Pangunahing Pahina
 Pagssasaayos




Mga Salin

'العربية / al-ʿarabīyah
Bahasa Indonesia
Català
中文 / Zhōngwén
Deutsch
English
Español
Ewe
Filipino/Tagalog
Français
Galego
Ελληνικά / Elliniká
हिन्दी / hindī
Italiano
日本語 / Nihongo
한국어 / Hangugeo
بهاس ملايو / Bahasa Melayu
Polszczyzna
Português
Română
Русский
ไทย / Thai
Tiếng Việt
Türkçe

                                        

Ibang mga Pahina:

Mga Modyul

Mapa ng Site

Susing Pananalita

Ipagbigay-alam

Mga Dokumento

Mga Magagamit na Link

mga laman:

mga laman:

mga laman:

mga laman:

mga laman:

mga laman:

mga laman:

PAGBUO NG MGA TAGAPAGSAAYOS

Gabay para sa Kanilang mga Tagapagsanay

ni Phil Bartle, PhD

isinalin ni Maureen Genetiano


Gabay para sa mga Tagapagsanay

Paano natin magagawa na ang mga ordinaryong tao ay maging mga tagapagsaayos ng isang komunidad?

Kung ang pagsasaayos ng mga komunidad ay napakahalaga upang patatagin sila, paano natin mabibigyan ng mga kakayahan sa pagsasaayos ang mga taong nagnanais na gumawa nito? Ang mga dokumento sa pagsasanay na nakapaloob sa modulong ito ay magbibigay-gabay sa mga taong maaaring maging mga tagapagpakilos sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga kinakailangang mga prinsipyo at kaalaman. Kung ikaw ang nagbibigay ng pagsasanay, nanaisin mong malaman kung paano gagamitin ang mga manwal sa na nakapaloob sa modulong ito.

Pinapayuhan ka namin, tulad ng nakasanayan, na tingnan mo ang modulo ng Mga Paraan sa Pagsasanay, na nagsasaad ng pangkalahatang gabay. Ang dokumentong ito ay nakatuon sa pagbibigay ng kaalaman sa pagsasaayos. Ang mga kaalamang ito ay pinagsamang kaalaman sa pagsasaayos sa pangangalakal at kaalaman sa pagsasanay ng mataas na antas ng pamamahala. Isinu-suhestiyon din namin na tingnan mo ang modulo sa Punsiyunal na Kaalaman sa Pagbasa at Pagsulat. Kung saan pinapayuhan namin ang mga tagapagsanay na huwag magbulag-bulagan sa pagkopya ng mga nakasanayang paraan, bagkus ay magsimula ng mga basikong prinsipyo at gumawa ng mga bagong kaparaanan mula sa kanila.

Pagsasanay para sa Pagkilos

Sa maikling manwal na ito, pinapayuhan namin ang mga sinasanay kung paano magplano sa pamamagitan ng pagpaplano. Ginagaya nito ang mismong mga prinsipyo na tinuturo namin na gagamitin mo sa pagsasanay ng mga tagapagpakilos.

Paalalahanan mo ang mga sinasanay na sa pangkaraniwan o nakasanayang institusyong edukasyonal, mayroon silang mga nakatalagang mga kurso o pag-aaralan, at ang mga mag-aaral ay tinatantiya kung gaano nila kahusay nasagutan ang mga tanong sa pagsusulit (o kung paano sila gumawa ng mga nakatalagang gawain). Sila ay tinatantiya, at hinuhusgahang matagumpay, kung gaano nila kahusay maipamamalas ang kanilang mga natutunan. Habang sa Pagsasanay para sa Pagkilos, ang aming mga tinuturuan at sinasanay, kung papaano dito nila natututunan na ang mga kinakailangang kaalaman ay tinatantiya sa pamamagitan ng kanilang mga kilos at gawa pagkatapos ng kanilang pagsasanay, at hindi sa pamamagitan nga kanilang mga pagsusulit o mga sulatin, na nagpapakita lamang sa kanilang mga kakayahan sa pagpasa ng mga pagsusulit.

Ito ay isang hindi pangkaraniwan at hindi nakasanayang pagsasanay.

