Pangunahing Pahina
 PAR/PRA




Mga Salin:

'العربية / al-ʿarabīyah
Bahasa Indonesia
বাংলা / Baṅla
Català
中文 / Zhōngwén
Deutsch
English
Español
Filipino/Tagalog
Français
Ελληνικά / Elliniká
हिन्दी / hindī
Italiano
بهاس ملايو / Bahasa Melayu
Polszczyzna
Português
Română
Telugu
Tiếng Việt

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Susing Pananalita

Ipagbigay-alam

Mga Dokumento

Mga Magagamit na Link

PARTISIPASYON ANG SUSI SA PAGBIBIGAY KAPANGYARIHAN

ni Ben Fleming

pinamatnugutan ni Phil Bartle, PhD

isinalin ni Lina G. Cosico


Hindi palaging nagbibigay kapangyarihan sa komunidad ang kanilang pagsali sa mga gawain. Kinakailangan din ang isang kapaligirang sumusuporta at nangangalaga sa mga adhikain at kakayahan ng mamamayan para magkaroon sila ng kapangyarihan. Ilang paraan para matamo ito ay:

  • Huwag mong minamaliit ang tao. Bigyan mo sila ng mga magagamit para kayanin ang suliranin; huwag mo silang protektahan mula dito.
  • Hatiin mo ang mga tatalakayin sa maliliit na piraso para mas madaling gawin.
  • Mag-umpisa ka sa mga intindihin ng mga mamamayan at mga paksang makabuluhan sa kanila.
  • Huwag mong ipataw ang sarili mong mga ideya at solusyon.
  • Tulungan mo silang lumawak ang mga pananaw tungkol sa mga mapapagpiliang gawain at liwanagin mo ang implikasyon ng bawa't isa.
  • Magsagawa ka agad ng makikitang tagumpay para magkaroon ng tiwala sa sarili ang mga kalahok
  • Huwag mong biglain ang pagbubuo o pagbibigay ng kakayahan, tiwala at dedikasyon sa proseso: gawin mong parang "hagdan" na paakyat ng paakyat o pasulong ng pasulong ang antas ng pakikilahok ng mga tao at tulungan mo silang umakyat sa hagdan.
  • Maaaring hindi magustuhan ang direktong pagsasanay ng mga tao sa pagbibigay kapangyarihan (empowerment training) - baka mas makakabuti na ituro sa kanila ang mga kailangang kakayahan bilang parte ng proseso.
  • Hangga't maaari, iwasan mo ang malawak at hindi maibabalik sa dati na solusyon. Magsagawa ka ng proseso ng pag-aaral na paulit-ulit, parang drill, na may mga maliit, madali at madaling ibalik sa dati na mga eksperimento o 'pilot'.
  • Patuloy mong repasuhin at paramihin ang mga miyembro. Kapag may mga bagong grupo kang madidiskubre, papaano mo sila isasama sa proseso?
  • Tulungan mo ang mga tao na maunawaan ang mga kumplikadong proseso at proseso ng pagdesisyon na hindi abot ng inyong sakop ngunit makakaapekto sa mga resulta
  • Alagaan mo ang mga bagong network at kaalyado
  • Kailangang ang mga plano ay makabuluhan at patungo sa aksiyon
  • Intindihin mo ang ugnayan sa pagitan ng kakayahan ng iba't ibang grupo na magsagawa ng kanilang mga ipinangako at ng kanilang pananagutan at kontrol sa implementasyon
  • Magsama ka na mga oportunidad para sa pagmumuni-muni at pagsusuri.
  • Siguraduhin mong masaya at nalilibang ang mga tao! [mula sa - Patnubay para sa Epektibong Partisipasyon (The Guide to Effective Participation) ni David Wilcox]

Sampung Susing Ideya tungkol sa Partisipasyon

1. Antas ng partisipasyon

Si Sherry Arnstein (1969) ay naglarawan ng isang hagdan ng partisipasyon na may walong baitang. Ang sumusunod ay maikling paliwanag tungkol dito: 1 Manipulasyon at 2 Therapy. Walang pakikilahok o partisipasyon. Ang layunin ay gamutin o turuan ang mga kasali. Ang iminungkahing plano ang pinakamabuti at ang gawain ng partisipasyon ay upang makamit ang suporta ng publiko sa pamamagitan ng 'public relations'. 3 Pagbibigay alam (informing). Isang napakahalagang baitang para sa lehitimong partisipasyon. Ngunit kadalasan ang diin ay nasa isang daloy ng impormasyon. Walang daan para sa feedback. 4. Konsultasyon. Mga survey ng pag-uugali, mga pulong sa kapitbahayan at mga katanungan sa publiko. Pero ito ay isang ritual na pakitang tao lamang. 5. Pagbibigay (placation). Ang pagpayag sa pagpili ng mga 'nararapat' para maging miyembro ng mga komite. 6 Pagtutuwang (partnership). Pamamahagi ng kapangyarihan sa pamamagitan ng negosasyon sa pagitan ng mga mamamayan at maykapangyarihan. Pinaghahatian ang mga responsibilidad sa pagplano at paggawa ng desisyon. 7 Pagkakatiwala ng kapangyarihan (delegated power). Ang mga mamamayan ay may hawak sa karamihan ng posisyon sa mga komite at may kapangyarihang magdesisyon. Ang publiko ay may kapangyarihan para masiguro na matutuos nila ang programa. 8 Kontrol ng Mamamayan (citizen control). Ang tinataguriang 'have-nots' o ang mga walang pag-aaring yaman, edukasyon, atbp., ang hahawak sa gawain ng pagplano, paggawa ng polisiya at pamamahala ng programa.

