Pangunahing Pahina
 Kamalayan
fc




Pagsasalinwika

'العربية / Al-ʿarabīyah
Bahasa Indonesia
Català
中文 / Zhōngwén
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
Italiano
Kiswahili
한국어 / Hangugeo
بهاس ملايو / Bahasa Melayu
Português
Română
Tiếng Việt
اردو / Urdu

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Mga Keyword

Ipagbigay-alam

Ginagamit na mga Dokumento

Mga Magagamit na Link

Nilalaman:

Nilalaman:

Nilalaman:

Nilalaman

Nilalaman

Nilalaman

MGA PAMAMARAAN SA PANGKASARIANG STRATEHIYA

Gawa ni Phil Bartle, PhD

Isinalin sa Tagalog ni Kristine Mae Escuril


Mga Paalala para sa mga tagapagpakilos

Mga Pamamaraan na makakatulong sa mga tagapagpakilos upang palaganapin ang kamalayan sa kasarian at sa pagtataguyod ng balanse sa kasarian

Abstract:

Ito ay isang panimula sa mga mahahalagang isyu tungkol sa kasarian at ilang mga pamamaraan na maaring gamitin ng mga tagapagpakilos ng pamayan na nasa iba't ibang lugar.

Panimula:

Ang dokumentong ito, gaya ng karamihan sa site na ito, ay nakatutok sa mga pampamayanang tagapagpakilos, at hindi isang haka-haka lamang o isang paksa na tinatalakay sa paaralan

Layunin nito na bigyan ng ideya ang isang manggagawa sa ilang mga isyung may kinalaman sa kasarian, at tulungan ang tagapagpakilos sa paglinang ng mga kakayahan upang palaganapin ang kamalayan sa kasarian at akayin ang mga pamayanan at ang kani-kanilang mga organisasyon patungo sa pagpapalaganap ng balanse at pagkakapantay-pantay sa kasarian.

Ayon kay Mary Nagu, ang Kagalanggalang na Ministro ng Pampamayanang Paglinang, Pangkababaihang Kapakanan at Kabataan, para sa Demokratikong Republika ng Tanzania, "Hindi maaring makamit ang tunay na pagsulong ng pamayanan kung walang balanse sa kasarian, at ang pinakamahalagang elemento sa pagkamit ng balanse sa kasarian ay ang partisipasyon ng pamayanan." (Personal Communication, Istanbul, 1996)

Ang gawaing pampamayanan ay isang mainam na paraan sa pagpapalaganap ng kamalayan tungkol sa mga isyung pangkasarian, at sa pagbabalanse sa ilang mga hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Sa aspetong panlipunan, ang gawaing pampamayan ay masasabing kulang kung hindi mapapalaganap ang kamalayan sa kasarian pati na rin ang pagtataguyod ng balanse sa kasarian.

Kaibahan ng Kasarian (Gender) sa Sex

Ilang mga grupo na pumapanig sa pagkalupig ng mga kababaihan ay nagsasabing ang salitang "kasarian" ay hindi isang lehitimong salita, na ginawa lamang upang sirain ang kinagisnang panlipunang istraktura. Ngunit ito ay mali, at makatutulong para sa tagapagpakilos ang malaman ang ilang mga bagay tungkol sa salitang "kasarian", bakit ito ginagamit, at ang halaga nito sa paglinang ng kakayahan, pagpapalaki ng kita at ang pagsasakapangyarihan ng mga pamayanang may maliit na kabuuang kinikita.

Isang magandang panimula ang malaman ang kaibahan ng salitang "sex" at "kasarian."

Ang salitang sex ay masasabing biyolohikal at ang kasarian ay may kinalaman sa panlipunang aspeto. Ang mga biyolohikal na katangian ay naipapasa at napananatili sa susunod na salinlahi sa pamamagitan ng mga "genes" (at pagsususpling) samantalang ang mga katangiang panlipunan ay natututuhan, naipapasa at napananatili (sa pamamagitan ng mga simbolo at hindi genes) sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan at pag-aaral.

Ang mahalagang nagbubukod sa lalaki at babae ay maiuugnay sa sex, samantalang sa kasarian, ito ay sa pagitan ng "panlalaki" at "pambabae." (Ayon sa isang pagsasaliksik,ang tao ay maaaring magkaroon ng mahigit sa dalawang sex, depende sa kombinasyon ng "chromosomes" ng isang tao.