Ang aming isinusulong dito ay ang pagpapaalala sa mga sinasanay na hindi nila dapat nilalagay ang miyembro ng kanilang komunidad sa isang paaralan para ipasa ang mga pagsusulit, bagkus ay pabayaan silang matuto sa pamamagitan ng paggawa. Suriin at tantiyahin sila sa pamamagitan ng kanilang mga ginagawa at hindi sa kanilang mga natutunan. Hayaan mong ang pagsasanay nila rito ay maging pagpaplano at pagdi-disenyo ng mga plano upang makamit ang mga adhikain ng isang komunidad. Hayaan mo silang isaayos ang kanilang mga sarili (kaakibat ang gabay mula sa kanilang tagpagsanay na nagsisilbing tagapagpakilos ng kanilang komunidad) upang makamit ang mga layunin (na naipapakita sa pamamagitan ng isang "proyekto"). Suriin at tantiyahin ang kanilang pagsasanay sa pamamagitan kung gaano ka-matagumpay nilang maisasaayos ang pagsasakatuparan ng kanilang mga plano.

Bilang isang grupo, hayaan mong ang mga sinasanay ay magpanggap na sila ay magkakasama sa isang komunidad. Isasaayos mo sila na makapag-desisyon, magplano sa mga minimithing pangkalahatang pagbabago sa komunidad at mag-disenyo ng isang proyekto para sa komunidad.

Gamitin mo ang kanilang plano bilang punto ng pakikipagtalakayan, maipapalabas mo sa mga sinasanay ang pagkakaiba ng (1) pagsasaayos para sa paggawa ng mga desisyon at (2) pagsasaayos para sa pagkilos. Ipalabas mo rin sa kanila ang iba't ibang mga prinsipyo na ipinasok mo at nila sa kanilang pagsasaayos at pagpaplano.

Sa pagsasanay, ang pagsusuri at pagtatantiya ay batay sa kung gaano nila kahusay naisagawa ang pagpaplano. Sa iyong pangkalahatang gawain, ang pagsusuri at pagtatantiya para sa kanila ay batay sa kung gaano nila kahusay nakumbinsi ang mga miyembro ng komunidad na pumili at magplano ng isang proyekto para sa komunidad.

Ang Pagbuo ng Isang Ehekutibo

Ito ay maaaring gawing masayang talakayan, ngunit nakapagbubukas-mata rin. Ito ay mas maiging gawin sa isang grupo na may bilang na dalawampu at pataas.

Maaari mo itong gamitin pagkatapos ng talakayan tungkol sa pagpaplano at pagdi-disenyo ng proyekto sa komunidad, o kaya ay ipagsama-sama mo ang mga ito. Ang buong pagsasanay at talakayan para sa modulong ito ay maaaring isaayos upang magsama-sama ang mga ito sa iisang talakayan na maaaring magtagal ng buong araw. Ang ideyang ito ay nagsasaad na dapat maisaayos ang buong grupo para sa isang dula, kung saan ang lahat ay dapat sumali. (Ang mga importanteng panauhin ay nararapat na isali ito sa laro at hindi hayaan lamang na magmasid; ang kanilang pag-oobserba lamang ay makaka-istorbo sa pagiging malikhain at patuloy na pagdaloy ng mga pagbabago at pag-iibang anyo).

Ang mga gawain ay ang pag-akto ng grupo bilang isang komunidad, ang pumili ng ehekutibo upang gumawa ng mga plano para sa buong komunidad at mag-disenyo ng unang proyekto nito kung saan lahat ng miyembro ng komunidad ay aktibong makikilahok sa lahat ng mga gawain nito. Ang pagplano ng isang dula ay bahagi din ng pagsasanay katulad ng pagsasadula ng mga iba't ibang papel dito. Katulad ng karamihang mga dula o larong pagpapanggap, mahalaga na magkaroon ng talakayan ang grupo upang alamin at mapag-usapan ang mga pangyayari. Magtanong kung anu-ano ang mga natutunang leksiyon mula dito na maaaring gamitin sa pagpapakilos at pagsasaayos ng komunidad.

