Tweet Mga Salin:
'العربية / al-ʿarabīyah |
PAGTASA AT PAGSALIKSIK NA KASALI ANG MGA MAMAMAYANPagpatnubay at Pag-udyok sa Komunidad na Tingnan ang Sarilini Phil Bartle, PhDisinalin ni Lina G. CosicoPinakaubod na Dokumento sa ModuloPaano himukin ang mga mamamayan na sumali sa pagtasa, pagtaya at pagsasaysay ng komunidad.Pagtasa na Kasali ang mga Mamamayan: Isang napakahalagang responsibilidad mo bilang mobiliser ng komunidad ay ang siguraduhin na ang mga mamamayan ay tama at " objective" (binabase ang kanilang desisyon sa katangian ng bagay na sinusuri hindi base sa sariling panananaw o karanasan) sa pagtasa sa sarili nilang komunidad, sa pagkatalogo ng mga problema ng komunidad, at sa pagsasaysay (evaluation) ng mga kaibahan ng bawa't prayoridad ng komunidad para sa paglutas ng mga problema nito. Kapag ang pagsasaysay ng komunidad ay hindi objective at collective (samasamang pinag-isipan), ang mga mamamayan ay magkakaroon ng iba't-ibang ideya tungkol sa kung ano ang mas mahalaga at hindi mahalaga, at maraming kathang-isip at maling haka-haka ang tuloy pa ring panghahawakan ng mga ito. Nakadadagdag ito sa hindi pagkakaisa at nagiging balakid sa pagkakaroon ng mga madaling makita o bukas (transparent) at epektibong aksiyon upang madagdagan ang pagtitiwala sa sarili at mabawasan ang karalitaan. Ang ibig sabihin nito, ikaw, bilang mobiliser, ay kailangang matuto ng mga paraan para maghimok at mag-udyok sa mga tao na sumali. Kailangan mo ring sanayin ang mga mamamayan na maunawaan ang mga prinsipyo at matutuhan ang mga gawain sa pagsasaysay, pagtasa o pagtaya. Kapag narating mo na ang huling bahagi ng siklo ng mobilisasyon, ang pagplaplano ng proyekto ng komunidad, dapat kang magpasiya kung aling prayoridad na problema ang nararapat na lutasin. Kailangang may kasunduan at konsensus sa mga mamamayan na ang napiling problema na lulutasin ay siya ngang pinakaprayoridad ng komunidad. Kung may pag-oorganisa para sa pagkakaisa, at objective na pagsasaysay ng komunidad, madaling magkaroon ng kasunduan tungkol sa unang proyektong gagawin. Kung walang partisipasyon ang komunidad sa pagsasaysay, ang iba't-ibang grupo ay pipili ng iba't-ibang prayoridad. Ang mga may pinag-aralan ay maaaring makakita ng problema na kakaiba sa makikita ng mga walang pinag-aralan. Ang mga lalaki any may makikitang kaiba sa makikita ng mga babae, ganun din sa pagitan ng mga may-ari ng lupa at mga kasama o iskwater. Ang mga tao mula sa mga grupong nagkakaiba ayon sa edad, lahi, wika o relihiyon ay hindi agarang magkakasundo kung ano ang mga prayoridad na problema dahil iba't-iba ang mga pananaw nila at nagkakaiba din ang kanilang mga pinahahalagahan sa buhay. Paggawa ng Mapa: Isang magandang paraan para simulan ang proseso ng pagtaya ng komunidad ay ang maghanda ng isang sesyon tungkol sa paggawa ng mapa . Magtalaga ka ng isang araw o isang hapon para sa paggawa ng mapa. Pakiusapan mo ang mga mamamayan na dumalo, mas marami, mas mabuti. Kasama lahat ng mga mamamayan na dumalo, maglakad kayo sa palibot ng barangay o komunidad. Huwag kang basta lang maglakad o lumibot sa mga hangganan o boundary ng lugar, bagkus ay bagtasin mo ang lahat ng mga kalye, eskinita, parang, atbp. para makita ang kabuuan ng komunidad. Habang kayo ay naglalakad, paalalahanan mo sila na magmasid na mabuti at pag-usapan ang mga nakikitang bagay bagay na mahalaga sa komunidad, at markahan sa mapa ang