Ang mga bumubuo sa "panlalaki" at "pambabae" ay pabagu-bago, nagkakaiba-iba depende sa kultura ng isang bansa, at nag-iiba sa bawat panahon ng kasaysayan. Ipinapahiwatig nito na ang mga katangiang panlipunan (panlalaki at pambabae) na ating pinapakita sa ibang tao, na may kinalaman sa kanilang pisikal na katangian, ay naayon sa kinagisnang nating kultura at ito ay maaaring mabago sa pamamagitan ng iba't ibang pamamaraan ng pagsulong at pagpababagong panlipunan.

(Ang ating biyolohikal na katangian ay natatalaga sa pamamagitan ng ating "genetic inheritance" o ang pinagmulan ng ating lahi, at ito'y napapalitan, ngunit may kahirapan, sa pamamagitan ng operasyon, pag-inom ng iba't ibang gamot at iba pang mga pisikal na pamamaraan.)

Mga Isyu tungkol sa Karapatang Pantao:

Kahit na ang pagpapahalaga sa maraming bagay at pananaw ng mga tao ay iba't iba sa bawat pamayanan, sa bawat bansa, at sa bawat panahon, masasabi nating ang lahat ay may pare-parehong batayan tungkol sa tama at mali sa ibang malawak na konsepto.

Ang diskriminasyon laban sa ilang mga tao ay isang malawak na konsepto at maituturing na mali ng karamihan, ngunit maaari ring makakilala ng mga taong may ganitong pananaw at paniniwala. Ang pinakamahalagang paniniwala sa ganitong uri ng diskriminasyon ay nag-uugat sa mga pisikal na katangian (kulay ng balat, buhok, pangangatawan), at ang taong naniniwala sa ganitong pananaw ay ginugrupo-grupo ang mga tao ayon sa kanilang pisikal na katangian. Ang ilang mga katangiang hindi pisikal tulad ng panlipunan, sikolohikal at kultural ay sinasama din sa katangiang pisikal na grupo at doon nagsisimula ang diskriminasyon laban sa ilang mga grupo ng tao. Ilan sa mga paniniwalang may diskrisminasyon sa ilang mga lahi ay: (1) "Lahat ng Negro o maiitam ang balat ay mahilig sa musika," (2) "Lahat ng may mapuputing balat ay mga taong mahilig manghusga ng ibang lahi," (3) Lahat ng Hudyo ay tuso pagdating sa pera," at (4) " Ang ilang mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan, maramot, hayok sa kapangyarihan," at marami pang iba.

Ang mga ganitong uri ng mga pananaw ay kadalasang ginagamit sa hindi magandang pagtrato, pakikitungo at mapanghusgang paraan o upang pagtibayin ang ilang batas na pipigil sa ilang piling grupo na mamuhay ng nararapat sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang mga karapatang sibil. Sa masusing pagsusuri, masasabing ang diskriminasyon sa kasarian ay maihahalintulad din sa diskriminasyon ng lahi. It ay ang pagbibigay ng mga pananaw na binabase sa mga katangian at kaugaliang panlipunan patungkol sa mga grupo ng mga taong may biyolohikal na katangian.

Kung bibigyan-pansin ang mga pandaigdigang kasunduan tulad ng Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao, dito natin makikita ang mga pare-parehong pananaw at kaugalian na may kaugnayan sa ating layunin. Ilan sa mga ito ay ang ideyang ang lahat ng tao ay pantay-pantay ang karapatan lalo na sa mga serbisyo, oportunidad, batas o pakikisalamuha sa lipunan kahit ano pa man ang lahi, kasarian, relihiyon o iba pang mga bagay na naghahati sa mga tao dito sa mundo.

Ngunit alam din natin na ang ganitong mga pananaw at kaugalian ay kadalasang hindi binibigyan-pansin o kung minsan pa ay hindi talaga alam ng mga tao, lalo na sa mga malalayong lugar, mga pamayanang maliit ang kinikita at may mababang antas ng edukasyon, kung saan tayo pumupunta upang baguhin ang ganitong pananaw. Ang pampamayanang tagapagpakilos at ang nakatagala sa paglinang ng kakayahan ay may mabigat na responsibilidad upang ang mga ganitong pananaw at kaugalian ay malaman, maintindihan at isabuhay ng mga miyembro ng pamayanan dahil ito ay isang bahagi ng proseso sa pagpapakilos ng buong pamayanan.