Isang kapaki-pakinabang na elemento ang pagkilala sa isang tao bilang isang aktor na gaganap sa papel at isa o dalawang tao ang kilalaning "mga tagapayo" para sa aktor na iyon. Ang "mga tagapayo" ay maaaring humingi ng sandaling-tigil upang payuhan ang aktor na gaganap sa papel, at gamitin ang natitira pang oras upang turuan ang aktor o tagapag-ganap na gampanan ang papel nito sa mas nakakapukaw-pansin, nakakaaliw at nakakatuwang paraan. Gagawa ka ng isang orihinal na dula magagamit ng grupo. Dito, kikilalalnin mo ang mga kasalukuyang namumuno, maaaring ito ay ang tradisyonal na tagapamuno at mga konsehal, o kaya ang alkalde, o grupo ng mga konsehal, o kung anuman ang matatagpuan sa lugar na pagta-trabuhan ng mga tagapagpakilos. Maaaring ito ay binubuo ng isang aktor na gaganap sa papel at dalawang tagapayo , o kaya dalawa o tatlong aktor o tagapag-ganap na may isa o dalawang tagapayo, depende sa laki ng grupo ng sinasanay.

Pagkatapos, sa loob ng isang komunidad, kilalanin mo ang iba't ibang uri ng mga miyembro nito. Siguraduhin mong maisali mo ang mga kategorya ng mga taong malimit na hindi naisasali sa proseso ng komunidad. Tulad ng mga babae, mga taong may kapansanan, maliit na pangkat ng mga katutubo o maliit na pangkat ng relihiyon sa mga konserbatibong lugar. Samantala, kung sa pang-kanlurang sangkatauhan naman, maaaring ang mga ito ay ang mga matatanda, mga kriminal o mga dating bilanggo. Isang prinsipyo – ay isang bagay na dapat mong ipaliwanag sa buong grupo habang ito ay iyong ginagawa, o habang ginagawa ito ng grupo sa likod ng iyong paggabay. Ito ay ang paglagay sa mga tao, hangga't maaari, sa mga posisyon na wala sila o hindi nila nararanasan sa totoong buhay. Ilagay mo ang isang lalaki sa posisyon ng isang "babae" na tagapag-ganap. Ilagay mo ang isang malusog at aktibong tao sa katayuan ng isang "taong may kapansanan" na tagapag-ganap. Ilagay mo ang isang mahiyain at mailap na tao sa posisyon ng isang ambisyosong lokal na pulitiko na nagnanais na gamitin ang proseso ng pagsasaayos para sa pansariling pampulitikang kapakanan.

Sa pagkakataong ito, dadalhin naman tayo sa isang elemento ng dula. Pumili ng iba't ibang papel ng mga tao na magatatapon ng "liyabe-de-tubo" sa isang makinarya.(1) Kilalanin ang mga miyembro ng komunidad na maaaring magpabago ng mga kaparaanan sa pagsasaayos makamit lang ang kanilang mga sariling hangarin. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring gawing isang punung-guro ng isang lokal na paaralan na siyang magkukumbinsi sa buong komunidad na ang gusto talaga nila ay magkaroon ng isang bagong paaralan.

Tandaan: Ang pariralang "Magtapon ng liyabe-de-tubo sa isang gawain"ay isang kasabihang mula sa mga mekaniko na nangangahulugang ang paggawa ng mga bagay na makakapagpagulo sa isang gawain, na siyang makakapagpatigil sa maayos na takbo ng isang proseso, o kaya ay makakasira sa kaayusan. Ang isang liyabe-de-tubo ay isang napakahalagang kasangkapan sa paghihigpit o pagpapaluwag ng turnilyo, ngunit maaaring ito ay maging isang napakalaking hadlang at makapagdudulot ng sakuna kung ito ay itatapon sa tumatakbong makinarya kung saan ito ay hindi kailangan dito.

Siguraduhin na ang taong gaganap bilang isang tagapagpakilos ay mayroong dalawang tagapayo, o kilalanin ang dalawang tagapagpakilos na kinakailangang magsanib-puwersa upang isaayos ang isang komunidad. Ito ang/mga taong tatawagin upang kontrahin ang mga liyabe-de-tubo na ilalagay mo sa makinarya. Ito ay nangangailangan ng lakas at kasanayan. Isang pang maaaring idagdag (at maari ring hindi) ay ang pagkilala sa isang kasalukuyang namumuno o konsehal na gawain ang pangungurakot (bilang papel na gagampanan sa dula), na maaaring gumawa ng mga bagay na hindi malinaw sa komunidad at sa likod nito ay makakakuha ng mga pansariling benepisyo ang taong ito mula sa proseso ng pagsasaayos.

