki ang kontribusyon sa pagpapalakas (pagbibigay kapangyarihan, pagbubuo ng kapasidad) ng komunidad o organisasyon.

Kung walang pagkukuhanan ng pondo ( at mga input na hindi pera) ang alin mang organisasyon, hindi magtatagal ay hindi na ito makakakilos at tuluyang magsasara.

2.1 Isaisip ang mga Pangkalahatang Layunin:

Ang pagkontra sa pag-asa sa iba ng komunidad ang pangunahing mong pangkalahatang layunin. Laging isipin na ang bawat aksiyon natin ay ginagawa para bawasan ang pag-asa sa iba ng komunidad. Sa pagsasanay ng komunidad o organisasyon nito sa pagkakamit ng pagkukunang yaman, ang animator ay dapat na isaisip ito at kumilos ng naaayon dito. Ang isang donor na ahensiya ay dapat umiwas sa pagbibigay ng anuman sa komunidad ng walang kapalit para hindi umasa palagi sa iba ang komunidad.

Laging palakasin ang loob ng mga mamamayan sa pagsasabi na kayang-kaya nilang isagawa ang proyekto, at naroon lang kayo para magbigay ng ilang tulong at mungkahi, subalit ang trabaho ay sila mismo ang dapat gumawa. Ganundin sa pagpopondo sa proyekto, huwag na huwag kang mag-alok na ikaw mismo ang kukuha ng mga input ng proyekto para sa kanila.

Bilang mga animator o mobiliser, maaari natin silang bigyan ng mga patnubay kung paano mangalap ng pondo at iba pang resources, paano masigurado na ang mga account ay bukas sa lahat at simple, at paano isalin ang mga donasyong hindi pera bilang input na pera.

Subalit dapat nating bigyang-diin na ang aktuwal na pagkuha ng mg mga resources ay dapat gawin ng komunidad o ng organisasyon ng komunidad ( executive committee) na nagtratrabaho para sa kapakanan ng komunidad, at hindi ng animator o trainer.

Tandaan na walang komunidad na natural na may pagkakaisa.. Mayroong mga pagkakahati-hati at hindi pagkakaisa sa bawat komunidad.(1). Lahat ng aksiyong gagawin natin ay dapat na tumulong sa pagpapalaganap ng pagkakaisa sa komunidad.

Talababa (1): Ang mga pagkakahati-hati sa komunidad ay maaaring base sa: angkan, relihiyon, antas sa lipunan, kinikita, edukasyon, pag-aari ng lupa, lahi, idad, kasarian, at iba pa. Ang antas ng pagpapaubaya sa pagitan ng mga pangkat na ito ay maaari ding mag-iba dahil sa iba't-ibang dahilan. Tungkulin natin magtrabaho sa paraang mababawasan ang mga hindi pagkakaunawaan, pabutihin ang pagkakaisa at katapatan sa komunidad, at daigin ang pagkakahati-hati sa komunidad.

Kapag tayo ay nagmumungkahi kung paano makakuha ng mga resources para sa proyekto sa komunidad, huwag nating ipilit ang isang partikular na istratehiya; ang ilang istratehiya ay baka makadagdag sa paghahati-hati sa komunidad. Dapat tayong magmungkahi at magpayo, at siguraduhin nating nakikinig tayo sa sinasabi ng mga mamamayan (lalo na sa mga tahimik) at tuklasin natin kung may mga negatibong damdamin tungkol sa ilang istratehiya na baka magbunga sa hindi pagkakaisa.

2.2 Bakit Natin Nilalabanan ang Pag-asa sa Iba?

Habang lumalaki ang kanilang populasyon, ang mga gobyerno ay paunti ng paunti ang pagkukunang yaman kada tao sa bawat taon. Kaya talagang hindi na maaaring umasa ang mga komunidad sa sentrong pamahalaan para sa kanilang mga pasilidad at serbisyo. Ganundin sa mga internasyonal na donor: ang mga gobyerno ng mayayamang bansa, UN, World Bank, internasyonal na NGO, wala silang sapat na pagkukunang yaman na maibibigay sa lahat ng mahihirap na komunidad sa mundo, gaano pa man karapat-dapat ang pangangailangan.

Dati nang inisip na ang pag-asa ng komunidad sa sarili ay mabuti dahil sinusulong nito ang demokrasyang mula sa tao ( grass roots democracy), karapatan ng tao, pagpapaunlad sa sarili (self development) at dignidad ng tao; pero ngayon, mas malayo na ang narating nang kaisipang ito. Kung ang mga komunidad ay hindi magiging mas depende sa sarili at magkakaroon ng kapangyarihan, hindi sila uunlad kung kaya't hindi maglalaon, ang kahirapan at kawalang-bahala ang sisira sa kanila.