kinalalagyan ng mga ito. Bilang mobiliser, kailangan mong siguraduhin na tuluy-tuloy and usapan o diskusyon at hindi natitigil. Ang paggawa ng mapa, bilang proseso na ginagawa ng grupo, kasama na ang diskusyon at mga pagpilli kung ano ang imamarka sa mapa, ay kasinghalaga o maaaring mas mahalaga pa kaysa sa mismong mapa. Sa mapa, isama mo ang mga mahahalagang gusali, kalye at mga instalasyon (palikuran, mga pinagkukunan ng tubig, palaruan, lugar ng pagsamba, tapunan ng basura). Isama mo rin ang mga obserbasyon tungkol sa mga instalasyon na sira-sira o gumuho na o hindi na magagamit. Siguraduhin mo na pag-usapan ninyo ang mga ito bago itala sa mapa. Sa ganitong paraan, mababawasan ang mga oposisyon at pagsalungat sa bandang huli ng pagtaya; nakakadagdag ito sa "transparency" o pagiging bukas (walang itinatago) ng proseso. Pagkatapos ng pagbagtas sa barangay o lugar, magpulong sa isang lugar (halimbawa sa paaralan), para pag-usapan ang katatapos na lakad at tapusin ang mapa. Mahalaga ang parteng ito dahil sinusuporta nito ang iyong isinusulong na "transparency" na sinimulan mo nang pinag-usapan ninyo ang bawa't problema at nagmarka sa mapa. Ang ginawang mapa ay gagamitin sa susunod na bahagi ng pagtaya - ang pag-imbentoryo o paglilista ng mga pag-aari ng komunidad. Imbentoryo ng Komunidad: Hangga't maaari, gawin ang imbentoryo ng komunidad matapos ang paggawa ng mapa. Mahalagang may partisipasyon ang mga mamamayan sa paggawa ng imbentoryo. Huwag na huwag mong gagawin ang imbentoryo dahil mababalewala mo lang ang layunin nang paggawa ng imbentoryo. Sa parteng ito, makakabuti na bilang mobiliser at trainer ay gamiting muli ang mga prinsipyo at teknik na ginagamit sa brainstorm. Huwag mong hayaan na magkaroon ng usap-usapan at debate; isulat mo ang lahat ng mungkahi sa pisara; sa bandang huli ay maaari mong pagbukudbukurin ang mga mungkahi at gawing exercise para sa mga grupo. Siguraduhin mo na hindi ka tumututok sa iilang tao lamang, tanggapin mo at isulat lahat ang lahat ng mungkahi maski na iyong mga kumukontra sa isa't-isa, at sa huli, ipaalala mo sa kanila na ito ay nagmula sa lahat at hindi galing sa iilang tao o grupo lamang. Tandaan mo na ang bawa't grupo sa komunidad ay may kanya-kanyang pinagmamalasakitan. Maaaring isipin ng punong guro na pinakamahalaga na magkaroon ng bagong paaralan. Sa mga kalalakihan - kailangan ng abono, samantalang sa mga kababaihan - kailangan ng tubig na maiinom. Ang mga relihoyoso ay maaaring humiling ng lugar para sa pagsamba, samantalang ang ibang mamamayan o grupo ay ibang pangangailangan. Kaya hindi tama na kukunsulthin mo lamang ang ilang pinuno ng komunidad para matukoy ang mga prayoridad ng komunidad. Ang proseso na kasali ang lahat o karamihan ng komunidad, ay mas bukas o transparent, at magreresulta sa mas tumpak na pagtaya sa mga pangangailangan ng buong komunidad. Para magkaroon ng objectivity, imungkahi mo na sa pag-imbentoryo ng komunidad ay ilista hindi lamang ang mga kayamanan o mabubuting katangian ng komunidad ngunit pati na ang mga problema. Kung mayroong malinis at maayos na palikuran, ilista ito, hindi lamang ang mga sirang palikuran. Para makatulong sa proseso, idikit mo ang mapa sa lugar na makikita ng lahat at tanungin mo sila kung anu-ano ang mga nakita nilang kayamanan o problema sa mapa. Ano ang nasa Pangalan? Makikita mo ang acronym, PRA, o PAR, na tumutukoy sa mga pamamaraan