Ang isa pang gagampanang papel na pwedeng gamitin ay tungkol sa isang miyembro ng komunidad na walang pakilalam o kaya tamad, bagamat ang taong ito ay ipapakita ng malinaw ang kanyang posisyon at hindi maglalaho mula sa komunidad na karaniwang nangyayari.

Makipagtalakayan sa grupo para sa papel na gagampanan ng isang tagapag-ingat-yaman. Kilalanin ang dalawang papel na gagampanan para sa tagapag-ingat-yaman ng ehekutibo. Ang isa ay isang guro na may karanasan sa pagpapatakbo ng pera/pondo ngunit mula sa malayong lugar at walang magdudugtong sa kanya sa komunidad na ito at wala ring kaparaanan ang isang komunidad na makapagdulot ng kontrol upang masiguro ang katapatan ng guro. (Ang taong ito ay naghahangad na siya ang humawak ng pondo at may balak na itakbo ito kapag nagkaroon ng pagkakataon). Ang isa naman ay isang matandang babae na hindi nakapag-aral ngunit marunong magbilang, may magandang reputasyon sa pagiging matapat, mapagkakatiwalaan at maaasahan ng mga miyembro ng komunidad. Hinahangad niya kung ano ang mas makabubuti para sa komunidad at maaasahan na gagawin ang nararapat para sa kapakanan ng komunidad.

Ang gawain ng grupong ito, na may kasamang pagtuturo at paggagabay sa lahat at iba't ibang papel na gagampanan sa proseso, ay ang alamin kung paano pumili ng ehekutibo, at kung sinu-sino ang kasama dito. Paalalahanan ang grupo na ang mga eleksiyon, kasama na ang eleksiyon sa pamamagitan ng paggamit ng sikretong balota ay kinakakitaan ng pagkahiwa-hiwalay ng maraming lipunan at ang paghahanap o pagkakaroon ng iisang desisyon o pagkakasundo sa pamamagitan ng pagtatalakay ukol dito ay mas katanggap-tanggap.

Ang paghahanap ng konsensus ay mayroong pedagohiyang papel o tungkulin, na ang iba't ibang tagapag-ganap ay makakapagbuo ng mga ideya para sa kanilang mga posisyon, at ang lahat ay maaaring magsukat ng kahalagahan ng mga papel na kanilang ginagampanan. Ang iba't ibang uri ng diyalogo, bilang resulta, ay makakatulong sa mga sinasanay upang maintindihan ang mga proseso na gagamitin nila sa komunidad sa totoong buhay.

Ang talakayan ay dapat naglalayon na pumili ng isang ehekutibo na mamamahala sa mga proseso ng pagsasakapangyarihan na pipiliin ng komunidad.

Ang parehong talakayan ay maaaring palakihin, matapos ang ilang panandaliang pagtigil o pagpahinga, upang maisama ang pagbubuo ng isang plano sa pagkilos ng komunidad at ang pagdisenyo sa unang proyekto ng komunidad sa nasabing plano.

Pagsusuri at Pagtatantiya sa mga Kondisyon

Ang talakayang ito (Pakikilahok sa Pagtantiya) ay maaaring gamitin sa pagputol ng pagtuluy-tuloy, sa pagitan ng pakikipagtalakayan tungkol sa pagpili ng ehekutibo at paggawa ng plano sa pagkilos ng komunidad. Sa mga gawain sa komunidad, ang proseso sa pagtantiya o pagsusuri ay dapat nauuna sa pagpaplano.

Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga kaalaman, ang ilang pagsasanay at pagpapaliwanag ng mga kaparaanan ng PRA o PAR, na binuo at nanggaling sa Sussex o sa Unibersidad ng Columbia ay magiging kapaki-pakinabang dito. Kapag nakahanap ka ng PRA/PAR na espesyalista na sasali sa pagsasanay bilang isang mang-aambag na nagmula sa labas, ito ang pinakamabuting paraan.