Ang lumang sistema ng pagkakaroon ng patron (o "pork barrel") na kung saan ang mga politiko at opisyal ay nagbibigay ng kontrata at serbisyo sa komunidad sa mga taong sumuporta sa kanila, ay isinusulong ng "pagbibigay" ng mga pasilidad at serbisyo. Ang mga lider na ito ay dapat magbago o palitan ng tunay na demokratikong tagapaglingkod sa publiko na nagtataguyod ng pag-asa sa sarili ng komunidad.

Kung ang isang tagalabas na ahensiya, maging ito ay sentrong gobyerno, internasyonal na NGO o isang misyon, ay dumating sa komunidad at nagtayo ng mga pasilidad (gaya ng poso o balon), natural lang sa komunidad na isiping ang proyekto ay pag-aari ng tagalabas na ahensiya. Kapag umalis na ang ahensiyang iyon o naubusan sila ng pondo, ang mga mamamayan ay walang motibasyon na kumpunihin at imentana ang pasilidad o ipagpatuloy ang serbisyo. Para magamit ang pasilidad , at magamit ito ng epektibo ng mga mamamayan, at para mamentana at maitaguyod ang pasilidad, ang mga mamamayan ay dapat na makadama ng responsibilidad ( o pag-aari) sa pasilidad.

Kung minsan, ang pagkakaroon ng responsibilidad ay tinatawag na "pagiging may-ari" ng komunidad. Walang responsibilidad at pag-aari ng proyekto kung ang buong komunidad ay hindi kasali sa pagdedesisyon tungkol sa pasilidad (pagplaplano at pamamahala) at kusang-loob na nag-ambag sa mga gastos sa pagpapatayo nito. Hindi magiging epektibo ang paggamit nito, at hindi rin ito mamementana at maitataguyod.

Imposibleng akalain na maaaring magtayo ng pasilidad o serbisyo na hindi nangangailangan ng pagkukumpuni o pagmementana. Para kang nag-isip na pag kumain ka ng minsan ay tapos na, hindi mo na muling kailangang kumain.

3. Mga Uri ng Pagbawi ng Gastos:

Ang isang komunidad, isang lider ng proyekto, o anumang organisasyon, ay maraming mapagpipiliang pagkukunan ng pondo para sa kanilang mga aktibidad. Pinapayuhan namin ang anumang grupo na maghanap ng maraming ibat-ibang pagmumulan ng pondo, at gamitin sa abot ng makakaya ang mga panloob na pagkukunang yaman. Makakabawas ito sa pag-asa sa alinmang donor.

3.1 Bayad sa Serbisyo vs. Donasyon:

May pondong bayad sa serbisyo at may pondong donasyon o ibinigay na walang kapalit na benepisyo sa nagbigay.

Ang mga bayad sa serbisyo ay maaaring "flat rate", gaya ng pare-parehong bayad sa tubig ng mga pamamahay na tumatanggap ng tubig mula sa pasilidad sa komunidad. Maaari din itong "piece rate", kung saan ang bayad sa tubig ay depende sa dami ng tubig na ginamit.

Maaaring mas akmang paraan ang bayad sa serbisyo kung ang serbisyo ay makikita ng lahat ng gumagamit. Kadalasan itong kinokolekta para makumpuni at mamentana ang pasilidad.

3.2 Mga Donor vs. Mga Donor na Ahensiya:

Ang mga pondong ibinibigay ng walang hinihintay na kapalit ay maaaring manggaling sa publiko o sa mga donor na ahensiya. Ang mga donasyon ng publiko ay kadalasang hindi iniuukol sa mga tiyak na aktibidad ng komunidad. Tingnan Pangangalap ng Pondo.

Ang mga donor na ahensiya ay mga organisasyon, na bukod pa sa ibang aktibidad, ay nagbibigay ng pondo sa iba pang organisasyong nagpapatupad ng proyekto. Ang mga donor na ahensiya ay maaaring malalaking kawanihan gaya ng World Bank, UN, mga ahensiya mula sa mga malalaki at mayamang bansa o sa gobyerno; o maliit na lokal na organisasyon, gaya ng grupo ng simbahan na gustong magbigay para isang napiling lokal na proyekto.

3.3 Mga Pagkakatulad ng Mga Prinsipyo:

Halos pareho ang mga prinsipyo ng pangangalap ng pondo mula sa maraming uri ng pagkukunan ng pondo, subalit ang mga teknik ay nagkakaiba. Halimbawa, ang pangangalap ng mga hindi ipinangakong donasyon mula sa publiko ay kadalasang dinadaan sa pamamagitan ng pagluhog o pag-apela.

