Tweet Mga Salin:
'العربية / al-ʿarabīyah |
PAGSISIMULA NG MOBILISERPatnubay para sa Trainerni Phil Bartle, PhDIsinalin ni Lina G. CosicoMga Nota ng TrainerAng pagmobilisa ng komunidad ay hindi nagyayari ng basta-basta o nang walang paghahanda.Paghahanda ng Landasin Bago Magmobilisa Matapos magsanay at maghanda sa pagmobilisa ang mobiliser o tagapagpakilos, dapat niyang ihanda ang mga kinakailangan para sa pagmomobilisa sa komunidad. Hindi masisimulan ang pagmomobilisa ng walang pagplaplano at paghahanda. Kung ikaw ay nag-oorganisa ng training ng mga mobiliser, magagamit mo ang modulong ito para ituro sa iyong mga trainee ang mga unang gawain nila. Inuulit namin na naniniwala kami na"ang paggawa o hands on" ang pinakamabuting paraan upang matuto, at maaari mong ihanda ang training para mapatuon sa mga aktibidades na "hands-on" habang nag-aaral ng pagmomobilisa ang mga trainee. Ito ang tamang oras para sa iyo na na paalalahanan sila na kailangan nilang gumawa at magmentana ng "paper trail o dokumentasyon." Ang trabaho ng iyong mga trainee sa komunidad ay maapektuhan ng kanilang kaalaman tungkol sa situwasyon at katangian ng komunidad. Paalalahan mo rin sila na hindi sila magtratrabaho habang buhay sa isang komunidad lamang kaya kailangan nilang maghanda ng mga materyal na gagabay sa susunod sa kanila. Kung hindi sila maghahanda ng mga materyal na ito, sa kanilang pag-alis, ang susunod na mobiliser ay mag-aaksaya ng panahon sa pagsisimula imbes na magpatuloy ng gawain sa komunidad sa tulong ng mga obserbasyon at karanasan ng dating mobiliser. Ipaalala mo sa iyong mga trainee na mag-umpisa ng journal o talaan at ipagpatuloy ang pagsususulat sa kani-kanilang mga talaan.. Ito ang parte na kung saan kailangan ng mobiliser na ihanda ang komunidad para sa mabisang pagkilos nito. Tingnan ang modulo tungkol sa"Pamamaraan sa Training". Bigyang pansin ang dokumento tungkol sa "Role Playing o Pagsasadula." Nasasaiyo na kung paano mo gagawin ang sesyong role playing o pagsasadula; maraming paraan ng pagsasagawa nito. Maaari mong itakda na gampanan ng mga trainee ang papel ng miyembro ng komunidad, kapitan ng barangay, konsehal o alkalde, " boss" o superbisor ng mobiliser, at iba pang mga posisyon sa lokal na situwasyon. Sa pagganap sa papel ng iba't ibang kasali sa pagmobilisa ng komunidad, mas maiintidihan ng mobiliser ang proseso ng mobilisasyon. Siklo ng Mobilisasyon: Ang trabaho ng mobiliser ay napapaloob sa tinatawag nating "Mobilisation Cycle" o siklo ng mobilisasyon. Kaya nararapat lamang na sa umpisa ng kanilang training ay may kahit kaunting kaalaman sila tungkol dito. Maaari mong idagdag ang materyal mula sa modulong "Siklo ng Mobilisasyon" kung nais ng mga trainee na malaman pa ang ibang mga detalye. Sa iyong training, huwag mong basta i-presenta ang siklo o umasa sa hand-out. Bagkus, itanong mo sa mga trainee kung ano sa tingin nila ang mga elemento ng siklo at isulat mo sa pisara o malaking papel. Maaari mong ilista mula sa itaas hanggang sa ibaba ang mga bahagi ng siklo na : pagtutukoy o pagtataya ng mga pangangailangan, pamimili ng proyekto ng komunidad, pagdisenyo ng proyekto, pagsasagawa ng proyekto, pagsubaybay sa proyekto at pagtutukoy sa mga kinalabasan ng proyekto. Mas mabuti na manggaling sa mga trainee ang mga kasagutan at kung sila ay medyo nahihirapan, maaari mo silang tulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga himatong tungkol sa mga elemento ng siklo. Isang sesyon na maghahamon sa kakayahan ng mga trainee ay ang pag-arte ng mga trainee ng "papel" ng bawat bahagi ng siklo. Maaari silang magsuot ng karton o papel na may pangalan ng bawat bahagi ng siklo. Ano ang sasabihin nila tungkol sa nakasulat sa kanilang papel? Kung hindi ito magawa ng trainee, bigyan mo sila ng pagkakataon na sumubok uli, o kaya ay pumili ka ng panibagong grupo na imbes na magsasalita ay magpapaliwanag tungkol sa siklo ng hindi nagsasalita. Maaaring maging mas masaya ito, maaari ding may mapapahiya ngunit sa paraang ito, mas matatandaan ng mga trainee ang prinsipyo kung hindi man ang mga detalye ng siklo. Sa website na ito ay mayroong power point presentation ng siklo ng mobilisasyon na gumagamit ng mga larawang iginuhit ni Julianna Kuruhiira. Mas detalyado ito kaysa sa nakasaad sa modulo. Kung ikaw ay may pasilidad para magamit ito (power point), makakabuting gamitin ito para maiba ang presentasyon. Maaari mo ring gamitin ang kompyuter para makita ng mga trainee, mga tatlo o apat sa isang beses. Tingnan "Siklo ng mobilisasyon." Paalalahanan mo ang iyong mga trainee na ang trabaho nila ay nakabase sa siklong nabanggit, na ang komunidad ay hindi aasenso o malilinang ng isang proyekto lamang. Para umasenso ang komunidad, kailangan ang paulit-ulit na paggawa ng siklo na magkakaroon ng pagbabago base sa mga kondisyon sa komunidad. Pagkuha ng Pahintulot Bilang trainer, nararapat lang na ipaliwanag mo sa iyong mga trainee na bago sila makapagtrabaho sa kani-kanilang distrito, kailangan nilang kumuha ng dalawang klase ng pahintulot o permiso. Ang mga ito ay pormal, legal o opisyal na permiso at impormal o hindi opisyal na permiso. Kadalasan ay simple lang ang pormal na permiso ngunit tandaan mo na ang "simple" ay hindi palaging "madali". Madalas na nagkakaiba ang mga pormalidad sa bawat bansa, ganoon din sa mga rehiyon, probinsiya at distrito. Ang pormal na permiso ay batay sa mga batas at alituntunin kung kayat ito ay nakadokumento. Ang impormal na permiso ay walang nakasulat na proseso kung papano kukuhanin. Ito ay tumutukoy sa paghuli ng loob at pakikisama sa mga pamunuan ng lugar upang maging kaalyado sila at hindi maging balakid. Mahalaga ang kanilang kooperasyon; ang pangsalungat nila ay malamang na magbigay ng problema. Madaling malaman kung mayroon ka nang pormal na permiso dahil mayroon kang resibo o sulat o papeles na nagpapatunay nito. Samantalang sa impormal na permiso, wala kang matibay na pinaghahawakan. Ipaliwanag mo na ang mga mobiliser ay palaging nasa proseso nang pagkuha ng impormal na permiso habang siya ay nagtratrabaho sa isang lugar. Sa iyong sesyon, maaari mong tanungin ang iyong mga trainee na magbigay ng halimbawa ng dalawang klase ng permiso sa kani-kanilang distrito o rehiyon. Naaakma ring gawin ang "role playing" o pagsasadula para sa sesyong ito. Hatiin mo ang mga trainee sa dalawang grupo na may dalawa hanggang limang tao. Ang unang grupo ay may isang tao na gaganap sa papel ng mobiliser. Ang pangalawang grupo ay may isang tao na gaganap sa papel ng opisyal na magbibigay ng permiso. Ang ibang miyembro ng bawat grupo ay gaganap sa papel ng mga tagapayo ng mobiliser at opisyal. Paghiwalayin mo ang dalawang grupo at sabihan mo ang mga tagapayo na tulungan ang kani-kanilang mga pinapayuhan