Mga Isyung Pang-Ekonomiya at Politikal:

Ang lahat ng tao ay maaaring makapagbigay ng kani-kanilang kontribusyon sa pamamagitan ng iba't ibang paraan sa lipunan at pamayanan. Ang pagkakaiba-iba ng bawat kontribusyon ng bawat miyembro ay siyang nagpapatatag ng lipunan at pamayanan.

Kung ang isang grupo ng pamayanan ay nakaugaliang hindi isama ang limampung porsyento ng populasyon sa mga produktibong gawain, samakatuwid, ang pamayanang ito ay nawalan agad ng limampung porsyento ng kabuuang kita na maaaring makakatulong sa pag-angat ng ekonomiya. Dahil sa tinatawag nating "multiplier effect" kung saan ang bawat gawain at desisyon ay nakakaapekto sa mga susunod na gawain at desisyon, ang hindi pagsali ng ilang mga miyembro ng pamayanan sa mga produktibong gawain dahil sa kanilang kasarian ay naglilimita sa pag-unlad ng ekonomiya ng pamayanan ng higit pa sa limampung porsyento. Ito ay nagpapatunay lamang na ang babae at lalaki ay dapat bigyan ng pantay na oportunidad sa bawat gawain na makakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng lipunan at pamayanan.

Kung nakasanayan na o ang isang grupo ng mga tao ay laging hindi sinasali ang kalahati ng kanyang populasyon sa paggawa ng mga desisyong politikal (tulad ng mga desisyong makakaapekto sa buong pamayanan o lipunan), samakatuwid, nababawasan agad ang mga posibleng desisyon na maaaring makamit. Ang mga bagay na maaaring makamit ng isang pamayanan o lipunan para sa sarili nitong kinabukasan ay limitado. Ang halaga nito ay naisasawalang bahala na lamang. Kaya nararapat lamang na isama ang mga kababaihan at bigyan ng pantay na karapatan sa paggawaq ng mga desisyong politikal ng kahit na anong lipunan o pamayanan.

Ipagpalagay na lamang natin na ang mga kalalakihan naman ang hindi makikibahagi sa kanit na anong gawaing may kinalaman sa ekonomiya o sa paggawa ng mga desisyong makakaapekto sa politikal na aspeto ng bansa. Makikita natin na kung ito ay paiiralin, magkakaroon din ng kakulangan sa bawat aspeto dahil kalahati ng populasyo ang hindi nakibahagi sa kahit ano pa mang gawain. Walang siyentipikong pagpapaliwanag ang nagsasabing mas malaki o mas higit ang naibabahagi ng mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan.

Ang mga taong hindi pinapayagang makibahagi (mga kababahihan) ng lubos sa pulitika at sa ekonomiya ay kabilang pa rin sa pamayanan o lipunan na maaaring pagmulan ng mga kakayahan at hindi dapat binabalewala sa paglinang ng isang organisasyon, pamayanan o lipunan. Kung wala sila, ang kahirapan ay mas hihigit pa.

Ang isang pamayanan ay magiging mas matatag sa aspetong politikal at pang-ekonomiya, mas produktibo, mas masigla, mas malikhain, kung ang mga kalalakihan at kababaihan ay parehong bibigyan ng pantay na oportunidad upang makibahagi sa sarili nitong ekonomiya at politikal na buhay.

Mga Isyung Pang-kultura

Sa isang pampamayanang workshop o pagsasanay na pinapangunahan ng dalawang batang babae mula sa Ministro ng Kasarian ng Uganda (sa ngalan ng ating programa tungkol pagtataguyod ng pamayanan), narining ko ang isang matandang lalaki na sinabing "Pinapatay nyo ba ang aming kultura?" Siya ay kumbinsidong na isang tradisyon at nararapat lamang na ang mga babae ay sumang-ayon na mas mataas ang mga lalaki sa kanila sa lipunan, na ang mga babae ay hindi dapat makibahagi sa mga paggawa ng mga desisyon sa pamayanan, at ang tungkulin ng mga kababaihan ay ang paglingkuran ang mga kalalakihan."Hindi," ang sagot ng batang babae sa harap ng pagpupulong, "Hindi namin pinapatay ang ating sariling kultura," "Gusto naming pagtibayin pa ang mga magagandang katangian nito at tanggalin na ang mga masasabing wala ng pakinabang sa panahong ito. "

Ikaw, bilang isang tagapagpakilos, ay kailangang handang sagutin ang mga taong makikipagtalo para sa pagpapanatili ng kanilan sari-sariling kultura, iyong mga taong nangangamba na masisira nang tuluyan ang kanilang kultura kung may babaguhing ilang mga kaugalian o katangian.

