Tweet Mga Salin:
'العربية / al-ʿarabīyah |
MGA PAMAMARAAN NG PAGTASA NA MAY PARTISIPASYON NG MAMAMAYANIsang review ng mga pamamaraan at teknik ng PAR/PRAni Phil Bartle, PhDisinalin ni Lina G. CosicoReference ng mga CoordinatorIsang review ng mga pamamaraan at teknik ng PAR/PRAAng akronim na PRA (Participatory Rural Appraisal/Assessment), ay maaaring makalito sa simula dahil kasama dito ang salitang "Rural" (pambukid o kanayunan) kahit na ginagamit din ito sa mga kapitbahayan sa lunsod, hindi lamang sa mga nayon, at dahil din sa salitang "Appraisal o Assessment" (pagtasa) kahit na ginagawa rin ang pagplano ng aksiyon at pagdisenyo ng proyekto (na lampas sa parte ng pagtasa).Ang hindi nagbabago ay ang proseso na may katangiang may "partisipasyon." Maaari itong partisipasyon ng mga miyembro ng komunidad (sa nayon o lunsod), o partisipasyon ng mga miyembro ng organisasyon. Bigyang diin mo ang pagbibigay ng boses sa mga miyembrong kadalasan ay hindi napapakinggan. Bilang facilitator, magbibigay ka ng istruktura at magbubuyo, subalit ang nilalaman ay dapat piliin ng kalahatan ng miyembro. Ang pangangalap ng datos o impormasyon, pati na ang pagsusuri nito ay isasagawa ng mga partisipante. Ikaw ay tutulong lamang na mapadali ang proseso; hindi mo dapat kontrolin ang proseso. Mga Teknik ng Pagtasang May Partisipasyon: Maraming mga pamamaraan sa pagsasagawa ng pagtasa na may partisipasyon. Sa panahon ng iyong pagtratrabaho, makakabuo ka ng mga sarili mong pamamaraan, nagbabago at pumipili habang nagsasagawa nito. Ang mga pamamaraang nakatala dito ay magagamit mo sa iyong pagsisimula. Palitan mo at iangkop mo sa laki ng grupo, sa lugar, sa oras o panahon at iba pang katangian ng mga partisipante at ng kanilang situwasyon. Paggawa ng Mapa: Maaaring ang paggawa ng mapa ang pinakamabuting simula para sa iyo at sa komunidad. Maglakad kayo ng grupo sa komunidad at hayaan mo silang gumawa ng mapa ng lugar. Isama ninyo sa mapa ang mga pasilidad ng ginagamit ng komunidad, mga gusaling pampersonal o pampamilya, mga yaman at kakulangan. Huwag mong gawin ang mapa para sa kanila. Isang paraan ay ang pag-atas sa ilang indibiduwal o maliit na grupo na gumawa ng sarili nilang mapa. Pagkatapos, gagawa ng mas malaking mapa (gamit ang malaking papel gaya ng para sa flip chart) ang buong grupo na kung saan ay pagsasamahin ang mga naitala sa maliliit na mapa. Mas maraming mahalagang impormasyon ang makukuha sa mapang ginawa ng mga lokal na tao kaysa sa mga mapang ginawa ng mga tagalabas na eksperto. Ang mga mapa ay nagpapakita ng pananaw ng gumawa at nagbubunyag ng kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa kanilang mga yaman, gamit ng lupa at takbo ng pagtatatag mga kabahayan, bukiran, atbp., o katangian ng mga pamamahay. Sa pagitan ng mapa at ng modelo na kasunod na ilalahad, maaari mong himukin ang mga mamamayan na gumamit ng patpat at iguhit ang kanilang mapa sa lupa. Ang pagguhit ng mapa sa lupa, katulad ng pagguhit ng malaking mapa sa pader, ay magbibigay sa iyo at sa mga partisipante ng madaling pagkakataon na gawing prosesong panggrupo ang paggawa ng mapa. Mga Modelo: Kung ang mga mamamayan ay magdadagdag ng mga patpat at bato sa mapang ginawa sa lupa, gumagawa sila ng simpleng modelo: mapa na may tatlong dimensiyon (3-dimensional map). Huwag mong gawin ang mapa o ang modelo para sa mga partisipante; himukin mo silang lahat na mag-ambag. Habang pinagmamasdan mo sila, itala mo kung may pasilidad na iginuhit bago ang iba, kung mas malaki ang proporsiyon nito kaysa iba. Maari itong may kinalaman sa kung alin ang mas mahalaga sa kanila. Gumawa ka ng mga nota: makakatulong ito sa iyo para maunawaan ang sosiyolohiya