Pangunahing Pahina
 Pagkukunang Yaman




Mga Salin:

Català
中文 / Zhōngwén
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
हिन्दी / Hindī
Italiano
Português
Română
Türkçe

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Susing Pananalita

Ipagbigay-alam

Mga Dokumento

Mga Magagamit na Link


Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:

Mga Nilalaman:


MGA PRINSIPYO AT TEKNIK NG PANGANGALAP NG PONDO

ni Phil Bartle, PhD

isinalin ni Lina G. Cosico


Dokumentong Reference

Abstrak:

Ang dokumentong ito ay nagbibigay ng mga patnubay at suhestiyon tungkol sa mga paraan at prinsipyo ng pangangalap ng pondo na gagamitin sa pagsasagawa ng mga proyekto sa komunidad.

Ang pangangalap ng pondo ay mahalagang bahagi ng pagpapalakas ng mga CBO, NGO at mga komunidad; kailangan nila ng mga kontribusyon ( pera o ibang bagay) para maisagawa ang kanilang mga pinaplanong aktibidad. Kaya dapat kilalanin at purihin ang mga nangangalap ng pondo dahil ang kanilang trabaho ay mahalaga at kagalanggalang. Ang pangangalap ng pondo ay dapat pagtulungan ng lahat.

Introduksyon:

Karamihan sa mga teknik at kakayahan sa pangangalap ng pondo ( ang ilan ay kasama dito) ay nagmula sa propesyong "marketing" ( sa totoo lamang, ang pangangalap ng pondo ay madalas na tinatawag na "marketing" ng maraming NGO). Habang ang marketing at kakayahan sa pagbebenta ay mahalaga, kailangang gamitin ito sa isang paraang wasto at moral. Ang bawat nangangalap ng pondo ( bayaran o boluntaryo) ay dapat na kumbinsido at naniniwala sa halaga, integridad at benepisyo ng organisasyon, at mga aktibidad na paggagamitan ng pondo.

Ang mga patnubay na ito ay kailangang baguhin ng bawat komunidad para maging akma sa katangian ng iba't-ibang komunidad.

1. Mga Prinsipyo ng Pangangalap ng Pondo

May pagkakaiba sa pagitan ng mga prinsipyo at teknik ng pangangalap ng pondo. Tinatalakay ito sa dokumentong ito. Ang parteng ito ay tatalakay sa mga prinsipyo.

1.1 Ang Propesyon ng Marketing:

Marami sa mga kakayahan at teknik sa pangangalap ng pondo na ginagamit ng mga NGO at ilang ahensiya ng UN ay nagmula sa propesyong marketing. May ibang tao ( kadalasan ay labas sila o hindi sila matagumpay sa propesyon ng sales at marketing) na nag-iisip na ang gawaing ito ay hindi marangal at hindi mapagkakatiwalaan. Maaaring totoo ito para sa ibang gumagawa nito, subalit hindi kailangang ganito ang mangyari, at kadalasan ay hindi ganito ang nangyayari. Kung ang isang propesyonal sa sales at marketing ay tapat na naniniwala sa halaga ng kanyang produkto, makakapagbenta ng tapat at marangal.

Ang mga prinsipyo ng katapatan at karangalan ay kailangan sa pangangalap ng pondo. Ang pangangalap ng pondo ay dapat na maging responsibilidad ng lahat ng miyembro ng organisasyon, kahit na sa iba't-ibang paraan. Hindi ito dapat ipaubaya lamang sa mga propesyonal. Dahil dito, lahat tayo ay dapat matuto ng mga prinsipyo at teknik ng pangangalap ng pondo. Unang-una, ang nangangalap ng pondo o fund raiser, ay dapat na kumbinsido sa integridad ng organisasyon at sa benebisyo at kahalagahan ng mga aktibidad o proyekto ng organisasyon. Ang mga potensyal at dati nang donor ay madaling nakikita ang kasinungalingan at kawalan ng katapatan pati na ang paggamit sa ibang paraan ng kanilang mga ibinigay na pondo o kagamitan.