Samantala, ito ay isang magandang oportunidad para sa mga sinasanay na magplano ng pagdalaw sa lugar. Kailangan mo munang (ng ilang linggo bago ang pagsasanay) makipag-ugnayan sa mga lokal na namumuno o mga manggagawa sa komunidad. Ang komunidad ay maaaring isang baryo o siyudad. Sa oras ng pagsasanay, dalhin mo ang buong grupo at sabay ninyong ikutin ang lugar. Ang paglilibot o pagdalaw ay hindi dapat gawing isang biyahe ng pagmamasid lamang. Bago pa man ito maganap, ihanda mo ang mga nagsasanay at sabihan na isipin at ilagay nila ang kanilang mga sarili animo mga naninirahan at miyembro ng komunidad na kanilang dadalawin. Huwag muna nilang isipin pansamantala ang mga papel na nagampanan na nila at gagampanan pa lamang mula pa sa mga ibang pagsasanay at talakayan. Isipin muna nila sa pagkakataong ito na sila ang mga naninirahan sa komunidad.

Ipaliwanag mo sa kanila sa panahon ng paglilibot na kailangan nilang magsulat at mag-drowing at pagkatapos ng biyahe ay magtitipun-tipon sila upang gumawa ng pinagsama-samang mapa, kasama na ang isang pagsusuri at pagtatantiya sa mga positibo at negatibong mga bagay na kanilang namasdan. Ang mga positibong elemento ay katulad ng mga potensiyal at mga mapagkukunang-yaman na maaaring magamit sa mga proyekto ng komunidad. Ang mga negatibong elemento naman ay katulad ng pangkaraniwang listahan ng mga sirang kagamitan at mga hindi napapakinabangang serbisyo ng komunidad.

Maaari ring isama mo sa talakayan ang isang dalubhasang tagapagpakilos mula komunidad sa paksang tungkol sa komunidad mismo pagkatapos ng paglilibot. Mas mabuting pagkunan ng kaalaman at karanasan ang isa ng dalubhasang tagapagpakilos sa komunidad sa panahon ng paggawa ng grupo ng isang sulatin tungkol sa pagsusuri at pagtatantiya. Ngunit sa pagkakataong ito, huwag munang aluking gumawa ng presentasyon ang taong ito. Ang grupo ay bibigyan ng gawain na maghanda ng sulatin tungkol sa pagsusuri at pagtatantiya, gayundin ng ginuhit na mapa tungkol sa kabuuan ng lugar na dinalaw.

Depende sa dami ng nagsasanay, maaari mong paghati-hatiin sila sa mas maliliit na grupo na may apat o limang tao at ang bawat isa ay bibigyan ng iba't ibang aspeto ng ihahandang pagsusuri at pagtatantiya. Ngunit paalalahanan mo sila na ang mga maliliit na grupong ito ay hindi mga grupo ng talakayan ngunit mga grupo para sa paggawa, at kailangan nilang maipalabas ang mga elemento sa pagsusuri at pagtatantiya tungkol sa komunidad. Siguraduhin na mayroon silang mga lapis, papel at pisara na maaari nilang gamitin kung kinakailangan.

Sa pagsasama-sama ng mga pangkat, kailangan din nilang pagsamahin ang kanilang mga nagawa o naiambag upang makagawa ng pinagsamang pagsusuri at pagtatantiya. Kapag nagawa na ito, saka lamang maaaring talakayin ng pinagsamang mga grupo o pangkat ang pinagsamang mga pagsusuri at pagtatantiya. Maaaring magkaroon o hindi ng isa pang diskusyon matapos magkaroon ng talakayan tungkol sa pinagsamang pagsusuri at pagtatantiya ngunit ito ay nakasalalay kung mayroon pang bakanteng oras para dito. Ang paggawa ng isang sulatin ng pagsusuri at pagtatantiya ay siya mismong pinakamahalagang parte ng proseso para sa mga sinasanay. Kapag ang pagsasanay naman ay puno na ng napakaraming talakayan, nagiging paulit-ulit na rin naman ito.

Ang pagpapasali ng PRA/PAR na espesyalista mula sa labas ay maaaring gawin bago maganap o pagkatapos na ng paglilibot.