Kailangang umpisahan sa pamamagitan ng mas malalim na pang-unawa kung ano ba talaga ang kultura. (Pag-aralan kung ano katangian ng kultura sa dokumentong ito, Kultura). Ang kultura ay isang buhay na bagay (organismo), masasabing panlipunan imbes na biyolihikal. It ay binubuo ng lahat ng mga bagay na natututuhan imbes na namamana (kaugalian, paniniwala). Upang manatiling buhay,kailangang nitong magpabago at makibagay sa bago nitong kapaligiran, tulad ng mga buhay na bagay. Ang patuloy na paglaki at pakikibagay ay nangangahulugan ng pagbabago.

Ang lahat ng nakaimbak na ay patay na, wala ng buhay. Ang mga isdang ginagamit sa sardinas ay kailangang mamatay upang mailagay sa lata. Ang mga bagay na nasa museo ay wala na ring buhay. Ito ang mga halimbawa ng mga bagay na hindi na magbabago kaya nga ang mga ito ay itinago na upang maimbak at mapanatiling maayos ang kalagayan.

Tayo, bilang mga tagapagpakilos, ay nirerespeto at iginagalang ang mga tradisyon at kultura ng bawat tao. Ang kultura para sa amin ay isang buhay na bagay, na maaaring magbago, hindi tulad ng wikang Latin. Ngunit, upang mapanatiling buhay ang ating kultura, kailangang nitong magbago at makibagay sa panahon natin ngayon lalung lalo na sa nagaganap na pagbabago ng ating mundo.

Ang pagbabago ay hindi maiiwasan. Kung may pagbabagong magaganap, mas magandang makibahagi tayo sa pagbabagong ito kaysa mabago ang mga nakagawaian natin nga wala tayong partisipasyon. Kung ang batas ay kailangang baguhin, mas mabuting magbago ito tungo sa ikabubuti ng lahat at gawin ito ayon sa Pandaigdigang Deklarasyon ng mga Karapatang pantao, hindi dapat iayon sa mga sinaunang batas.

Kung ating titingnan, kung babalansehin ang partisipasyon ng mga kalalakihan at kababaihan, ito ay masasabi ng ilan na taliwas sa tradisyon, lalung lalo na sa mga lipunan kung saan ang mga kababaihan ay nakaranas ng pang-aapi o diskriminasyon noon. Kung ang pangmatagalang resulta ang bibigyang-halaga, ang pagbibigay ng pantay na partisipasyon sa lalaki at babae ay magdudulot ng mas matatag na pamayanan at lipunan at hahantong sa pagtibay, pag-unlad at pananatiling buhay ng ating kultura.

Ang mga apat na naunang bahagi ng modyul na ito ay nagpapaliwanag sa mga panlipunan at pangkulturang aspeto ng kasarian at pati na rin sa halaga ng paglinang ng balanse sa kasarian upang mapagtibay ang lipunan at mga pamayanan. Ang susunod na mga bahagi naman ay tutulong sa mga tagapagpakilos sa paggawa ng kani-kaniyang mga stratehiya upang matulungan at gabayan ang mga pamayanan sa pagkamit ng pagkakapantay-pantay at balanse sa kasarian.

Pagpapalaganap ng Kamalayan:

Ang isang problema ay hindi masosolusyunan kung hindi natin alam na may problema pala tayong kinakaharap.

Dapat alalahanin na ang mga miyembro ng lipunan at pamayanan ay kailangang lutasin ang kani-kanilang mga panlipunan at pampamayanang problema. Gaya ng lahat ng pampamayanang paglinang, hindi ang tagapagpakilos ang lilinang sa isang pamayanan, ang pamayanan mismo ang lilinang sa sarili nito. Ang suporta, panghihikayat at paggabay ng mga tagapagpakilos ay maaaring magbigay ng direksyon sa paglinang ng pamayanan, ngunit ang pagbabago ay nakasalalay pa rin sa mga miyembro nito.