1.2 Pagkilala ng mga Donasyon sa Publiko:

Dapat kilalanin sa publiko ang mga donasyon. Maraming mga donor ang gumagamit ng kanilang mga donasyon para maging bantog at kagalang-galang sa kanilang mga komunidad. Maliit na halaga lamang ang purihin ang mga donor. Siguraduhin na ang mga komunidad na ating tinutulungan ay naiintindihan ang kahalagahan ng pagkilala at pagpuri sa donor sa kanilang pagtataguyod sa komunidad sa pamamagitan ng kanilang donasyong pera o kagamitan.

1.3 Maraming Salamat!

Ang dalawang pinakamahalagang salita sa pagkakamit ng pondo, at matagumpay na pagpapatakbo ng NGO, CBO o proyekto sa komunidad ay, " Maraming salamat!"

Maraming staff ng NGO ang nagtataka kung bakit nawawalan ang tao ng interes sa kanilang mga aktibidad, at wala nang pumapasok na pondo; at ang simpleng dahilan ay matatagpuan sa hindi pagkilala at pagpapasalamat sa mga donor.

1.4 Mga Progress Report:

Bukod pa sa simpleng "salamat", gusto ring malaman ng mga donor kung ano ang naging resulta ng ibinigay nilang pondo. Ang pinaka-epektibong pasasalamat ay ang pagbibigay ng progress report. Sa mga donor, mas interesado sila sa resulta ng inyong mga aktibidad kaysa sa mismong aktibidad. Naabot ninyo ba o medyo naabot ninyo ba ang mga layuning isinaad ng humingi kayo ng pondo? Ang CMP ay nakapaghanda na ng ilang dokumento ukol sa pagsulat ng report o ulat; gamitin mo ito at isama ang pagsulat ng report sa pagkuha ng pagkukunang yaman o resources. Ang pangangalap ng pondo (fund raising) at pagsusulat ng report ay hindi magkahiwalay na gawain.

1.5 Integridad:

Kailangang panatilihin ang mataas na antas ng integridad sa kahat ng oras. Naaakma ito sa istruktura at aktibidad ng organisasyon, at lalo na sa pangangalap ng pondo. Isang mahalagang aspeto ng integridad ay ang "full accountability" o buong pananagutan o responsibilidad.

Lahat ng mga aksiyon ay dapat na pinanagutan; lahat ng pondo ay dapat na pinanagutan. Ang ibig sabihin nito ay wasto, kompleto, madaling unawain at tapat ang mga ulat tungkol sa mga aktibidad at aspetong pinansiyal, at ang publiko ay maaaring humingi o magbasa ng ulat anumang oras.

Katambal ng pananagutan (accountability) ay ang pagiging bukas (transparency). Ang grupo ay hindi maaaring may sekretong agenda, at kailangang bukas at tapat tungkol sa lahat ng kanilang gawain at gastusin. Ang tala o rekord ng kanilang mga tinanggap at ginastos na pondo ay dapat na bukas sa anumang oras sa publiko. Hindi maaaring ikompromiso ang katapatan. Ang magagandang layunin ng organisasyon ay hindi dapat makompromiso ng mga kahina-hinalang paraan na ginagamit para maabot ang mga nasabing layunin.

Ang mga taong nagsasagawa nga mga aktibidad ng grupo, kasama na ang pangangalap ng pondo, ay dapat na lubusang naniniwala sa kabutihan ng grupo at mga layunin nito, pati na ng kahalagahan at mga benepisyo ng proyekto. Napakahalaga ng antas ng integridad na ito sa pagsusustena ng grupo, pagtatapos ng proyekto at pagkakaroon ng pakinabang para sa komunidad.

1.6 Ang Kahalagahan ng Positibong Paningin:

Hindi lahat ay isang donor. Ang ilang tao, ahensiya o grupo ay maaari o hindi maaaring magbigay sa komunidad o organisasyon. Kung hindi mo kikilalanin na ang pagkabigo sa pangangalap ng pondo sa isang tao, ahensiya o grupo ay hindi nangangahulugan na ikaw o ang iyong organisasyon ay hindi matagumpay, maaari kang manghina ng loob at sumuko.