sa kanilang mga sasabihin. Mahalaga na ang mga tagapayo ng opisyal ay mailabas ang mga hinala, haka-haka at kinatatakutan ng mga nagbibigay ng opisyal ne permiso. Ganoon din sa mga tagapayo ng mobiliser, kailangan nilang mailabas ang mga benepisyo ng kanilang trabaho sa komunidad at sa mga pamunuan nito. Sabihan mo ang mga grupo na pumunta sa iba't ibang sulok ng silid at maghanda sa loob ng 10-15 minuto. Matapos ang preparasyon, pabalikin ang lahat, pati na ang ibang trainee na hindi nakasama sa mga grupong nagprepara ( sila ang magiging manonood ng palabas). Simulan mo ang pagpapalabas ng mga grupo sa eksenang tumutuktok ang mobiliser sa pintuan ng opisina ng opisyal upang humingi ng permiso na magtrabaho sa kanilang lugar. Kapag ang grupo ng mga trainee ay malaki, maaari mong ulit-ulitin ito. Pagkatapos ng isa o dalawang sesyon, maaari kang magsama ng isa pang "panggulong" grupo. Maaari itong isang tagapagpayo ng opisyal o reporter (na nagkataong nasa opisina din ng opisyal na kinakausap ng grupo) na magtatanong ng mga hindi inaasahan at kontrobersyal na bagay. Pagkatapos ng palabas, makakabuting sundan ito ng sesyon na kung saan ay magbubuo ang mga trainee ng listahan ng mga maaaring itanong ng mga opisyal, mga hindi nailalabas na katanungan ng komunidad at mga argumentong magagamit ng mobiliser. Kahit na hindi kailangang humingi ng opisyal na permiso ang mobiliser, makakatulong pa rin sa kanilang preparasyon at pang-unawa ng kanilang papel ang pagsasagawa ng palabas. Pagtataas ng Kamalayan Ang proseso ng pagtataas ng kamalayan ng populasyon ay nahahawig sa proseso ng pagkuha ng impormal na permiso mula sa lokal na pamunuan. Sabihin mo sa mga trainee na marapat na palagi silang nangunguha (at pinag-iingatan) ng mga kaalyado at tagasuporta mula sa komunidad. Sa iyong mga sesyon, maaari mong gamitin ang pagsasadula na gumagamit ng iba't ibang "panggulo" na sinusundan ng pagsusuma o paggawa ng listahan ng mga aral ng sesyon. Paalalahanan mo rin ang mga trainee na habang pinatatataas nila ang kamalayan ng komunidad, mahalagang umiwas sila sa mga hindi makatotohanang ekspektasyon. Hindi rin nangangahulugan na basta na lang tatanggapin ng mobiliser ang mga mungkahi ng mga pinakabokal na miyembro ng komunidad dahil sa ito ang partisipasyon ng komunidad. Kailangang tulungan ng mobiliser na lumabas ang lahat ng kaisipan ng iba't ibang sektor ng komunidad. Halimbawa, sa sesyong pagsasadula, maaari mong imungkahi sa grupo ng komunidad na humiling na magkaroon ng klinika at doktor, ganun din, maaari mong imungkahi sa grupo ng mobiliser na itanong ang dahilan kung bakit nila kailangan ng kilinika at doktor, para ba bumaba ang insidente ng mga sakit? Kung ang dahilan ay para bumaba ang insidente ng mga sakit, mas mabuting solusyon ang pagkakaroon ng malinis na tubig, at malinis at tamang paggamit ng palikuran. (Tingnan ang modulo tungkol sa "Tubig"). Pag-oorganisa Tungo sa Pagkakaisa Kailangan mong siguraduhin na ang iyong mga trainee ay hindi nag-aakala na likas ang pagkakaisa sa komunidad. Ang salitang "komunidad" ay nakakaligaw dahil mayroong "unidad" o pagkakaisa sa loob nito. Popular din na paniniwala na ang komunidad ay mapayapang lugar na kung saan magkakakilala, magkakaibigan ang lahat at may kooperasyon sa isa't isa. Tingnan Pag-oorganisa Tungo sa Pagkakaisa. Nalalaman ito ng mga sociologist o mga eksperto