Marami sa mga miyembro ang hindi nakakapansin na may problemang kailangang lutasin o nagbubulagbulagan na lamang. Maraming miyembro rin ang nakikinabang sa isang hindi makatarungang "status quo" o ang kasalukuyang sitwasyon ng lipunan o pamayanan at anumang pagbabago ay maaaring makaapekto sa kanilang estado at kapangyarihan pati na rin sa kani-kaniyang pansariling interes sa ekonomiya. Ang mga taong may pansariling interes, pang-ekonomiya man o politikal o kahit na panlipunan, ay magsasabing walang problema kinakaharap ang pamayanan o mangangatwiran na ang pagbabago sa mga nakaugaliang paniniwala at gawain ay wawasak lamang sa kultura.

Ang tugon sa unang balakid ay ang pagsuporta ng mga tagapagpakilos sa nasabing hangarin, pagpapalaganap ng kamalayan at paglapit sa lahat ng miyembro ng pamayanan. Ang pagtugon sa pangalawang balakid naman ay tatalakayin sa susunod na bahagi.

Ang paggamit ng mga pamamaraan kung saan ang lahat ng miyembro ng grupo ay maaaring makibahagi ay ang pinakamainam na paraan sa pagpapalaganap ng kamalayan.

Tandaan natin na may natutuhan tayo sa pakikinig, mas marami kapag ito ay nakikita ngunit ang pinakaepektibong paraan ay kung tayo ay bahagi ng gawaing ito, iyon ay ang paulit-ulit na paggawa. Tandaan natin na ang mga miyembro ng pamayanan ay mas magiging responsable sa isang proyekto kung sila mismo ang nagdedesisyon kung ano an mga dapat gawin at hindi nila nararamdaman na may ibang taong hindi bahagi ng pamayanan ang nag-uutos sa kanila na gawin ang bagay o proyektong ito. Dapat nilang maramdaman na sila ang nagmamay-ari ng proyektong kanilang gagawin o ginawa at ginagawa nila ito para sa ikabubuti ng kanilang pamayanan. Ang mga prinsipyong ito ay bahagi ng pampamayanang pagsulong na ipinaliwanag sa Gabay para sa mga Tagapagpakilos.

Ang pangunahing pamamaraan na maaaring gamitin, lalo na sa mga panggrupong pulong, ay ang pagtatanong, gaya ng ginawa ni Socrates. Iwasan ang pagsesermon at pangangaral sa mga nakikilahok sa gawain. Mag-isip ng mga tanong na makakatulong sa kanilang maihambing ang kanilang kasalukuyang sitwasyon, ang sarili nilang pamayanan, sa mga maaaring mangyari kung magkakaroon ng balanse sa kasarian.

Maaari ring makatulong kung makikipagpulong ng pribado sa mga nakikisiyampatiyang mga grupong pangrelihiyon at iba pang mga lider ng pamayanan na sumusuporta sa nasabing adhikain at hikayatin silang mangaral at magbigay ng kanilang mga opinyon tungkol sa balanse sa kasarian.

Ang mga katanungan tungkol sa balanse sa kasarian ay hindi lamang dapat nakapaloob sa mga gawain at pagsasanay tungkol sa kasarian (na naglilimita sa nasabing isyu at naghahantong sa pangangaral para sa mga tumanggap na ng pagbabago). Ito ay dapat ring isama sa mga pagsasanay sa pangangasiwa at sa pagpapakilos ng pamayanan upang mapatupad ang sarili nitong mga proyekto.

Pagtataguyod ng Balanse sa Kasarian:

Sa totong buhay, makikita ang hindi pagkakapantay-pantay sa iba't iabng aspeto kung saan ang ilang mga bagay o gawain ay para sa mga kalalakihan lamang at ang ilang mga bagay ay para naman sa mga kababaihan lamang, kung saan ang mga sitwasyon ay kadalasang hindi pabor para sa mga kababaihan. Isa sa mga layunin ng pagbalanse sa kasarian ay itama ang mga hindi pagkakapantay-pantay na ito.

Ang pagtatalaga ng limampung porsyentong "quota" sa bawat sitwasyon ay masasabing mahigpit na maaaring magbunga ng mas maraming problema kaysa sa kaya nitong lutasin.