Huwag kang sumuko. Hindi mo dapat hayaan ang sarili mo na masiraan ng loob; hindi ito makabubuti sa iyo, sa iyong organisasyon at sa iyong komunidad. Maaari kang makaranas ng walong pagtanggi; huwag kang sumuko dahil baka ang pansiyam at pansampu ang magbigay ng kinakailangang donasyon.

1.7 Pagkalkula at Pagtatala ng mga Pumapasok (Input) sa Proyekto:

Napakahalaga na magmentana ng mga wastong rekord ng lahat ng mga ginamit sa isang proyekto sa komunidad.

Kadalasan, ang ilang donasyon ( lalo na iyong pagtratrabaho ng komunidad, at mga ibinigay na gamit) ay nakakalimutan o hindi gaaanong nabibigyan ng halaga, at ang wastong halaga ng kontribusyon ng komunidad ay mas mataas sa naitala at naiulat. Ang ganitong mababang paghahalaga ay hindi nakabubuti dahil sa: (a) ang mga mamamayan ay nagkakaroon ng mababang pagpapahalaga sa sarili at ito'y nakakabawas sa kanilang ng tiwala sa sarili, (b) ang mga tagalabas na donor ay maniniwala na kakaunti lang ang kontribusyon ng komunidad at magdadalawang-isip sa pagbibigay pamuli ng donasyon o (c) hindi nila malalaman ang halaga ng mga kontribusyon ng komunidad.

Ikaw/tayo ay dapat na siguraduhin na ang CBO o ang komiteng namamahala sa komunidad, na nagplaplano ng proyekto, ay kikilalanin ang halaga ng mga natatagong yaman ng komunidad. Kailangang gawin ng komunidad ang wastong estimasyon ng halaga sa pera ng mga ibinigay ng komunidad para sa proyekto gaya ng - sama-samang pagtratrabaho sa konstruksyon, oras ng mga "skilled labor" tulad ng mga karpintero, mason, atbp., panahon na ginugol ng mga mamamayan at lider para sa mga miting at pagplaplano, pagkain ng mga nagtratrabaho, mga materyal na kinalap sa komunidad o iba pang pisikal na donasyon na hindi pera. Dapat nating himukin ang komunidad na kilalanin at itala ang mga ito. Ang mga estimasyong ito ay dapat isama sa estimasyon ng mga gastos ng proyekto sa proposal, at dapat na itala habang isinasagawa ang proyekto.

Kapag ang lahat ng ginastos sa proyekto ay kinalkula, dapat isama ang lahat - ang perang kontribusyon ng mga donor,lokal at internasyonal, gobyerno at hindi-gobyerno, atbp, pati na ang halaga sa pera ng mga donasyong hindi pera gaya ng gamit, serbisyo o oras at trabaho ng mamamayan.

2. Mga Uri at Pinagmumulan ng mga Donasyon:

Sa parteng ito, ipapaliwanag ang mga donasyon mula sa malawak na hanay ng mga potensyal na donor, maliban sa mga ahensiyang nangangailangan ng pormal na proposal. ( Ang mga ahensiyang ito ay tinatalakay sa dokumentong, Pagkakamit ng Pagkukunang Yaman (Resource Acquisition).

Dahil sa malawak ang hanay ng mga potensyal na donor, malawak din ang hanay ng mga teknik na magagamit sa proseso ng (a) pagkilala sa mga donor, (b) pagpapadala ng mensahe sa kanila, at (c) pangangalap ng mga donasyon. Huwag mong kalimutan ang (d): pagpapasalamat sa kanila.

Isang handout para sa workshop na angkop para sa parteng ito ay ang: Listahan ng Mga Panloob na Pagkukunang Yaman (Internal Resources Checklist).

2.1 Mga Komunidad sa Lunsod vs. sa Nayon:

Batay sa magkakaibang katangian ng mga komunidad, may ilang pagkakaiba sa teknik ng pangangalap ng mga magagamit sa proyekto. Halimbawa, ang mga komunidad sa lunsod ay kadalasang mas malaki at mas marami ang mga grupo-grupo o pagkakahiwalay at hindi pagkakasundo. Ang mga mas maliit na komunidad sa nayon ay mas madaling i-organisa at pag-isahin, pero wala itong garantiya.