ng pagtaya sa mga kayamanan at problema ng komunidad na kasali o may partisipasyon ang mga mamayan. Maraming mga interpretasyon at kahulugan ang mga ito. Nauna ang tinatawag na RRA ( Rapid Rural Assessment). Ginamit ito ng mga ahensiya ng gobyerno, atbp., na kung saan ay nagbabayad sila ng mahal sa mga espesyalistang dayuhan na sasaglit sa komunidad sa loob ng ilang araw at titira sa isang mamahaling hotel na malapit sa komunidad at pagkatapos ay magsusulat ng kanilang pagtasa sa mga pangangailangan ng komunidad na gagamitin ng ahensiya para bigyan ng rason ang kanilang proyekto. Nagkakaroon lamang ng partisipasyon ang komunidad kung kukunsultahin ng mga espesyalista ang ilang pinuno bago nila isulat ang ang kanilang ulat o report. Salungat sa paraang ito na "top down" ( o inisip ng mga maykapangyarihan at ipinatupad sa mga mamamayan), nakita ng mga tao, lalo na ng mga nagtratrabaho sa komunidad, na magiging mas tumpak ang pagtasa kung ito ay hindi minamadali at may partisipasyon ng mga mamamayan. Napansin din ng mga sociologist na kapag ang mga mamamayan ay kasali sa pagdedesisyon mula sa umpisa, mas malamang na aakuin nila ang responsibilidad sa proyekto at tutulong sa pagmentana at pagsustena ng proyekto. Kapag ang buong komunidad ay kasangkot, ang proyekto ay magiging mas may kabuluhan kaysa sa kung iilan lamang na kinatawan o pinuno ng komunidad ang kukunsultahin. Isang bagong acronym ang ginawa, PRA na tumatayo sa mga prosesong mas may partisipasyon ng mamamayan: Participatory Rural Appraisal ( Pagtasa sa Kanayunan na Kasali ang Mamamayan), Participatory Research and Assessment ( Pagsaliksik at Pagtasa na Kasali ang Mamamayan). Sa dalawang prosesong ito, mahalaga ang partisipasyon ng mga mamamayan. May ibang tao na gustong pasimplihin ang mga interpretasyon ng PRA at gumawa ng bagong acronym, PAR. Maging ang PAR ay nagkaroon ng iba't-ibang interpretasyon, kasama na ang Participatory Action Research. Magkaganoon man, maski pa PRA o PAR, ang partisipasyon ng mga mamamayan ang binibigyang diin. Ang pinakamahalagang punto ay ang pagsali ng mga mamamayan sa proseso ng pagtasa, hindi lamang ng iilang tao o iilang grupo ngunit ng buong komunidad, at ang pagtasa ng mga pangangailangan at potensiyal ay sa kabuuan at hindi para sa isang bahagi lamang ng komunidad. Impormasyon para Kanino? Maaari mong marinig sa mga manedyer ng proyekto, lalo na sa mga hindi kumikiling sa komunidad ( gaya ng mga inhinyero, mga tagaplano mula sa pamahalaang sentral), na hindi kailangan ang pagtasa sa komunidad. Madalas nilang sabihin, " Nagsagawa na kami ng social sector base study, bakit kailangan pang ulitin at magsagawa ng imbentoryo ng barangay?" Maaari ka nilang tawagin upang ipagtanggol ang iyong trabaho, lalo na kung ikaw ay kasama sa isang partikular na sektor ( halimbawa, supply ng tubig). Ang mga manedyer ay nagmamadaling magkaroon ng resulta ( magtayo ng mga poso) at ang pagtasa na kasali ang mga mamamayan ay gugugol ng panahon. Ang mga impormasyon na nakalap mula sa paggawa ng mapa at imbentaryo ng komunidad ay maaaring magduplika ng resulta ng iba, o maaaring hindi. Hindi tamang akalain na ang impormasyon ay para lamang sa proyekto o pagplaplano ng ahensiya. Ang layunin ng proseso ng pagtasa ay isangkot ang buong komunidad sa paggawa ng desisyon, at bigyan ng lakas loob ang mga mamamayan na akuin ang responsibilidad para sa anumang pasilidad