Plano sa Pagkilos at Pag-disenyo ng Proyekto sa Komunidad

Sa mga naninirahan (lalo na sa mga baryo) at gayundin sa mga tagapagpakilos, kapag walang sapat na pagsasanay at karanasan, malimit na mayroong pagkakalito sa pagitan ng plano sa pagkilos at proyekto para sa komunidad. Dahil sa nakalipas na mga panahon, karamihan sa mga aktibidad ukol sa pagpapaunlad ng komunidad, ang mga opisyal sa pagpapaunlad ang siyang mga gumagawa ng pagpaplano at ang mga miyembro ng komunidad ay tatawagin lamang upang gumawa ng libreng trabaho o gawain.

Sa parehong kadahilanan, malimit na mayroong pagsasalungat sa mga gawain sa komunidad lalo na sa mga nakaraang grupo, dahil sa ang sinasabing pagpapaunlad sa komunidad ay lumalabas na isang uri ng sapilitan, maging pang-alipin, na mga gawain.

Kailangan mong siguraduhin na ang iyong mga sinasanay ay kayang maipaabot ang mensahe sa mga miyembro ng komunidad na kung gusto nila ng klinika, paaralan, poso, o kaya naman ay gusto nilang mapanatili ang pagsang-ayon ng mga may-ari ng mga pinauupahang-bahay na magpabayad ng katamtamang renta, dapat na ang mga miyembro ng komunidad ang gumagawa ng pagsasaayos at pagpaplano at hindi ang tagapagpakilos sa komunidad. Dahil nga sa hindi madaling paakuin ng responsibilidad ang mga naninirahan sa komunidad na tapusin ang mga gawain sa pagpaplano, isang malaking tukso para sa isang tagapagpakilos na siyang gumawa at magtapos ng gawain. Mali!

Kapag nasimulan mo na ang pagsasanay na ito, maaari mong ipagpatuloy mula sa nasimulang malakihang pagsasanay na pagganap ng iba't ibang papel ang pagpili ng ehekutibo. Maaari mong baguhin ang ibang mga papel na gagampanan. Mas nanaisin natin na piliin ng komunidad ang mga matatandang babae na hindi marunong magbasa at sumulat kaysa sa mga taong hindi miyembro ng komunidad ngunit may mataas na pinag-aralan, para naman ang mga sinasanay ay mabigyan ng mga bagong papel na gagampanan. Ang mga taong may mga interes at pagnanais na manipulahin ang proseso para sa kanilang pansariling kapakanan ay magpapatuloy sa kanilang ginagawa, pabayaan lamang sila, at marahil magdagdag ng mangilan pa na may iba namang interes at pagnanais.

Isang panibagong papel na maaaring gampanan ay isang tao na kung sa anong kadahilanan ay salungat sa buong proseso ng pagsasakapangyarihan ng isang komunidad, at nagpupumilit na dapat silang maghintay hanggang ang gobyerno o pamahalaan (o kaya ay isang ahensiya na nagbibigay ng tulong) ay gumawa ng lahat ng ito para sa kanila. Sa totoong buhay, ang mga taong ito na sumasalungat sa nasabing partisipasyon ng komunidad ay siya mismong mga taong nakinabang sa mga bagay na nagawa na sa nakalipas na panahon. Maaaring sila ay mga lider o opisyal sa nasabing lugar na nakatanggap ng boto o nakatamo ng pag-angat sa posisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo, sa halip na pagsasakapangyarihan ng mga tao na maging independente at makagawa ng mga bagay para sa kanilang mga sarili.

Sa pagkakataong ito, pagsamahin mo sa isang mesa ang mga ehekutibong komite at paupuin sa harap, habang ang mga natitirang mga sinasanay ay sasabihan na sila ang magsisilbing mga miyembro ng komunidad na hindi kasali sa ehekutibo. Maaari lamang silang magmasid sa pagpupulong ng ehekutibo at alam nila na hangga't wala ni isang miyembro ng ehekutibo ang magsasabi sa kanila tungkol sa mga nangyayari, hindi nila malalaman kung ano ang mga desisyon na pipiliin ng ehekutibo.

Ang ehekutibo ang siyang magdedesisyon kung kailan nila sasabihan ang publiko kung ano ang kanilang mga napagkasunduan o napag-desisyunan.

Paminsan-minsan, ang isang miyembro ng buong komunidad ay pupunta sa mesa sa harapan at makikiusap na pakinggan ng ehekutibo, makikipagtalakayan at mamimili ng isang desisyon. Maaaring ito ay taong nasa puso ang pagpapaunlad ng komunidad o kaya naman isang tao na nag-iisip lamang ng pansariling kapakanan.