Ang mga komunidad sa lunsod ay may mas maraming sosyal na pagkakahiwalay (pagkagrupo-grupo), at mas mahirap na i-organisa kaysa sa mga nasa nayon, subalit ang mga lugar ng mga iskwater o mahihirap ay mas madaling i-organisa kaysa sa mga mayayamang lugar sa lunsod. Mas madaling mangalap ng donasyong pera sa mga komunidad sa lunsod kaysa sa nayon na kung saan ang donasyon ay mas madalas na pagkain o produktong agrikultural.

2.2 Pagdaraos ng Pangangalap ng Pondo sa Publiko:

Maraming anyo ito. Ang malalaking pagdaraos ng pangangalap ng pondo sa publiko ay maaaring magarbo, may mga matataas na opisyal na nagtatalumpati, at mayayamang taong nagbibigay ng malalaking donasyon. Maaaring may ilang banda, mga grupo ng mananayaw, kasama na pati mga mang-aawit at mananayaw mula sa mga paaralan sa komunidad.

Sa silangang Aprika, ang salitang "harambee" ang tumutukoy sa nasabing pagdaraos ng pangangalap ng pondo. (2)

Talababa (2): Ang "harambee" ay hindi palaging kailangang maging pangyayari sa komunidad; sa ngayon madalas itong gamitin ng isang pamilya para makakolekta ng pera para sa gastos sa pag-aaral o pagkakasakit.

Sa kanlurang Aprika, lalo na sa mga nayon, ang pinuno ng nayon ang maaaring mamahala, at ang kasayahan ay maaaring may sayawan, paggamit ng drum at pagsukob ng espiritu mula sa mga lokal na diyos o kulto.

Ang mga ganoong pagdaraos ay maaaring makahikayat sa mga nasa lunsod na bumalik sa kanilang mga probinsiya o nayon, at katulad ng mga burol, ay maaaring may iba pang silbi bukod sa pangangalap ng pondo- gaya ng pagsasamang muli ng mga umalis sa kanilang nayon at ng mga taganayon. Sa ganitong paraan, kahit hindi na sila nakatira sa nayon, napapanatili pa rin nila ang kanilang pagiging miyembro ng komunidad.

2.3 Mga Tagalunsod na Donor ng mga Komunidad sa Nayon:

Ang mga migrante sa lunsod ay pinananatili ang kanilang kaugnayan sa kanilang pinagmulang komunidad. Maaari itong samantalahin ng mga CBO. May maliit na porsiyento ng mga migrante ang yumayaman sa lunsod, at maaari silang kumbinsihin na mang-ambag sa pagsusulong ng kanilang komunidad. Ang katok ng konsiyensiya dahil sa wala sila sa kanilang bahay/nayon, o katapatan sa lupang tinubuan, ay maaaring magresulta sa ilang malaking donasyon mula sa mga mayamang migrante.

2.4 Donasyong Komersyal:

Ang mga donasyong komersyal ay galing sa mga kompanya at negosyo na nagnanais na magpakita ng kanilang magandang loob at pakikisama at suporta sa komunidad. (Dapat silang kilalanin at pasalamatan sa mga miting na pampubliko.) Dapat hikayatin ang komunidad na mag-isip ng mga paraan para makumbinsi ang mga donor na ito na nasa kanilang interes na tumulong sa proyekto (dahil sa ang pagtulong nila ay magreresulta sa mas maraming publisidad at kagandahang loob para sa komersyal na donor).

2.5 Bayanihan (Communal Labour):

Ito ay mahalagang panloob na yaman (kung minsan ay kasama din ang mga tagalabas). Kasama sa bayanihan ang oras at pagpapawis ng mga mamamayan - mayroong hindi na kailangan pang pag-aralan o pagsanayan (paggapas ng damo, paghahakot), mayroong gawain ng mga may kaalaman (karpintero, mason), pamamahala o pamumuno at pakikilahok sa mga miting, pagplaplano at pagsasagawa.

Mahalagang himukin natin ang mga nagplaplano ng proyekto sa komunidad na maging maingat sa kanilang pagbibigay halaga (sa pera) sa inambag na trabaho ng mga mamamayan. Kadalasan ito ay mababa kaysa tunay na halaga, dahil sa kawalang-alam sa halaga nito o, mas malamang ay indikasyon ito ng mababang antas ng tiwala sa sarili o mababang pagpapahalaga sa komunidad ng mga mamamayan.