Ang paghingi ng pondo mula sa mga donor na ahensiya ay kakaiba dahil kadalasan kailangang may detalyadong disenyo ng panukalang proyekto, at ito ay nakapaloob sa isang pormal na proposal o panukala (paghiling ng pondo) para sa donor na ahensiya. Kailangang tandaan dito na, maaaring ang panlabas na anyo ng pamamaraan ay magkaiba, subalit ang prinsipyo ay pareho.

3.4 Mga Donasyon:

Anumang kontribusyon mula sa kanino mang indibiduwal o grupo ay donasyon. Ang donasyon ay maaaring pera, lupain, payo, mga gusali, mga ideya, trabaho, mga kagamitan at kasangkapan, na ibinigay ng mga indibiduwal, grupo o organisasyon na gustong sumuporta sa komunidad.

3.5 Panloob vs. Panlabas na Pagkukunang Yaman:

Ang mga panloob na pagkukunang yaman ay iyong mga galing sa mismong komunidad na nagsasagawa ng proyekto. Ang mga panlabas ay iyong mga galing sa labas ng komunidad.

Ang mga panlabas na pagkukunang yaman ay maaaring manggaling mula sa mga internasyonal na donor ( mga gobyerno, NGO o multilateral gaya ng UN) o mga donor mula sa sariling bansa ( sentral at distritong pamahalaan, NGO).

Mas independente ang isang komunidad kung ang mas malaking bahagi ng proyekto ay gumagamit ng mga panloob na pagkukunang yaman. Hindi natin nilalalayon na maging lubos na independente ang isang komunidad ( imposibleng mangyari ito sa larangan ng ekonomiya), sapat na na mabawasan ang pag-asa sa iba at pagwawalang- bahala ng mga mamamayan. Kung ang isang komunidad ay katuwang ng pamahalaan (sentral o distrito) at NGO, at hindi dinidiktahan ng mga ito, maaari nating sabihing sila ay "interdependent" o umaasa/tumutulong sa isa't-isa.

Kung ang komunidad ay maraming pagkukunan ng input, mas malamang na magiging mas independente ito o hindi gaanong kontrolado ng isang donor.

4. Mga Pinagmumulan ng Pondo:

Ang komunidad ay maraming potensyal na mahihingan ng pondo at iba pang kagamitan. Ikaw, bilang mobiliser, ay hindi dapat mangalap ng pondo para sa kanila, manapa'y itaguyod mo ang pagpapalakas sa kanila, payuhan mo sila ukol sa pangangalap ng mga pondo.

4.1. Bayad sa Paggamit at mga Gastusin sa Pagmementana:

Hindi tulad ng mga boluntaryong kontribusyon na kung saan ang donor ay hindi naghahanap ng benepisyo mula sa ibinigay nilang pera, ang paggamit ng pasilidad o pangtanggap ng serbisyo ay may kapalit na bayad.

Ang "flat fee" ay ginagamit kapag ang benepisyaryo ay regular na nagbabayad (halimbawa buwanan) sa tinatanggap ng serbisyo gaya ng tubig.

Ang "piece fee" o bayad kada piraso ay ang bayad sa bawat unit ng serbisyo o bagay na ginamit, gaya ng halaga sa piso ng bawat balde ng tubig o bawat bisita sa klinika. Para itong pagtitinda, ngunit hindi para magkaroon ng tubo, ngunit para kumita para sa gastusin ng proyekto, at ito'y dinadagdagan ng iba pang pondo na maibibigay ng donor.

Katulad ng iba pang pagmumulan ng pondo ng komunidad, ang pagsisingil ng bayad ay kailangang gawin ng matapat, makatarungan, walang pinapaburan o kinikilingan, bukas at matutuos ng maayos.

4.2. Mga Disenyo at Panukala ng Proyekto:

Ang mga donor na ahensiya ay kadalasang humihingi ng pormal na panukala na nagpapakita ng isang maayos na naplano at nadisenyong proyekto. Tingnan natin ang ilang uri ng mga donor na ahensiya.

4.3 Mula sa Pamahalaan:

Kasama dito ang mga pondo mula sa pambansa, panlalawigan, pandistrito, panlunsod at lokal na pamahalaan. Maaaring kasama dito ang partisipasyon ng komite ng distrito.

Ang mga panukalang isinumite sa mga ito ay kailangan sumunod sa mga patakaran ng gobyerno.

4.4 Mga Organisasyong Hindi Pampamahalaan [Non Governmental Organizations (NGO)]:

Kasama dito ang mga samahang nakabase sa komunidad, mga simbahan, mga internasyonal na NGO at iba pang ahensiya, mga grupo o organisasyon na walang kinalaman sa pamahalaan.

Kadalasan ay mga organisasyon silang hindi nagnanais na kumita o tumubo (non-profit) hindi tulad ng mga komersyal na organisasyon. Makakatulong sa paghingi ng pondo mula sa mga NGO ang kakayahan sa pagsulat ng panukala.