Sa unang hakbang ng proseso, kailangang gumawa ng isang plano para sa komunidad ang ehekutibo. Gumawa ng isang limang-taong-plano para sa kanila. Ang plano ay dapat batay sa apat na mga katanungan na nasa manwal. Maaari kang maglagay ng isang malaking poster sa dingding kung saan nakalista ang apat na mahahalagang mga katanungan. Maaari rin namang hindi ito gawing masyadong pormal at prospesyonal. Ang nasabing plano ay nararapat na mayroong isa o higit pang mga proyekto para sa komunidad. Maaari itong magsama ng isang hindi pang-materyal na proyekto tulad ng isang programa para sa kaalaman.

Maaari ka ring magdagdag ng isa pang papel na gagampanan (kasama ng mga tagapayo) ng mga taga-plano sa rehiyon o probinsiya. Sila ay magpupumilit na ang komunidad ay nararapat na sumunod sa mga plano ng mas malalaking lugar, habang ang ehekutibo ay makikipagtalo na nararapat na ang malalaking lugar ay sensitibo sa mga ninanais at plano ng mga komunidad, kung gusto nitong idaan sa isang demokratikong kaparaanan. Ang takbo ng nasabing diyalogo ay maaaring gawing batayan ng isang dula ng oras na ito. Maaari mo ring patigilin pansamantala ang dulang ito upang talakayin ang mga implikasyon nito para sa kabuuan.

Pagkatapos ng pagsasanay sa pagbuo ng isang plano para sa paggawa ng isang komunidad, mag-rises sandali. Ang paggawa ay siya mismong magsisilbing pagsasanay at ito ay hindi muna mangangailangan ng isang talakayan. Sa pagkakataong ito, mas maigi na papanoorin mo muna sila ng isang palabas, pagkatapos ay tumigil para sa pananghalian o maaari rin namang ipagpatuloy ito kinabukasan.

Ang pagsasanay tungkol sa pag-disenyo ng isang proyekto ng komunidad ay katulad din sa pagbuo ng isang plano. Maaari mong pagpalit-palitin ang mga tao sa iba't ibang papel na gagampanan upang mabigyan ang bawat isa ng iba't ibang karanasan at madagdagan ang kaalaman ng mga sinasanay tungkol sa iba't ibang mga tungkulin na gagampanan nila sa totoong buhay.

Kung nais mong gumamit ng mas marami pang manwal kaysa sa matatagpuan mula sa modulong ito, mayroon pang isang buong modulo tungkol sa pagdisenyo ng proyekto. Tingnan sa: Disenyo ng Proyekto.

Pagsasaayos para sa Pagkilos

Ito ang panghuling dokumento sa modulong ito na tumutukoy sa pagtuturo sa mga sinasanay na ang isang organisasyon ay nararapat na mayroong isang malinaw na kinikilalang layunin, at ang nasabing layunin ay siya mismong magdidikta sa istruktura o kaparaanan kung paano ito isasaayos.

Sa ibat't ibang lugar na nakapaloob sa website na ito, mariing binabanggit na ang antas ng organisasyon o pagsasaayos ng isang grupo ay isang salik na nagdudulot ng lakas dito. Isa ito sa labing-anim na mga salik o elemento ng kapasidad. Tingnan o hanapin sa Pagsusukat ng Pagsasakapangyarihan.

Kapag ang mga sinasanay ay mga bata pa at may mga maayos na pangangatawan, na dapat lamang, gumamit ng isang larong pang-grupo upang mailarawan ito. Talakayin mo ito ng detalyado kasama ang iyong mga sinasanay. Mag-plano ng isang maikling laro ng football o kaya hagisan ng bola. Pumili ng dalawang pangkat na may parehong bilang, at may parehong (ayon sa iyong nalalaman) antas ng karunungan at lakas. Ang isang grupo ay isasaayos sa iba't ibang posisyon sa loob ng grupo, kasama na ang tagasanay o coach, goalie, depensa at kanan, sentro at kaliwang pasulong. Habang ang isa namang grupo ay sasabihang hindi sila dapat nakasaayos, na ang bawat miyembro ng grupo ay maaaring maglaro ng iba't ibang posisyon, at ang hindi manlalaro (tagasanay o coach) ay hindi sila dapat turuan o gabayan. Simulan ang laro. Ang laro ay talagang dindi dapat maging balanse. Tapusin ang laro makaraan ang maikling sandali at talakayin sa buong grupo ang pagsasaayos ng bawat pangkat.

