Tweet Mga Salin:
'العربية / al-ʿarabīyah |
PAGPAPADALI NG PARTISIPASYON SA PAGTASAPagbibigay Sigla sa Pagtasa ng Sariling Komunidadni Phil Bartle,PhDIsinalin ni Lina G. CosicoMga Nota ng FacilitatorAno ang gagawin mo, bilang mobiliser o facilitator ng komunidad, para maudyukan at bigyan ng lakas ng loob ang mga mamamayan na makilahok sa pagtasa ng mga kayamanan at pangangailangan ng komunidad?Ang Kahalagahan ng Partisipasyon ng Komunidad Ang partisipasyon ng lahat ng miyembro ng komunidad sa isang maayos na pagmasid, pagtala at pagtasa ng sarili nilang komunidad ay isang sentrong elemento sa proseso ng pagbibigay kapangyarihan sa mga komunidad. Dahil dito, napakahalaga na magampanan mo ang iyong tungkulin na magbigay ng lakas loob sa mga mamamayan at padaliin ang proseso. Kung ang mga mamamayan ay walang iisang layunin at wastong pag-unawa ng mga pangangailangan ng kanilang komunidad, hindi magkakaroon ng pinagkaisahang prayoridad na solusyon at samasamang aksiyon sa paglutas ng problema, pagsulong ng komunidad at pagbawas sa kahirapan. Tingnan Pag-oorganisa Para sa Pagkakaisa. Sa makatuwid, ang iyong gawain bilang mobiliser ay mahalaga para sa pagsulong ng komunidad, at ang iyong pagpapadali ng partisipasyon ng mga mamamayan sa pagtasa ay kinakailangan para sa pag-asenso ng komunidad. Tingnan ang dokumento tungkol sa Pagtasa at Pagsaliksik na Kasali ang mga Mamamayan ( ang pinaka-ubod na dokumento ng modulong ito) para sa mas malawak na paliwanag tungkol sa kahalagahan ng prosesong ito sa pangkalahatang siklo ng paglutas ng problema, mobilisasyon o pagbigay kapangyarihan sa komunidad. Ang mga kailangan mong kakayahan: Ang pinakamagaling mong guro ay ang karanasan. Makakatulong sa iyo ang makatrabaho ang isang bihasa sa PRA o PAR. Kung hindi ka magkaroon ng ganoong pagkakataon o para madagdagan pa ang iyong karanasan, magbasa ka hanggang makakaya mo, atuhan mo na maging faciltator at pagkatapos ay mag-usap-usap kayo ng iba pang gaya mo para magkabahagian ng mga karanasan at magkumpara ng mga resulta. Ang isang magaling na facilitator ay hindi tumitigil sa pag-aaral. Ano ang dapat basahin sa sariling pag-aaral na ito? Sa site na ito ay may ilang dokumento na tutulungan kang matutunan ang mga prinsipyo, at ang pinakamahalaga, matutunan ang mga pansariling kakayahan at teknik na magagamit mo. Tingnan, bilang halimbawa, ang sanaysay ni Kamal Phuyal ng Nepal, Pagbabahagi ng Kaligayahan, Pagbabahagi ng PRA, para masiyasat ang mga katanungang "Bakit" at "Paano" ng PRA. Tingnan ang presentasyon ni Ben Fleming, Partisipasyon, para sa isang pinag-isipan ng husto na listahan ng mga paraan na magagamit mo. Tingnan din ang Ang Maging Isang Mobiliser, basahin mo ang listahan ng mga katangiang kinakailangan ng isang mobiliser. Tingnan din ang modulo tungkol sa Brainstorm , dahil marami sa mga paraan doon ay magagamit mo sa panahon ng pagtasa. Kung madali kang makakonekta sa internet, pumunta ka sa mga pahina ng Mga Link at Samutsari (misc) sa site na ito para makapag-umpisa ka sa iyong pagsaliksik. Magpunta ka sa iba pang mga website na may materyal tungkol sa paksang ito. May isang serye ng mga papel mula sa IDS (Institute of Development Studies) sa Sussex, UK. Kasama rito ang mga isinulat ni Robert Chambers, ang kinikilalang pinakakampeon ng mga metodolohiyang may partisipasyon. Marami pang ibang mapagkukunan ng mga materyal sa training mula sa internet, sa mga aklatan ng mga unibersidad; kailangan mo lamang ay magsaliksik. Pero ang pinakakailangan ay gumawa, makibahagi, at gumawa. Ang ibig sabihin nito ay isalang mo ang sarili sa trabaho at hanggang sa maabot ng iyong kaya ay isagawa mo ang pagbibigay kakakayahan o kapangyarihan sa mga mamamayan gaya ng nakasaad sa modulong ito, pagkatapos ay ibahagi mo ang iyong mga karanasan sa iba pang kagaya mo na nagtratrabaho sa komunidad, pagkatapos ay magpatuloy ka sa iyong gawain. Hangga't maaari ay dumalo ka rin sa mga workshop at seminar. Sa iyong pag-oorganisa ng mga aktibidades sa komunidad, gaya ng paggawa ng mapa, paggawa ng imbentaryo, mahalaga na ipakita mo ang iyong pagka-lider, subali't mahalaga rin na himukin mo ang lahat na makilahok sa proseso. Huwag mong igiit ang sariling mong ideya tungkol sa kanilang mga pangangailangan at kayamanan. Maging maingat ka sa iyong pagsulong ng consensus at pagkakaisa (tingnan Pagmomobilisa para sa Pagkakaisa) at siguraduhin mong ikaw ay matapat at bukas (transparent) sa iyong gawain. Ipakita mo sa mga mamamayan na ang bunga nang kanilang pinaghirapan ( mapa at imbentaryo) ay galing sa komunidad at hindi lamang mula sa iilang grupo na gustong makinabang. Sa iyong paghahanap ng mga materyal na tutulong sa iyo sa iyong trabaho, o para mapabuti lalo ang iyong teknik, huwag mong kakalimutan ang Handbook ng Mobiliser (Mobiliser's Handbook). Sa site na ito ay makikita mo ang isang elektronikong kopya nito. Tingnan mo ang mga kabanata tungkol sa paghahanda para maging mobiliser. Ang mga magagamit na dokumento para sa training na makikita sa site na ito ( bukod sa makikita sa modulong ito) ay: Pagsasamang- isip (Brainstorm), Partisipasyon (Participation), Pagbabahagi ng PRA (Sharing PRA), Pag-oorganisa para sa Pagkakaisa (Unity Organizing), Ang Maging Mobiliser (To be a Mobiliser) at ang Handbook ng Mobiliser (Mobilizer Handbook). ––»«––Pagtasa ng mga Kayamanan at Pangangailangan ng Komunidad: © Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
––»«–– |
Pangunahing Pahina |
Pagtasa na Kasali ang mga Mamamayan |