ng komunidad. Gumawa ka ng kopya sa papel ng natapos na mapa o modelo para may permanente kang rekord. Magagamit mo ang mapa o modelo para sa pagbaybay (transect walks) ng komunidad na kung saan ay mas maraming detalye ang itatala. Paggawa ng Imbentaryo ng Komunidad Ang imbentaryo, lalo na ang proseso ng paggawa nito, ay ang pinakamahalaga at sentrong elemento ng pagtasa na kasali ang mga mamamayan. Ang proseso ng paggawa ng imbentaryo ng komunidad ay tinatawag ring "semi-structured interviewing." Kung walang-wala itong istruktura, ito ay magiging usap-usapan lamang na walang patutunguhan. Taliwas ito sa sesyon na "brainstorm" na mataas ang antas ng istruktura. (Ang brainstorm ay maraming gamit, lalo na sa parte ng pagbibigay kapangyarihan sa komunidad ng tumutukoy sa pagdisenyo ng proyekto). Ang paggawa ng imbentaryo ay nasa pagitan ng dalawang ito. Hinahayaan mo ang diskusyon na medyo libre, lalo na sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga partisipante na suriin ang kanilang mga kontribusyon sa paggawa ng imbentaryo. Hindi ka gagamit ng listahan ng mga katanungang dapat sagutin, subalit makakabuti na maghanda ka ng 'check list' ng mga paksang tatalakayin para makasiguro ka na mapapag-usapan ang mga ito. Kapag ginagawa mo ang 'check list', alalahanin mo na dapat mong isama ang kayamanan at kakulangan ng komunidad. Isama mo ang mga pasilidad, pati na kung gaano ito nagagamit ng husto o hindi. Isama mo rin ang mga potensyal at oportunidad pati na ang mga banta at balakid na maaaring mangyari o nangyayari na. Ang layunin mo ay makagawa ng imbentaryo na nagsusuri ng lakas at kahinaan ng komunidad. Hindi mo trabaho ang gumawa ng imbentaryo, trabaho mo ang gabayan ang mga mamamayan na sama-samang gawin ito. Diskusyon ng 'Focus Group': Maaaring magkaroon ng pagkakaiba ng karanasan at opinyon ang mga mamamayan o baka sensitibo sila sa pagbibigay ng impormasyon sa tagalabas o sa ibang tao sa kanilang komunidad. Dahil dito, makakatulong na magsagawa ng diskusyon ng 'focus group'. Makabubuti rin na may katulong ka sa pagsasagawa nito. Mag-imbita ka ng isa o dalawa pang miyembro ng 'facilitation team', isa ang mangunguna sa diskusyon habang ang isa ay nagtatala. Ang mga tatalakaying paksa ay dapat na mas kaunti kaysa sa paggawa ng imbentaryo ng komunidad. Una, magsagawa ka ng hiwalay na sesyon para sa iba't-ibang grupo (na magkakaiba ng interes), maingat na itala ang kanilang mga kontribusyon, pagkatapos ay pagsamahin sila para maibahagi ang mga espesyal ng pangangailangan ng kanya-kanyang grupo. Mahalagang maging maingat dito dahil kahit na kinikilala o tinatanggap mo na may iba't-ibang grupo sa komunidad, hindi mo gusto na lalo pang palakihin ang kanilang pagkakaiba o pagkakahiwalay ng mga grupo. Tingnan ang dokumentong, Pag-oorganisa para sa Pagkakaisa. Hindi mo pakay na maging pare-pareho ang iba't-ibang grupo; ang layunin mo ay dagdagan ang pagbibigay pasensiya sa isa't-isa, pag-unawa at kooperasyon sa pagitan nila. Ang mga espesyal ng 'focus group' ay magbibigay sa iyo ng pagkakataon na makisalamuha sa bawat grupo na maaaring asiwang magkasama sa una, ngunit kailangan mong magpunyagi na pagsamahin sila. Pagraranko ng Mga Kagustuhan (Preference Ranking): Kapag ikaw ay nagtratrabaho sa isang komunidad na may iba't-ibang grupo na may kanya-kanyang interes, makakabuting ilista mo ang pagraranko ng mga kagustuhan ng bawat grupo, pagkatapos ay samasama ninyong tingnan ito. Ang pagraranko ng mga kagustuhan ay magandang 'ice-breaker' sa simula ng panayam sa grupo, at makakatulong din sa paggabay sa diskusyon. Pagraranko ng Yaman: Isa itong magaling na paraan para (1) madiskubre kung ano ang