sa pag-aaral ng lipunan. Sa mga susunod na modulo mas maraming aralin tungkol sa lipunan o sosiyolohiya ang isasama sa training, at mas lalabas ang mga gulo o alitan sa lipunan. Dahil sa panimula pa lang ito ng kanilang training, tama na munang ipaalam sa mga trainee na maraming nakatago o hindi masyadong nakatagong alitan sa bawat komunidad. Ang alitang ito ang nagpapahina sa komunidad. Dahil dito, mahalagang bahagi ng trabaho ng mobiliser ang kumbinsihin ang mga miyembro ng komunidad na isantabi ang kani-kanilang pagkakaiba at magtulungan sa ilang aktibidad para palakasin ang komunidad. Kailangang matutunan ng mga trainee na ang pag-oorganisa tungo sa pagkakaisa ay hindi isang bahagi lamang ng kanilang gawain at pagkatapos nito ay maaari na silang gumawa ng ibang aktibidad. Ito ay isang walang katapusang pagpupunyagi sa panahon ng pagtratrabaho nila sa komunidad. Ang pagkakawatak-watak ng komunidad ay base sa maraming bagay. Kasama rito ang (ngunit hindi limitado sa):
Kung minsan ay kailangan ng mobiliser na tanggapin ang mga nakagawian sa komunidad, subalit may mga pagkakataon naman na kailangan ng mobiliser na ipagpilitan na isama sa mga miting ang ibang mga grupo na matagal nang hindi isinasama. Narito ang dalawang halimbawa mula sa sarili kong karanasan. Sa isang konserbatibong komunidad ng mga Muslim, maraming pagbabawal sa mga paggalaw o pagkilos ng mga kababaihan. Kailangan naming mag-ingat sa aming mga gawain. Sa tulong ng basbas at kooperasyon ng mga malaam (o tinitingala sa lipunang muslim), nagkaroon kami ng training sa gawaing panlipunan para sa kababaihan na isinagawa ng mga babaing trainer sa loob ng kanilang mga tahanan. (Tingnan CBSW). Taliwas ito sa ginawa namin sa hilagang Ghana na kung saan may mga Muslim na hindi konserbatibo. Sa mga miting namin sa nayon upang matukoy ang kanilang prayoridad, kapag puro lalaki ang dumating, magalang naming ipinapaliwanag na kailangan ay lahat ang dumating bago makapagmiting nguni't hindi namin sinabi ang layunin ng miting. Ipinapagpaliban namin ang miting sa susunod na araw. Dumating and mga kababaihan pati na ang mga may kapansanan at minoridad sa kinabukasan. Tingnan din ang modulo tungkol sa Kasarian. Ang pagbibigay ng mensahe o aralin ay maaaring gawin sa iba't-ibang paraan. Kung alam mo ang iba't-ibang dibisyon sa lugar na pinagdarausan mo ng training, maaari mong itatag ang iba't-ibang sesyon ng pagsasadula kung saan gagampanan ng mga trainee ang papel ng mga naglalabang posisyon sa komunidad, pati na ng mobiliser at kaniyang mga tagapayo na iisip ng mga stratehiya upang magkaisa ang mga dibisyong ito. Maaari ka ring humingi ng tulong sa mga espesyalista para isagawa ang training. Halimbawa, sa aking gawain sa Africa tungkol sa pagbuo ng stratehiyang pangkasarian, nalaman ko na may ministro na nakatutok sa usaping kasarian na may mga magagaling na trainer na handang tumulong o magsagawa ng training. Pagsasalita sa Publiko Isa sa mahahalagang kakayahan ng kailangan ng isang mobiliser ay ang pagsasalita sa publiko, na kung saaan marami siyang hindi kilala. Maaring may mga taong natural na may kakayahang magsalita sa harap mg marami, subalit sa iba, ito ay kailangang pag-aralan. Ang pinakamalaking balakid dito ay takot o pag-aalala. Kapag nalampasan mo ito, madali kang matututo at mapapagbuti ang pagsasalita. Ang isang magaling magsalita sa publiko