Tweet Mga Salin:
'العربية / al-ʿarabīyah |
PAGTATANGGOL SA METODOLOHIYAni Phil Bartle,PhDisinalin ni Lina G. CosicoMga Nota ng ManedyerPagsanggalang o pag-adbokasiya ng partisipasyon ng komunidad sa pagtasa nitoMga Haka-haka at Kawalang-alam: Maraming tao ang gusto lamang makakakita ng pisikal na pagtatayo ng mga pasilidad sa komunidad. Kabilang sa mga tao na makakaapekto sa iyong trabaho ay mga politiko, mga mamamahayag, mga manedyer ng proyekto at mga inhinyero. Ang pasilidad ( halimbawa, tubigan, palikuran, paaralan, klinika) ay nakikita, madaling kunan ng litrato (katabi ang politiko) at konkreto. Isang patunay na may nagawa. Ang paggugol ng oras para sa pagsali ng mga mamamayan sa pagtasa ( pati na sa pagsulong ng mga kakayahan: training sa pagplano, pamamahala, pagtuos, pagsubaybay, pag-ulat, pagkumpuni, pagmentana) ay hindi madaling makita. Paano mo lilitratuhan ang pagsulong ng kapasidad? ( Minsan ay nagalit sa akin ang sekretarya ng embahada dahil may mga darating na bisita mula sa nagkaloob o donor na ahensiya at nagkataong walang nakaplanong aktibidad na may partisipasyon ng komunidad). Alam ng mga manedyer ng proyekto na maski na ano pa ang layunin na nakasulat sa dokumento ng proyekto, huhusgahan sila ng publiko batay sa pagtatayo ng pisikal na pasilidad. Pero hindi lahat ay nag-iisip na pinakaimportante ang pisikal na konstruksiyon. Meron ding bukas ang isip at payag na makumbinsi na ang pagsulong ng kapasidad ay kasinghalaga ng pisikal na konstruksiyon. Maaari ka nilang tawagin upang ipaliwanag ang pangangailangan at pakinabang ng paggugol ng panahon para sa partisipasyon ng komunidad. Maaari mo silang tanungin, " Dapat ba tayong magtayo ng balon at poso para lamang masdan ang maling paggamit at pagkasira nito dahil wala ni isa sa komunidad ang umako ng responsibilidad sa pagkumpuni at pagmentana nito?" Bakit Kailangang Gumugol mg Panahon? Ang paggugol ng panahon para simulan ang partisipasyon ng komunidad ( sa pagtasa, pagpili ng proyekto, pamamahala, pagsubaybay, at pagsulong ng kapasidad) ay makakatulong sa pagbibigay ng lakas ng loob sa mga mamamayan para magkaroon sila ng nagkakaisang damdamin ng "pag-aari" ng pasilidad. Ito ay nagsusulong ng mas malaking responsibilidad para sa pangangalaga nito ( halimbawa, laban sa bandalismo o mga ligaw na hayop), pagmementana at pagkukumpuni. Nagiging mas epektibo rin ang paggamit ng pasilidad at mas tinatanggap ng mamamayan ang mga karagdagang training (gaya ng prinsipyo at gawain ng kalinisang pangkalusugan). Para maitaguyod ang sustenabilidad ng pasilidad, ang paraan na may partisipasyon ng komunidad (na gumugugol ng panahon) ay dapat isagawa dahil sa mahabang panahon, mas epektibo at positibo ito kaysa sa madaliang pagtatayo ng pasilidad. Bakit Kailangang Mangalap Muli ng Impormasyon ? Isang aspeto na maaaring kailangan mo ring ipagtanggol ay ang paggamit ng impormasyon na kinalap ninyo nang kayo ay gumawa ng mapa at imbentaryo. May mga mahilig manira na tatanungin ka kung bakit kailangan ang mapa at imbentaryo gayong mayroon namang base line survey. Ipaliwanag mo na ang pangunahing dahilan ng pangangalap ng impormasyon na kasali ang mga mamamayan ay para mismo sa pagsulong ng sustenabilidad at responsibilidad sa komunidad. Kung may pakinabang man para sa ahensiya, gaya ng sa pagplaplano, ito ay pangalawa lamang. Ang impormasyong