kahulugan ng karalitaan o pagiging dukha sa mga mamamayan, (2) malaman kung sino talaga ang mga maralitang tao, at (3) ihanay ang mga halimbawa ng yaman. Pinakamabuting gawin ito kapag natamo mo na ang kumpiyansa ng mga mamamayan. Isang magandang paraan ang paggawa ng mga kard na may pangalan ng bawat pamamahay (isang kard, isang pamamahay) sa komunidad. Pumili ka ng ilang miyembro ng komunidad. Sabihan mo sila na i-grupo ang mga kard batay sa iba't-ibang panukat ng yaman at ipaliwanag ang kanilang mga dahilan sa pag-grugrupo. Kung papaano nila ginawa ang pag-grugrupo at ang mga dahilan sa paggawa ng mga grupong ito, at paglalagay ng mga pamamahay sa bawat grupo, ay magbubunyag ng maraming detalye tungkol sa situwasyon sa komunidad na may kinalaman sa paksang panlipunan at pang-ekonomiya. Pagguhit ng Pana-panahong Pangyayari at Kasaysayan (Seasonal and Historical Diagramming): Sa maikling pagbisita sa lugar, madaling makaligtaan o hindi makita ang mga kaibahan at takbo ng buhay sa bawat panahon o kasaysayan ng lugar. Maaari mong atuhan ang iba't-ibang teknik ng pagguhit na makakatulong na matukoy ang mga pagbabago sa: pag-ulan, pangangailangan sa manggagawa, pagsasaka, pangingisda, panghuhuli ng hayop, pag-aalaga ng hayop, pangangalap ng kahoy, pagdaranas ng sakit, pagdayo sa ibang lugar para makapagtrabaho, pag-imbak ng pagkain, at iba pang elemento na nagbabago sa paglakad ng panahon. Pagmamapa ng mga Institusyon:: Sa ibang bahagi nitong modulo, isinaad na ang isang tagamobilisa ng komunidad ay kailangang maging 'social scientist' o tagapagsaliksik ng lipunan. Sa maikling pagbisita sa lugar, mahirap makakuha ng impormasyon tungkol sa organisasyon ng lipunan sa komunidad pati na ang mga katangian nito. Ang mga komplikadonng relasyon sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap sa komunidad, ang mga sagpian at alitan ng mga pamilya, ang mga grupong politikal ay mahirap maliwanagan sa ilang linggo lamang. Ang paggamit ng mga paraan na may partisipasyon ng mamamayan ay makakatulong dito. Isang paraan para maunawaan ang mga hindi gaanong sensitibong aspeto ng mga pakikitungo ng mga mamamayan sa komunidad ay ang pag-atas sa mga napiling tao na may malawak na kaalaman sa komunidad (key informants) na gumawa ng Venn diagram. Ang teknik na ito ay gumagamit ng mga ginuhit na bilog; ang bawat bilog ay kumakatawan sa isang grupo o organisasyon na aktibo sa komunidad. Ang laki ng bawat bilog ay depende sa kahalagahan ng grupo sa komunidad, mas maliit ang bilog, mas kakaunti ang impluwensiya. Ang lawak ng pagkapatong o overlap ng dalawang bilog ay nagpapakita ng lawak ng kolaborasyon o magkasamang paggawa ng desisyon ng dalawang grupo. Alamin kung Kailan Gagamitin ang mga Paraan: Ang paraan ng PRA/PAR ay naaangkop sa paggawa ng pagtasa kung gusto mong isali ang mga mamamayan. Subalit hindi pinaka-angkop ang mga paraang ito sa iba pang bahagi ng proseso ng pagbibigay kapangyarihan sa komunidad. Hindi ito angkop kung halimbawa ay natukoy na na kailangan ang pagtuturo ng isang kaalaman o kakayahan (skill transfer). Ang training ay maaaring may partisipasyon, dahil natututo ang mga trainee sa paggawa, pero hindi dahil sa paggamit ng mga teknik ng PRA/PAR. Gumagamit tayo ng mga istorya, kasabihan o nahahawig na kasaysayan para maituro ang isang punto sa mga mamamayan. Isa na rito ang kasabihang, "Huwag kang humingi ng gatas sa manok at huwag kang humingi ng itlog sa baka."... Ang hinihingi mo sa pamamaraan ng PRA/PAR ay pagtasang may partisipasyon ng mamamayan, wala nang iba pa. ––»«––© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
––»«–– |
Pangunahing Pahina |
Pagtasa na Kasali ang mga Mamamayan |