Pagkatapos nating malaman na ang balanse sa kasarian ay kaugnay ng karapatang pantao at magdudulot ng magandang resulta sa ating kultura pati na sa politikal at pang-ekonomiyang aspeto, kailangang nating mag-isip ng mga pamamaraan at pagtibayin ang mga ito upang makamit ang ating hangarin. Ngunit, hindi lahat ng mga pamamaraan na ating maiisip ay tutugma sa mga pangangailangan ng lahat ng pamayanan at lipunan. Kailangan nating pag-aralan ng mabuti ang bawat sitwasyon at mag-isip ng isang naaangkop na solusyon na lulutas mismo sa problemang kinakaharap ng bawat pamayanan. Ginamit ni Catalina Trujillo, mula sa Programang "Women in Habitat" ng UNCHS, ang slogan na ito: "Think globally - Act lcally". Ang slogan na ito ay nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng solusyon na lulutas sa problema ng mga pamayanan at lipunan ngunit ang solusyong ito ay kailangang aangkop sa kasalukuyang sitwasyon ng bawat pamayanan at lipunan. Tingnan ang UNCHS

Kung pag-uusapan ang kahit na anong panlipunang pagbabago, may mga taong sasang-ayon sa pagbabagong ito, ay mga tao rin na kokontra dito. Ang halimbawang ito ay nabanggit na sa gabay sa tagapagpakilos tungkol karagdagang pampamayanang pakikilahok.

Ang kadalasang hindi sasang-ayon sa kahit na anong pagbabago ay ang mga taong naniniwala na sila ay mawawalan o mababawasan ng kapangyarihan (politikal man o pang-ekonomiya) o kahit na ano pa mang bagay kapag ang pagbabagong ito ay maipatupad o mangyari. Nakakagulat isipin na kung minsan ang mga taong biktima ng diskriminasyon ay siya pang tututol sa pagbabago dahil naniniwala din sila na ang pagbabagong ito ay magiging dahilan upang mawalan sila kung ano man ang mayroon sila ng mga panahong iyon, kahit na ang bagay na ito ay masasabing hindi mahalaga para sa ibang tao. Minsan, ang mga taong nakakaranas ng diskriminasyon, pang-aapi, nakakulong o inaalipin ay sila ring ayaw kumawala sa mga tanikalang ito dahil ayaw nilang tumayo sa sarili nilang mga paa at manindigan dahil kampante na sila sa kung ano pa mang seguridad ang nakukuha nila sa kasalukuyan nilang sitwasyon.

Ang mga taong napapagtanto na sila ay makikinabang sa mga pagbabagong ito ay mga kakampi o maaaring maging kakampi ng mga tagapagpakilos at ibang mga tao o grupo na nais magkaroon ng pagbabago.

Ang iyong magiging stratehiya ay ipaalam at ipaunawa kung paano makikinabang ang lahat ng miyembro ng pamayanan sa mga pagbabagong ito, kasama na ang mga taong kasalukuyang naniniwala na sila ay maaaring mawalan o mabawasan kung ano pa man ang mayroon sila. Gawing makabuluhan ang mga pagbabago para sa mga taong sumasalungat dito. Maaaring magbago ang kanilang pananaw at hindi na ito kalabanin pa at marahil sila pa ang manguna sa pagsuporta sa mga pagbabagong ito. Ang ganitong konsepto ay mukhang simple lamang, ngunit masasabing ito ay hindi ganon kadaling isakatuparan.

Makakatulong rin ang pagtatatag ng unyon dahil makakakuha ng mas mataas na sahod at mas gaganda ang kondisyon ng pagtatrabaho ng mga manggagawa. SUbalit maisasakatuparan lamang ito kung ang lahat o may sapat na manggagawa na sasali sa nasabing unyon.

Gaya ng nabanggit kanina, alam natin na ang isang organisasyon, pamayanan o lipunan kung parehong makikibahagi ang mga lalaki at babae. Ang pagtanggal ng mga limitasyon sa pakikibahagi ng kahit na sinong tao, kahit saan man siyang kategorya grupo nanggaling, sa ano pa mang gawain ay magdudulot ng mas malikhain, mas marami at mas malawak na mga pananaw at resulta. Ito ay magpapatatag sa buong pamayanan at lipunan at angn lahat ng miyembro ay siguradong makikinabang. Mas madaling talakayin ang isyung ito sa mga tao na mas malawak ang kamalayan sa aspetong panlipunan at politikal. Mahalagang malaman nila na ang kakulangan sa balanse sa kasarian ay isang uri ng di pagkakapantay-pantay. Ngunit mas bigyan ng diin ang pagpapaliwanag sa kanila ng mga kapakinabangan na kanilang makukuha kapag nakamit ang balanse sa kasarian sa buo at bawat miyembro ng pamayanan.