ay hindi lamang malakas ang tinig, mahinahon, malinaw at simpleng manalita, kundi marunong ding makinig sa sinasabi ng iba, isaalang-alang ang kanilang maaaring sabihin kahit na sila'y nananatiling tahimik, at may kaugnayan sa kanyang mga tagapakinig. Hindi sapat na isaloob ng mobiliser ang kanyang respeto sa mga mamamayan, kailangang ipakita niya ito sa lahat, lalo na sa kanyang pagsasalita sa publiko. Kapag inilista mo o sinabi mo ang lahat ng ito sa iyong mga trainee sa unang sesyon ninyo sa pagsasalita sa publiko, baka matakot sila dahil baka isipin nilang masyadong maraming hinihingi sa kanila. Mababawasan ang kanilang pag-aalala matapos nilang matuto at magsanay- at magsisimula ito sa inyong sesyon. Sa paksang ito ay tunay na epektibo ang "pagsasagawa para matuto". Kung mayroon kang limang araw ng pagsasanay, maaari kang magtatag ng lima o anim na maikling sesyon ukol sa pagsasalita. Isa na rito ang larong agarang pag-iisip ( na ginagamit ng organisasyong "Toastmasters"). Sa larong ito, tatawagin mo ang isang trainee na magpunta sa harap ng grupo at magsasalita ng dalawang minuto tungkol sa isang salita o paksa. Hindi kailangang may kinalaman sa pagsasanay ang salita, gaya ng "saging", "biyenan", "takip ng basurahan". Maaari mong isulat ang mga salita sa mga piraso ng papel na mapapagpilian ng mga trainee. Kung nakapaghanda ka na ng training kada buwan o dalawang buwan para sa mga grupo ng trainee (rinerekomenda namin ito), maaari mo ring isama ang sesyong ito sa buwanang training. Maaari mo ring ibahin ang sesyon. Halimbawa, pagkatapos mong ibigay ang paksa sa trainee, palabasin mo siya sa kuwarto at bigyan ng dalawang minuto upang maghanda. Samantala, ligid sa kaaalaman ng trainee na magsasalita, sabihan mo ang mga tagapakinig na trainee na kailangan nilang baguhin ang paksa nang hindi tuwirang sinasabi kung ano ang paksang gusto nilang talakayin ng tagapagsalita. Maaaring ang paksang napili ng tagapagsalita ay "pagpapalit mg karburador" samantalang ang mga tagapakinig ay may paksang "pagbubukas ng talaba". Ang tagapagsalita ay bibigyan ng apat na minuto para talakayin ang kanyang paksa, tukuyin ang paksa ng tagapakinig, pag-ugnayin ang dalawang paksa o talakayin ng tuluyan ang paksa ng tagapakinig. Sa mga sesyong ito, dapat kang mag-ingat sa pagpuna. Para sa mga mahiyaing tao na takot na magsalita sa publiko, maari silang masiraan ng loob kapag pinuna at tuluyang hindi magkaroon ng kakayahan sa pagsasalita sa publiko. Ito na ang magandang pagkakataon upang pag-usapan ang mga alituntunin ng "brainstorming" o pagsasamang pag-iisip (see Brainstorm o Pagsasamang Pag-iisip), o ang susing salitang "Sandwich," na makakatulong sa pamamahala. Hihiramin natin ang paraan sa mga miting ng AA1 . Dito, inaatasan ang mga tagapakinig na pumalakpak pagkatapos magsalita ang isang tagapagsalita, kahit na ano pa ang kanyang sinabi. Kung mayroon kang mga kagamitan, ito ang sesyong nangangailan ng camcorder. I-video tape mo ang bawat tagapagsalita, kung maaari, isang tape sa bawat tagapagsalita. Ibigay mo sa kanila ang tape at hayaang panooring mag-isa sa isang pribadong lugar. Nasasa kanila na kung gusto nilang burahin ang tape o ipakita sa kanilang mga kaibigan. Maaari din nila itong iuwi at panoorin sa kanikanilang tahanan. Imbes na manggaling sa iyo o sa ibang trainee ang pagpuna o pagpayo, sa paraang ito, binibigyan