o serbisyo na itatayo sa darating na panahon. Ganun din, ang nakalap na impormasyon ay maidadagdag sa iba pang mga impormasyon ( baseline survey, sensus, iba pang report) para makakuha ng wastong larawan ng kasalukuyang situwasyon. Bilang mobiliser, makakadagdag ka sa proseso ng pagbawas sa karalitaan at pagbibigay kapangyarihan sa komunidad kung ibabahagi mo ang mga impormasyon sa ahensiya o proyekto, sa mga lokal na awtoridad, mga opisyal sa distrito, probinsiya o sentral na gobyerno, lalo na sa mga may kinalaman sa pagplano ng pagsulong at pamamahala ng mga komunidad. Training ng mga Mamamayan: Sa mga komunidad na maraming mahirap at "marginalised" o mga taong iniiwasan ng lipunan, mas malamang na maraming hindi pamilyar sa pagsali sa pagdedesisyon sa komunidad. Marami din ang hindi marunong gumawa ng mapa at imbentaryo. Marami din ang hindi marunong bumasa at sumulat. Ito ay mga kakayahan na kakailanganin nila para makasali ng maayos sa paggawa ng desisyon para sa komunidad ng magbibigay kapangyarihan sa komunidad. Hindi sagot sa problemang ito ang pormal na training. Bilang mobiliser, matuturuan mo ang mga mamamayan tungkol sa prosesong ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng aktuwal na proseso. At ang mas mahalaga, ang paghimok mo sa kanila na sumali ay magbibigay sa kanila ng kumpiyansa sa sarili at magbibigay sa kanila ng motibasyon na mag-ambag sa pagsulong ng kanilang komunidad. Sa prosesong ito, alalahanin mo na ang mga mamamayan ay nag-aaral ng mga bagong kakayahan kaya kailangan na bukas o transparent ang iyong gawain. Ang mga kakayahan na kailangan nila para maisagawa ang pagtasa ay hindi sopistikado at mahirap. Karaniwan at kadalasan ay payag ang mga mamamayan na makasali sa proseso at magiging madali sa kanila ang matutunan ang mga kailangang kakayahan. Ang iyong trabaho ay padaliin ang kanilang pag-aaral. Ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagtasa ng komunidad ay hindi lamang para sa pag-uumpisa ng pundasyon para sa aksiyon ng komunidad. Ang mga resulta ng kanilang pagtasa ay magagamit na base line para sa pagsukat ng progreso at magagamit din sa pagsubaybay at pagsasaysay. Saan Tayo Patutungo? Ipinapakita ng dokumentong ito kung papaano mo maisusulong ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagtasa o pagsasaysay ng kanilang komunidad. Sa buong panahon ng iyong pagtratrabaho, kailangang mong bigyan ng lakas-loob at himukin ang lahat ng mamamayan, hindi lamang ilang tao o grupo. Kadalasan, ang "participatory approach", ang angkop na paraan sa mga training. Ngunit sa mga aktibidades sa training na kung saan ang trainer ay isang pasilidador at hindi lektyurer, ang paraan ng PAR/PRA, ay hindi dapat basta-basta na lang gagamitin. Halimbawa, kung may mga kakayahang mismong ang mga mamamayan ang nagsabing kailangan nilang matutuhan, maaaring mas mabuting gumamit ng ibang paraan, gaya ng demonstrasyon, presentasyon at dayalogo. Sa lahat ng ito, binibigyang diin ang pagkakatuto sa pamamagitan ng paggawa (learn by doing). Tingnan ang sinulat ni Kamal Phuyal Why of PRA ( Bakit may PRA)," at ni Doreen Boyd "Listahan ng mga Pakinabang ng PAR." Para sa mas maraming diskusyon tungkol sa PAR/PRA, tingnan ang mga file ni Robert Chambers.––»«––Paggawa ng Mapa ng Komunidad© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
––»«–– |
Pangunahing Pahina |
Pagtasa na Kasali ang mga Mamamayan |