Kung minsan, may mga mamamayan na ayaw magsiwalat ng mga yaman ng komunidad dahil sa mali nilang akala na makakatanggap lang sila ng tulong sa mga tagalabas kung ang mga ito ay maniniwalang sila ay mahirap na mahirap, at kung aakalain ng mga donor na marami nang sariling pagkukunang yaman ang komunidad ay hindi na magbibigay ng pondo ang mga ito. Kailangan nating siguraduhin na nauunawaan ng mga mamamayan na mas malamang na makakakuha sila ng tulong sa mga tagalabas kung maipapakita nila na mayroon silang mai-aambag na sariling yaman.

2.6 Mga Donasyong Galing sa Bukid:

Ang mga magsasaka ay maaaring magbigay ng pagkain para sa proyekto: (a) sa mga nagbabayani, o (b) sa komiteng namamahala para maibenta at makakalap ng pondo para proyekto. Maaari rin silang magbigay ng iba pang bagay mula sa kanilang lupain (gaya ng kahoy, buhangin, apog, atbp) na maaaring direkto o hindi direktong magagamit sa proyekto.

2.7 Paghahanda ng Pagkain bilang Donasyon:

Halimbawa ay nagbigay ng bigas ang isang magsasaka, kailangan pa rin itong lutuin para makain. Samakatuwid, donor din ang mga taong naghahanda ng pagkain at pamatid-uhaw para sa mga nagbabayanihan. Huwag mong kalimutang pasalamatan ang mga nagluluto at nagsisilbi ng pagkain sa mga trabahador.

2.8 Mga Kontribusyon at mga Pangako:

Sa mga pagdaraos ng pangangalap ng pondo para sa komunidad, maaaring may magbigay ng kontribusyon o mangako na magbigay ng pondo.

2.9 Mga Ripa at Loterya:

Ang mga ripa (raffle) at loterya ay mas angkop sa mga malalaki at establisadong NGO sa lunsod kaysa sa mga bago at maliit na CBO sa nayon.

2.10 Mga Donor na Ayaw Magpakilala:

May mga donor na ayaw magpakilala (anonymous) bunsod ng kanilang sariling ideyolohiya o relihiyon at mas minamabuti nila ang kawalan ng publisidad.

Konklusyon:

Kung ano man ang ating mga aksiyon sa paghimok at pagtulong sa mga komunidad na magplano at magsagawa ng kanilang proyekto sa komunidad (kasama na ang pagkalkula ng mga pagkukunan ng panggastos) dapat nating isaisip sa lahat ng panahon at gawing patnubay ng ating mga aksiyon ang mga sumusunod:

  • Tandaan at magtrabaho tungo sa pangkalahatang layunin (pagbawas sa pag-asa o pagtangkilik ng iba)
  • Magpatnubay, magmungkahi, magsanay, maghimok, magbigay puri, magbigay ng kaalaman; at
  • Huwag mangako, huwag magbigay at huwag magdikta.

Ang kalkulasyon ng mga gagastusin sa proyekto sa komunidad ay dapat na makatwiran at wasto, at ang mga estimasyon ng mga donasyon ng komunidad na hindi pera ay dapat na hindi mababa sa tunay na halaga. Kapag nagmomobilisa ng mga mamamayan para magsagawa ng proyekto sa kanilang komunidad, dapat natin silang himukin na kilalanin ang iba't-ibang mahihingan ng tulong sa labas ng kanilang komunidad ( para hindi sila laging umaasa sa iisang donor), at kilalanin at mobilisahin ang marami ( na madalas ay nakatago) nilang sariling pagkukunang yaman.

Ang pangangalap ng mga magagamit para sa isang proyekto sa komunidad ay isang marangal at mahalagang responsibilidad; gawin mo ito na may sigla, integridad at tiwala sa sarili.

––»«––

Paggawa ng Laryo para sa Proyekto ng Komunidad:



Paggawa ng Sabon

© Copyright 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 30.05.2011


 Pangunahing pahina

 Mga Pagkukunang Yaman ng Proyekto