Maraming miyembro ng komunidad ang naniniwala na ang tanging pagsasaayos na dapat nilang gawin ay ang pagbuo at pagsasaayos ng ehekutibo. Malimit nilang makaligtaan na kailangan nilang magsaayos ng mga bagay upang masiguro na magagawa ang isang proyekto at matatapos ito. Ang isang organisasyon ng tagapagsagawa ay maaaring gawing komiteng nakapaloob sa isang ehekutibo. Maaari nitong isali ang ilan sa parehong mga miyembro at iba pa. Ang layunin ng isang ehekutibo ay ang gumawa ng mga desisyon, tulad ng kung anong direksiyon papunta ang isang komunidad, at kung paano nito mararating o maaabot ang kanilang hangarin. Ang layunin naman ng komite ng tagapagsagawa ay siguraduhing matapos ang proyekto. Ang dalawang organisasyon ay may dalawa at iba't ibang layunin, kung kaya mayroon itong dalawa at iba't ibang mga papel na ginagampanan.

Ito ay nangangahulugan na ang mga miyembro ng komunidad ay dapat nakakaalam kung ano ang iba't ibang mga gawain na bumubuo upang matapos ng matagumpay ang mga proyekto. Kapag gumagawa ng mga posisyon o mga papel na gagampanan sa komite ng tagapagsagawa, hindi sila nakakapagbuo ng isang organisasyon para sa paggawa ng mga desisyon, ngunit nararapat na kumpleto ang ganito upang matapos ang mga proyekto. Ito ay isang pagsasaayos para sa pagkilos. Maraming mga detalye ang nararapat na ma-kumpleto bago pa man matapos ang isang proyekto, kailangang makilala o malaman nila ang mga ito at mai-plano kung sinu-sino ang gagawa ng mga bagay-bagay.

Ang disenyo ng proyekto, noon pa man, ay nararapat na magkaroon ng pagsasalarawan ng iba't ibang mga papel na gagampanan gayundin ang mga kalalabasan o resulta na siyang mga responsibilidad ng bawat papel na gagampanan. Ang komite ng tagapagsagawa ay kinakailangang magkaroon ng mas madalas o regular na pagpupulong kaysa sa komite ng ehekutibo sa panahon ng pagsasagawa o pagsasakatuparan ng isang proyekto (halimbawa na ang konstruksiyon), at ang bawat miyembro na may hawak na responsibilidad ay kinakailangang magbigay-ulat tungkol sa iba't ibang antas kung papaano nila naisasagawa ang kani-kanilang mga responsibilidad.

Maaari mong ipagpatuloy ang pagsasadula sa paggawa ng plano para sa pagkilos ng komunidad, gayundin sa pag-disenyo ng proyekto, na may dagdag na talakayan, pagbuo o pagsaayos ng isang komite para sa pagkilos, pagkumpleto ng proyekto, kabaligtaran ng isang ehekutibong komite na dinisenyo upang gumawa o magpalabas ng mga desisyon ng komunidad.

Maraming mga paraan kung paano mo mapagsasama-sama ang mga dula at talakayan, at ikaw na ang bahala kung paano (maaari kang humingi ng mga suhestiyon mula sa mga sinasanay) upang magkaroon ng desisyon kung paano ito gawin.

Kongklusyon

Kasama ng limang modulo, pati na ang isang ito para sa (pagsasaayos) mismo, maaari kang kumuha ng mga taong hindi tagapagsaayos, at gawin mo silang tagapagsaayos. Ito rin ay isang proseso na kung saan makakapamili sila para sa kanilang mga sarili, mabigyan sila ng laya na makita kung ano ang mga kailangan at kung sino ang ayaw o hindi kayang gumawa ng dapat gawin, at magkaroon ng oportunidad na lumisan at tumiwalag.

––»«––

© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
Web Design: Lourdes Sada
––»«––
Huling Ulat: 15.05.2011


 Pangunahing pahina

 Pagssasaayos