4.5 Mga Embahada at Mataas na Komisyon (High Commissions):

Ang mga embahada ay kadalasang may pondo para sa maliliit na proyekto ( gaya ng Canada Fund, SNV ng Netherlands ) na maaaring aplayan ng mga CBO at lokal na NGO. Bilang mga mobiliser at animator, tandaan natin na hindi tayo ang tagakalap ng pondo. Katungkulan natin ang magbigay ng mga introduksyon sa komunidad, magsagawa ng training sa pagsulat ng panukala, at hayaan nating ang mga komunidad mismo ang mangalap ng pondo.

Sa ngayon, dumarami ang mga mayayamang bansa na may pondo para sa mga maliliit na proyektong base sa komunidad. Makipag-ugnayan sa mga embahada o konsulado at humingi ng detalye kung paano makakapag-aplay sa kanilang pondo.

5. Mga Teknik Para sa Mabisang Pagsusulat ng Panukala:

Ang seryeng ito ay may ilang dokumento, pati na mga patnubay at handout sa training, ukol sa mabisang pagsusulat ng panukala. Binibigyang diin ang "mabisa" dahil sa ang isang magandang (maayos at magandang tingnan) panukala na hindi makakakuha ng pondo ay walang silbi, maski pa napakaganda ng pagkakagawa nito.

Ang panukala ay dapat na isulat na "sariwa" at orihinal, na may input mula sa lahat, sa tuwing nagplaplano ng proyekto. Huwag kang kokopya ng ibang panukala dahil ang pagkopya ay nagtataguyod ng katamaran at pag-asa sa pag-iisip ng iba.

Ang balangkas ng panukala ay may sinusundang lohikal na ayos na kung saan ang bawat kapitulo ay may kaugnayan sa nakaraang kapitulo at may takbo ng argumento mula sa simula hanggang sa katapusan. Ang mga detalye na maaaring makasira mula sa maayos na takbo ng argumento ay inilalagay sa kalakip. Narito ang balangkas:

Ang Problema (Background)
Ang Solusyon (Pangkalahatang Layunin)
Mga Tiyak na Layunin (Tiyak, Mapapatunayan)
Mga Pagkukunang Yaman (Potensyal, Aktuwal)
Mga Istratehiya (Maglista ng Ilan at Pumili ng Isa)
Pagsubaybay (Suriin ang Progreso)
Pag-uulat (Pagbibigay-alam ng Progreso)
Abstrak (Buod) (Ilagay sa Unahan)
Mga Kalakip (Mga Detalye, Badyet, Listahan)


Tingnan Mga Panukala, at Handout ng Panukala. Ang mga detalye ng panukala ay maaaring magkaiba; ang nasa itaas ay isang karaniwang patnubay. May ilang donor na ahensiya na may mga tiyak na hinihinging impormasyon at may pormat na pinasusundan. Mahalaga na ang bawat kapitulo ay may kaugnayan sa iba, at ang buong panukala ay dapat na dumaloy bilang isang tuluy-tuloy na argumento.

Konklusyon:

Anuman ang ating mga aksiyon para itaguyod at tulungan ang mga komunidad na planuhin at isagawa ang sarili nilang mga proyekto sa komunidad ( pati na ang pagkalkula ng mga pangangailangan sa pananalapi), isaisip mo at hayaan mong maging patnubay ng iyong mga aksiyon ang mga sumusunod:

  • Tandaan at magtrabaho tungo sa pangkalahatang layunin (pagbawas ng pag-asa sa iba);
  • Magpayo, magmungkahi, magsanay, magtaguyod, magbigay ng papuri, magbigay ng kaalaman; at
  • Huwag mangako, huwag magsustento at huwag magdikta.

Ang pagkuwenta ng mga gastusin ng proyekto sa komunidad ay dapat na matapat at tumpak, at ang mga estimasyon ay dapat na magbigay ng tamang halaga ng mga kontribusyong hindi pera ng komunidad.

Kapag nagmomobilisa ng komunidad para magsagawa ng proyekto sa komunidad, himukin natin silang kumilala ng iba't-ibang pagkukunang yaman mula sa labas ng komunidad ( para mabawasan ang pag-asa sa tulong ng iisang donor), at kumilala at magmobilisa ng maraming ( na kadalasan ay nakatagong) pagkukunang yaman sa loob ng komunidad.

Ang pangangalap ng pondo para sa proyekto sa komunidad ay isang marangal at mahalagang responsibilidad; gawin mo ito ng may sigla, integridad at tiwala sa sarili.

––»«––

© Copyright 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 2009.07.14


 Pangunahing Pahina

 Mga Pagkukunang Yaman ng Proyekto