2. Pagsisimula at Proseso

Hindi basta basta nangyayari ang partisipasyon, ito ay sinisimulan. Pagkatapos, may namamahala ng proseso habang umuusad ang panahon at nagpapaubaya sa iba na magkaroon din ng kontrol sa mga pangyayari. Ang proseso ay mailalarawan sa apat na bahagi: Pagsisimula (Initiation)- Paghahanda (Preparation)- Partisipasyon (Participation)- Pagtutuloy (Continuation).

3. Kontrol

Ang nagsisimula ay nasa malakas na posisyon para magdesisyon kung gaano ang kanyang kokontrolin. Ang desisyon na ito ay katumbas ng pagtayo sa unang baitang ng hagdan - o pagdesisyon tungkol sa antas ng partisipasyon.

4. Kapangyarihan at Layunin

Sa pag-unawa ng partisipasyon, kailangan ang pag-unawa ng kapangyarihan: ang kakayahan ng iba't-ibang grupo na makamit ang kanilang gusto. Ang kapangyarihan ay depende sa kung sino ang may impormasyon at salapi. Depende din ito sa tiwala sa sarili at kakayahan ng tao. Maraming organisasyon ang ayaw sa partisipasyon ng mamamayan dahil sa takot silang mawalan ng kontrol. Subali't maraming situwasyon na mas marami ang makakamit kung samasama sa paggawa ang mga tao kaysa sa paggawa ng kanya-kanya. Ito ang pakinabang mula sa partisipasyon.

5. Ang Papel ng mga Facilitator

Karamihan sa mga pangyayari ay nasa kontrol ng facilitator. Mahalagang palagi nilang iniisip kung ano ang kanilang papel.

6. Mga Stakeholder at Komunidad

Ang isang stakeholder ay isang tao o grupo na may interes sa mga pangyayari. Sino ang maaapekto ng maski anong proyekto, sino ang may kontrol sa mga impormasyon, kakayahan at salaping kinakailangan, sino ang maaaring makatulong o makasagabal? Ang lahat ng maaapekto ay hindi parepareho ang impluwensiya. Gamitin mo ang hagdan para isipin kung sino ang may pinakamalakas ng impluwensiya.

Ang partisipasyon sa proyekto ay depende sa proyekto dahil ang iba't ibang tao ay interesado sa iba't ibang talakayin.

7. Pagtutuwang

Makabubuti kung ang mga grupo na may iba't ibang interes ay kusang magsasama sa paraang pormal o impormal para makamit ang ilang magkatulad na layunin. Ang magkatuwang ay hindi kailangang magkapareho ng kakayahan, pondo o tiwala sa sarili, nguni't kailangan ay may tiwala sila sa isa't isa at parehong may pag-ako ng responsibilidad (commitment) . Ang pagbubuo ng tiwala sa isa't isa at pag-ako ng responsibilidad ay gumugugol ng panahon

8. Pag-ako ng Responsibilidad

Ang pag-ako ng responsibilidad ay taliwas sa pagkawalang bahala: ang mga taong umaako ng responsibilidad ay gustong makagawa, ang mga walang bahala ay walang nais gawin. Nguni't ano ang aakay sa mga tao para magkaroon ng pag-ako sa gawain? Ang hindi pagsasabi sa kanila na " dapat kayong makialam," ang pag-iimbita sa kanila sa mga pulong o pagbibigay sa kanila ng maraming magagandang leaflet. Ang mga tao ay makikialam sa mga bagay na interesado sila, at aako ng responsibilidad kapag naramdaman nila na mayroon silang magagawa o matatamo. Ang "hard sell" o pangungulit sa kanila ay hindi makakatulong. Kung ang mga tao ay binabalewala ang mga proposisyon mo, marahil ito ay dahil sa talagang magkaiba ang inyong mga interes at alalahanin.

9. Pag-aari ng Ideya

Mas malamang ang pag-ako ng responsibilidad para isagawa ang isang bagay kung ang tao ay may nakataya sa ideya, o kaya ay hahayaan mo silang magsabi na, " Kami ang nakaisip niyan." Ang ibig sabihin nito ay pagsasagawa ng mga workshop na gumagamit ng "brainstorming", pagtulong sa mga tao na isipin ng husto kung praktikal o hindi ang mga ideya at pakikipagsundo sa isa't isa para magkaroon ng resultang matatanggap ng pinakamaraming tao. Mas matindi ang pagkawalang bahala ng tao kung wala silang pakialam sa mga ideya at resulta.

10. Pagtitiwala sa Sarili at Kapasidad

Ang pagsasagawa ng ideya ay depende sa pagkakaroon ng tiwala sa sarili at kakayahan ng mga tao. Maraming proseso ng partisipasyon ang may kasanggot na pagbukas ng mga bagong landasin. Hindi makatotohanan na asahang ang bawa't tao o grupo ay bigla na lang na magkakaroon ng kakayahan na gumawa ng mga kumplikadong desisyon at maging bahagi ng malalaking proyekto. Kailangan nila ng training o ng oportunidad na matuto sa pormal o impormal na paraan, magkaroon ng tiwala sa sarili, at tiwala sa isa't isa.

Kinuha mula sa Patnubay para sa Epektibong Partisipasyon (The Guide to effective Participation). ni David Wilcox: http://www.partnerships.org.uk/guide/index.htm

Balik sa Pagtasa at Pagsaliksik na Kasali ang mga Mamamayan (Participatory Assessment and Research) dokumento para sa training ng mobiliser. Tingnan din Pagkakaroon ng Pag-aari ng Komunidad (Gaining Community Ownership)


© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 16.05.2011


 Pangunahing Pahina

 Pagtasa na Kasali ang mga Mamamayan