mo ang trainee ng pagkakataon na pribadong masdan at punahin ang kanyang sarili at itago o sirain ang video. Paghahamon sa Komunidad: Isang mensahe ang nakapaloob sa buong training na ito. Ang pinakasentrong pamamaraan sa pagbibigay kapangyarihan sa lipunan ay base sa paniniwalang ang isang organismo ay lumalakas sa pamamagitan ng pakikibaka, pagsisikap at pagsasanay. Ito ang dahilan kung bakit naniniwala kami na mas epektibo ang training ng mga mobiliser kapag sila ay "gumagawa" o nagsasanay sa kanilang trabaho kaysa nakikinig lamang sa mga itinuturong aralin. Ito rin ang basehan ng aming pag-iingat sa paggamit ng pamamaraang kawanggawa o paglilimos; ang pagbibigay sa mahihirap ay hindi nakakapagpalakas sa kanila o nakakatulong na makatayo sila sa kanilang sariling mga paa, bagkus ay nasasanay silang maghintay at umasa sa mga limos. Isang pagsasadula ma maaari mong gawin ay ang halimbawa sa handout tungkol sa "Paghamon sa Komunidad." Magtatag ka ng dalawang grupo, ang isa ay ang mobiliser at ang kanyang mga tagapayo, at ang isa naman ay ang komunidad. Maaari mong gamitin ang handout, at atasan mo ang grupo ng komunidad na humiling ng klinika, at ang grupo ng mobiliser ay tatanungin ang komunidad kung bakit nito kailangan ang klinika hanggang sa matumbok ng komunidad na mas mabuting piliin nila ang magkaroon ng malinis na tubig upang maiwasan ang pagkakasakit. Itanong mo sa mga trainees kung mayroon silang maiimungkahing pagsasadula na kung saan hihingi ang komunidad ng isang bagay at tutulungan sila ng mobiliser na pag-isipang mabuti ang kanilang kahilingan para makagawa ng makatotohanan at makabuluhang desisyon. Pag-oorganisa Tungo sa Kalakasan Isa pang sentrong prinsipyo ng empowerment methodology o pamamaraan ng pagbibigay kapangyarihan ( pagkatapos ng "pakikibaka para magkaroon ng lakas") ay ang pag-oorganisa ay nagbubunga ng lakas, at ang mas mabuting pag-oorganisa ay nagbubunga ng mas matinding lakas. Ang prinsipyong ito ay nagmula sa mga sinulat ni Max Weber, na sumulat tungkol sa mga katangian ng mga burokrasya na nagbigay ng kapangyarihan sa kanila. Sa puntong ito ng training ay hindi pa marapat na turuan mo sila ng tungkol sa sosiyolohiya ( darating ito sa bandang huli ng training ng mobiliser). Pero mahalaga ito sa iyo, bilang trainer na malaman ang prinsipyo ng sosiyolohiya na nakapapaloob sa training. Daang taon nang nalalaman ng mga nag-oorganisa ng unyon na kapag pinagsamasama mo ang mga manggagawa (sa isang kompanya), pinag-isa sila tungo sa isang adhikain, at tinulungang mag-organisa ng nag-iisang samahan o organisasyon, magkakaroon sila ng kapangyarihan. Ang mga negosyante at mamahala ay hindi nagugustuhan ang unyon dahil sa ang unyon ay malakas at makapangyarihan. Magagamit nila ang kapangyarihang ito para protektahan ang kanilang sarili mula sa hindi makatarungang mababang suweldo at mapanganib ng kondisyon sa lugar ng trabaho. Ang prinsipyong ito ay magagamit para sa kahit anong grupo, dito ay ginagamit natin ito para sa pagbibigay kapangyarihan sa komunidad. Paano mo maipapaliwanag at maipapakita ang prinsipyong ito sa iyong mga trainee? Kailangan ng mga nagsasanay para maging mobiliser na malaman ang kahalagahan ng pag-oorganisa. Hanggang sa puntong ito, inererekomenda ng Patnubay ng Trainer ang pamamaraan ng paggamit ng pagsasadula para malagay ang mga trainee sa iba't-ibang