nakalap ay makakatulong din sa pagbibigay ng karagdagang detalyado at tumpak na impormasyon. Paano Mo Isasagawa ang Adbokasiya Magandang pagkakataon para sa iyo na ibahagi ang mga mahahalagang puntong ito, doon sa mga payag na makinig, ang anumang okasyong pampubliko na may kinalaman sa pagtayo ng pasilidad sa komunidad. Maaaring ito ay " pagbibigay ng tseke," na kung saan ay kikilalanin ang mga malalaking donor, "paglalagay ng pundasyon," na kung saan ay may mga VIP na magsisimula ng konstruksiyon, o " pagdidiwang ng pagtatapos ng proyekto," kung saan ang mga lokal o nasyonal na dignitaryo ay naroon upang pumutol ng ribon, sabihing tapos na ang pasilidad, o simulan ang unang paggamit ng pasilidad. Sa mga ganitong okasyon, maaari kang mamigay ng mga kopya ng isang pahinang pampleto na naggigiit na ito ay hindi lamang isang proyektong konstruksiyon, ngunit ito ay isang proyektong nagsusulong ng kapasidad ng komunidad. Isulat mo sa pampleto ang lahat ng bahagi ng partisipasyon ng komunidad ( pagtasa, pagpili ng prayoridad, training sa pamamahala, pagsusubaybay, pagmementana at pag-uulat). Isang mas mahabang kopya, maaaring dalawang pahinang press release, ang puede mong ibigay sa mga mamamahayag ( TV, radio, diyaryo, opisyal ng gobyerno). Kung mayroong maunawain at may simpatiyang free lancer na mamamahayag, maaari mo siyang bayaran para sumulat ng press release na magpapaliwanag ng paraang may partisipasyon at kung bakit mas lamang ang pakinabang dito kaysa sa panahon na nagugol para dito. Kung may pagkakataon na makausap mo ng matagalan ang mga mamamahayag ( gaya ng magkasamang pagbisita sa isang liblib na lugar, pagsabay sa isang sasakyan) maipapaliwanag mo ng mas detalyado kung ano ang metodolohiya at bakit kailangan ang paggugol ng panahon dito. Para maging mas epektibo ka sa iyong adbokasiya, kailangang nauunawaan mong mabuti ito, at ikaw mismo ay kumbinsido sa mga pakinabang mula dito. Hindi sapat ang ikaw ay handa para ipagtanggol o ipaliwanag ang mga pamamaraang may partisipasyon. Kailangan mo din ang paraang "pro-active" na kung saan ay pinangungunahan mo na ang pagpaliwanag dahil maraming mga haka-haka at kadalasan, ito ay hindi inilalahad. Alamin mo kung sinu-sino ang mga taong may kinalaman sa iyong layunin ( kasama na rito ang mga politiko, mga opisyal, mamamahayag at inhinyero). Kilalanin mo kung sinu-sino ang maaaring magbago mula sa pagiging ( walang nalalamang) balakid at maging (nakakaunawang) kaalyado. Siguraduhin mo na magkakaroon sila ng kopya ng iyong mga pampleto at press release. Basta't nagkaroon ka ng pagkakataon, ipasok mo sa impormal na usapan ang tungkol dito. Simple lang ang situwasyon: bumabagal ang konstruksiyon dahil sa partisipasyon, ngunit sumusulong naman ang sustenabilidad. Kailangang maipaliwanag mo ito ng mas detalyado, magbanggit ka ng mga halimbawa mula sa mga kasalukuyang proyekto sa komunidad. Isulat mo ang iyong mga argumento sa simpleng salita para mas madali kang maintindihan. Medyo taliwas ito sa pagpapadali ng partisipasyon ng mga mamamayan; tiyakin mo muna ang iyong layunin, tapos ay ibahagi mo ang iyong mensahe sa napili mong tatanggap nito. Nasasaiyo ang desisyon. ––»«––Paggugol ng Panahon para Makalap ang Kaisipan ng Komunidad
© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
––»«–– |
Pangunahing Pahina |
Pagtasa na Kasali ang mga Mamamayan |