Kailangan natin ipaintindi sa kanila na ang pagkakaroon ng bagong patakaran kung saan may balanse na sa kasarin ay magiging kapakipakinabang sa buong pamayanan, organisasyon at lipunan pati na rin sa bawat miyembro nito.

Ang pagpapakilala sa Balanse sa Kasarian:

Isa sa mga karaniwang stratehiya sa mga panlipunang pagbabago o mga programang sa pagsulonay ang pagsisimula ng pagbabago sa isang lugar o sektor at kapag ito ay naging matagumpay na, ipakilala at simulang ang parehong pagbabago sa buong lipunan.

Para sa ating trabahong pagpapapakilos ng mga pamayanan, pagsugpo ng kahirapan, pag-agapay sa paglinang ng kakayahan ng mga organisasyon, pagsasanay sa pamamahala, pagtataguyod ng pagtitiwala sa sariling kakayahan, ang paggamit ng stratehiyang iyon ay hindi inirerekomenda. Ang pagpapakilala sa kamalayan sa kasarian at pagtataguyod ng balanse sa kasarian ay pinakamabuting gawin sa umpisa pa lamang ng ating misyon at pinapanatili sa iba pang mga gawain.

Ang pagbibigay diin sa isyu ng kasarian sa mga piling sektor o lugar ay nagbubunga ng pagsasa-iisang tabi sa ibang mga isyu. Kapag ikaw ay nagtipon ng grupo para sa isang pagpupulong tungkol sa kasarian, ang mga taong makikibahagi dito ay iyong mga may ideya na tungkol sa nasabing problema o iyong mga pabor sa solusyon. Kung isasama natin ang kamalayan sa kasarian at ang mga stratehiya sa pagtataguyod ng balanse sa kasarian bilang isang partikular na paksa sa lahat ng ating mga pagsasanay o pulong khit sa iba nating mga gawain, masisigurado natin na mas marami ang makakarinig tungkol sa mensaheng nais nating iparating.

Ang tanging panahon kung kailan magiging kapakipakinabang ang isang workshop na nagbibigay-diin sa kasarian ay kung tayo ay gagawa ng isang pagsasanay ng ating mga tagapagsanay o kung inihahanda natin ang ating mga katulong o mga nagboluntaryo sa ating trabaho; dito natin kailangang bigyan-diin ang pag-iisip at paglinang ng mga stratehiya kaysa sa pagtataguyod ng kamalayan. Sa ganitong sitwasyon, inihahanda natin ang ating mga kaagapay ang ating mga kasama sa misyon sa pagplano ng isang pangkasariang stratehiya.

Samantala, kailangan nating isama ang kamalayan sa kasarian at pagbalanse sa kasarian sa lahat ng ating gawain,maging it man ay ang pagpapakilos ng pamayanan, pagbuo ng mga grupo, pagsasanay sa pamamahala, paglinang ng kakayahan o pagsugpo sa kahirapan. Ang pagpapakilala at pagsama ng mga isyung ito ay dapat isali na agad sa umpisa pa lamang.

Kabuuan:

Ang pagpapalaganap ng kasarian at ang pagtataguyod ng balanse sa kasarian ay isang mahalagang bahagi ng pagkilos, pagsasanay sa pamamahala, paglinang ng kakayahan at pagsugpo sa kahirapan.

Kailangang mag-isip at pagbutihin ang mga parikular na stratehiyang makakatulong sa gawain, tukuyin ang mga tao o grupong tututol sa pagbabagong ating isinusulong, ipaalam at ipaliwanag sa kanila ang mga kapakinabangang madudulot nito sa kanila at siguraduhing kabilang na ito sa inyong gawain mula sa umpisa pa lamang.

Walang mga partikular gawain na kailangang sundin.

Kailangang pag-aralan mabuti ang sitwasyon, gamitin at isabuhay ang mga ideyang matatagpuan sa dokumentong ito at gumawa ng stratehiyang na naaangkop sa sitwasyon at magiging epektibo.

––»«––

Isang pulong pagsasanay:


Pulong pagsasanay

© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 01.05.2011


 Pangunahing pahina

 Kasarian