posisyon ng mga taong may kinalaman sa proseso ng pag-oorganisa sa komunidad. Ang paraang ito ay pinabubuti ang kanilang kakayahan at nagbibigay ng pang-unawa tungkol sa mga situwasyon, kilos at ugali ng mga taong makikilala at makakatrabaho nila sa pagbibigay lakas sa komunidad. Sa sesyong ito, baka mas makakabuti na gumamit ng ibang pamamaraan. Ipaliwanag ang prinsipyo, at ipakita kung papaano ito magagamit sa kaso ng dalawang basketball team na magkatumbas ang kakayahan. Itanong sa mga trainee na magsabi ng iba pang mga situwasyon na kung saan mas epektibo ang isang grupong organisado kaysa sa isang kakahawig na grupo na hindi organisado. Ilista mo ito sa pisara o malaking papel. Magsimula sa mga grupong panlaro gaya ng basketball, pero huwag ka lang dito tumutok, tulungan mo ang mga trainee para masama ang iba pang mga grupo gaya ng militar, rebelde, mga gumagawa ng produkto (handicraft, kandila, atbp.), nagbibigay serbisyo (manikurista, katulong, atbp.). Makapagbibigay kaya ang mga trainee ng mga bago at iba pang halimbawa? Kung may malaki kang grupo ng mga trainee, bumuo ka ng maliliit na grupo at atasan mo silang maghanda ng argumento na pabor sa pag-oorganisa at kung papaano maitatatag ang organisasyong ito. Maaaring ang isang grupo ay tatalakay sa isang grupong militar, ang isang grupo sa grupong komersyo o grupong relihoyoso (kung nararapat) at marami pang iba. Ang bawat grupo ay dapat magdesisyon kung ano ang nararapat gawin sa pagtatatag ng organisasyon para ito maging mas epektibo. Ang bawat grupo ay mag-aatas sa isa nitong miyembro na mag-ulat sa buong grupo. Mahalagang matutunan ng mga trainee na ang proseso ng pagbibigay lakas ay hindi lamang para sa komunidad ngunit para din sa proseso ng pag-oorganisa. Konklusyon; Pagsasanay ng Mobiliser: Ang mga pamamaraan na gagamitin mo para mahikayat ang mga trainee na matuto ng pagmomobilisa ay dapat na iba't- iba at nakakawili. Imbes na puro lektyur o presentasyon, mas makakabuti na aktibo ang partisipasyon ng mga trainee sa kanilang pag-aaral. Ang pagkakaiba't iba ng mga pamamaraan ay magpapanatili ng kasariwaan ng proseso ng pag-aaral, hindi nakakasawa, at nakakatulong sa pag-unawa ang pagtanda sa mga aralin. Huwag kang umasa sa mga tradisyonal na pamamaraan, o maski sa mga patnubay dito. Mas magiging sariwa, mapaghamon at masigla ang iyong training kung ikaw mismo ang gagawa ng sarili mong pamamaraan. Makabubuti rin kung mag-iimbita ka ng ibang trainer para sa ilang sesyon ng iyong workshop. Mas hindi nakakasawa kung iba't-iba ang tagapagsalita sa bawat sesyon. Maaari ka ring mag-imbita ng mga grupo ng mananayaw, aktor, mang-aawit o grupong nagsusulong ng kultura. Makakatulong din na gumamit ka ng iba't-ibang paraan ng pagprepresenta sa isang sesyon: slide, overhead, pelikula, video, puppet show, flannel board, pagsasadula, atbp. Sa isang sesyon, huwag mong tagalan ang paggamit ng isang paraan, at ibahin mo ito sa bawat sesyon. Ang pagsasadula ay maaari mo ring bagu-baguhin; imbes na umarte ang mga trainee, maaari silang gumamit ng mga puppet o manika. Maaari rin silang gumawa ng mga larawan na ipapagkit sa flannel board, imbes na magsadula. Ang paggamit ng iba't-ibang pamamaraan sa pagtuturo ang nagbibigay sarap sa pag-aaral. nota 1. : AA = Alcoholics Anonymous`––»«––© Pagaari 1967, 1987, 2007 Phil Bartle
––»«–– |
Pangunahing pahina |
Pagsisimula |